Pinoy Weekly

Alyansa ng kabataan kontra Cha-Cha, inilunsad

Pinangunahan ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang paglulunsad ng Kabataan Kontra Cha-Cha by sa pamamagitan ng pagpirma ng petisyon sa isang press conference sa Adamson University.

Pinangunahan ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang paglulunsad ng Kabataan Kontra Cha-Cha by sa pamamagitan ng pagpirma ng petisyon sa isang press conference sa Adamson University. (Danny Pata)

Inilunsad ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at iba pang grupong pangkabataan ang isang alyansa  laban sa House Resolution 1109 at iba pang hakbang ni Pangulong Arroyo na amyendahan ang Konstitusyong 1987 bago ang halalan sa 2010.

Sa isang press conference noong Hunyo 18, nangako ang Kabataan Kontra Cha-Cha na labanan ang Charter Change. Binubuo ang alyansa ng mga estudyante mula sa Adamson University, Lyceum of the Philippine University, Polytechnic University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, Pamantasang Lungsod ng Maynila, St. Paul’s College, University of the Philippines, Trinity University of Asia, University of Sto. Tomas, at Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology.

Sinalubong ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang pagbubuo ng alyansa na aniya’y “napapanahong” insiyatiba ng mga kabataan para labanan ang Cha-Cha.

“Dapat umaksiyon nang mabilis ang kabataan sa maiinit na isyung pambansa gaya ng Charter Change. Umaasa akong mas maraming grupong pangkabataan pa ang maging bahagi ng alyansa dahil kagyat tayong dapat magkaisa at kumilos,” ani Palatino.

Hinikayat ni Palatino ang mga kabataan na manindigan laban sa Cha-Cha sa pamamagitan ng mga symposium, kilos-protesta, disksuyon sa loob ng klasrum at mga grupo, “at iba pang malikhaing pamamamaran para maakit ang malawak na bilang ng mga kabataan.”

Sa pagbubukas ng klase sa mga kolehiyo at unibersidad noong Hunyo 15, naglunsad ng petition signing kontra Cha-Cha ang iba’t ibang grupong pangkabataan. Nangako ang mga ito na lalahok sa pinaplanong malawakang kilos-protesta sa State of the Nation Address para harangin ang HR 1109 o pagbubuo ng Constituent Assembly.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2091

Posted by on Jun 18 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Alyansa ng kabataan kontra Cha-Cha, inilunsad”

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes