Paulit-ulit na tugtugin ng Cha-cha
Para kanino nga ba talaga ito? Sa mga nagdaang mga tangka na magkaroon ng Cha-cha, maaaring makita ang sagot.
Maraming pagbabago ang dala ng bawat bagong taon, pero hindi inaasahan ni Helen, 59, na ngayong 2024 kakailanganin niya mangalap ng pirma kapalit ng bigas.
Barangay health worker sa Mandaluyong City si Helen, hindi niya tunay na pangalan. Sa takot mawalan ng trabaho, pinili niyang gumamit ng alyas sa panayam sa Pinoy Weekly.
Ayon sa kanya, inutusan siya at ang iba pang barangay health worker na pumirma para baguhin ang Saligang Batas. Gawa na rin ng kanilang trabaho, walang magtataas ng kilay kapag bumisita sila sa mga kabahayan, kaya naatasan ang kanilang grupo na mangumbinsi ng mga kabarangay kapalit ng limang kilo ng bigas.
Bawat isa sa kanila, binigyan ng 20 pahina ng petition paper na may sampung linya kada papel. Matapos maglibot, nakakuha sila ng 2,700 na pirma para sa barangay. Hindi kasama si Helen sa mga pumirma, dahil hindi siya kumbinsido sa inaalok na pagbabago.
Sa Lipa City, Batangas naman, ikalawang linggo ng Enero nang mapabalita ang pag-iikot ng mga tauhan ng isang kilalang politiko para magpapirma. Ayon sa impormante na opisyales ng isang barangay, sinabihan raw ang mga tao na kailangan nilang pumirma para baguhin ang Saligang Batas at “ilagay sa batas ang ayuda para kahit sino ang maupo, tuloy-tuloy ang 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program], ‘yong [benepisyo] sa mga senior [citizen]” at iba pa.
Laman ngayon ng balita at usap-usapan ang mga pangakong tulad nito oras na magkaroon ng Charter change (Cha-cha). Pero para kanino nga ba talaga ito? Sa mga nagdaang mga tangka na magkaroon ng Cha-cha, maaaring makita ang sagot.
Lumang tugtugin
Sinasabi sa Saligang Batas ng 1987 na posibleng amiyendahan ang konstitusyon sa pamamagitan ng people’s initiative, constitutional convention, at constitutional assembly.
Noong 1997 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos, sinubukan nitong gamitin ang people’s initiative para tanggalin ang limitasyon sa termino o ilatag ang probisyon na makatakbong muli sa posisyon ang nakaupo na sa puwesto.
Sa panahon naman ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 1999, tinawag na “Constitutional Correction for Development” ang tangkang pag-amiyenda sa konstitusyon.
Tulad ng kasalukuyang tinutulak na “economic provisions,” pareho ang tangka ng “Concord” ni Estrada na paluwagin ang probisyon sa dayuhang mamumuhunan.
Gaya ng kay Ramos, nabalahaw din ang planong manatili sa puwesto ang mga nanunungkulan lagpas sa itinatakda ng batas. Sa kabalintunaan, napabilis pa ang pagpapatalsik kay Estrada dahil sa isyu ng korupsiyon noong 2001.
Sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, isinulong naman gawing parlamento ang uri ng pamahalaan. At kahit pa nasangkot siya sa eskandalong dayaan na mas kilala bilang “Hello Garci” noong 2004, sinubukan ng kanyang administrasyon ang tatlong paraan ng pagsulong ng Cha-cha. Tinawag pa noong “Sigaw ng Bayan,” ang people’s initiative.
Isa naman sa mga pangako bago mahalal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pederalismo ng Pilipinas. Nilayon rin niya ang mas malayang dayuhang pamumuhunan.
Naging agresibo rin ito pagdating sa dapat na rebisyon sa probisyon na pumoprotekta sa karapatan sa pagpapahayag.
Pero kahit pa sinasabing popular sa masa, hindi rin nakakuha ng malawak na suporta ang pagsusulong ni Duterte ng Cha-cha lalo pa’t mas tinabunan ito ng ingay ng mga naging paglabag ng kanyang administrasyon sa karapatang pantao sa ilalim ng mapaminsalang “war on drugs.”
Sa kasaysayan ng mga nagdaang pagtatangkang amiyendahan ang Saligang Batas, walang dudang ang mga pagtutol ng mamamayan ang sumasagka sa anumang pagbabadya ng abuso sa kapangyarihan.
Sa ngayon
Kakaupo pa lang, masigasig na ang Kamara sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez na itulak ang Cha-cha. Enero ngayong taon, libo-libong pirma na ang nalikom para sa people’s initiative. Sinasabayan rin ng ehekutibo ang tugtugin ni Romualdez.
“The 1987 Constitution was not written for a globalized world,” sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang interview sa telebisyon noong Ene. 23. Aniya, kailangan nang palawigin ang pang-ekonomiyang pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng higit na pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Nitong Ene. 23, naglabas ng manifesto ang Senado na hindi nila aprubado ang pagbabago sa Saligang Batas gamit ang people’s initiative.
Binigyang diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi magiging patas ang pagsulong ng Cha-cha kung pagbabasehan nito ay pinagsamang mga boto ng Kamara na may 316 miyembro at Senado na mayroon lang 24.
Dahil dito, aniya, mawawalan ng kapangyarihan ang mga Senado na makapagpasiya sa usapin ng mga pagbabago Saligang Batas.
Ibang isyu pa ang pagiging lehitimo ng mga pirma. Kailangan bantayan ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Sen. Joel Villanueva, posibleng hikayatin ang mga pumirma ng petisyon na bawiin ang kanilang pirma dahil mukhang hindi naipalawanag nang maigi ang dokumento.
Halimbawa na nito ang kaso ni Helen sa Mandaluyong City at ang barangay worker sa Batangas.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, may karapatan ang mga tao na bawiin ang kanilang pirma. Sa huling tala noong Ene. 23, nakatanggap na ang Comelec ng mga pirma mula sa 900 na lungsod at bayan sa buong Pilipinas.
Itinanggi naman ni Romualdez na siya ang nasa likod ng pag-uutos sa mga pamahalaang lokal na magpapirma para sa pagsang-ayon sa Cha-cha.
Boses ng masa
Hindi sang-ayon ang iba’t ibang progresibong grupo sa pagtatangkang baguhin ang Saligang Batas. Ayon sa kanila, panibagong pasakit lang mga inaalok na ibayong liberalisasyon sa ekonomiya.
“Kabuntot din ito ng lalong paglala ng kontraktuwalisasyon, mababang uri at temporaryong trabaho para sa interes ng dayuhan,” sabi ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Sa tingin ng KMU, kung lalong dedepende ang gobyerno sa dayuhang pamumuhunan, mas lalong ‘di makakamit ang panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa dahil mangingibabaw ang pagtitiyak ng ganansiya at tubo ng mga multinasyonal at transnasyonal na korporasyon.
Para naman sa sektor ng edukasyon, sinabi ng Alliance of Concerned Teachers na magiging sagabal ang Cha-cha para sa pagkakamit ng mataas na kalidad ng edukasyon. Tutol sila sa dayuhang pagmamay-ari ng mga paaralan na sa tingin nila’y “mas magpapalala sa kolonyal at komersiyal na karakter ng edukasyon sa bansa.”
Pagpapaunlad ng agrikultura at pambansang industriyalisasyon ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Lumilitaw rin ito anila sa mga sarbey na nagpapakita na presyo ng bilihin at kahirapan ang iniintindi ng mga Pilipino, hindi Cha-cha.
Sa ginawang sarbey ng OCTA Research noong Dis. 10 hanggang 14, 1% lang o isa sa kada 100 na mga nainterbyu ang naniniwalang kailangan pagtuunan ng pansin ang Cha-cha.
Higit 70% sa kanilang nakausap, ayon sa Ene. 22 na resulta ng sarbey, mas iniintindi ang pagkontrol sa lumalalang implasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sunod na dito ang panawagan para sa abot-kayang presyo ng pagkain, paglikha ng mas maraming trabaho, pagtaas ng sahod at pagtugon sa kahirapan.
Alam rin ito ng mga opisyal na nangangalap ng pirma kapalit ng bigas tulad sa barangay ni Helen at pangakong ayuda tulad sa Batangas. Malinaw sa kanila na may krisis sa kagutuman at kahirapan na puwedeng gamitin para agad umoo ang mga tao.
Ang nagpapatuloy na panawagan ng Makabayan bloc sa Kongreso, agarang imbestigasyon sa pondong ginamit para makalikom ng pirma sa people’s initiative. Anila, baka pera rin ito ng masa na bumabalik lang sa kanila sa huwad at mapang-abusong paraan.