Ang pagbabalik ng charter change
Hindi dapat manguna sa proseso ang mga politiko at political dynasty dahil maaaring maging baliktad sa pambansang interes ang resulta.
“May lugar dapat ang mabuting Konstitusyon para umayon sa sosyo-politikal na klima.”
Sinusubukan na naman baguhin ng ating mga politiko ang Konstitusyon.
Mayroon nang mga sumubok na baguhin ang 1987 Konstitusyon gaya nina Ramos, Macapagal-Arroyo at Duterte, pero wala pang nagtagumpay.
Dahil hindi nakisama ang Senado, dalawang beses sinubukan gamitin ang Article XVII ng Konstitusyon para sa pagbabago nito. Ngunit dahil dito, naglabas ng dalawang desisyon ang Korte Suprema na ginawang mas mahigpit ang mga kahingian ng pagpepetisyon.
Walang ni isang tangka na umabot sa referendum.
Ilang beses ko na rin naman sinabi na sang-ayon ako sa pagbabago ng Konstitusyon, pero dapat itong dumaan sa maayos na proseso.
Kung walang debate at deliberasyon, walang pag-aaral at pagsusuri sa mga epekto, at walang sususundin na tamang proseso, makakasama ang pagbabago ng Konstitusyon natin. Gaya sa medisina, sa pamamahala at paggawa ng polisiya, dapat, huwag gumawa ng makakasakit sa iba ang unang tuntunin.
Noong 2012, naging co-author ako ng “The 1987 Constitution: To Change or Not to Change.” Isinulat ko ito kasama nina Joy Aceron, Edgar Bonto at Benedict Nisperos, pinamatnugutan ni Dr. Dennis Gonzalez, at inilathala ng Anvil Publishing.
Ginawa ito para sana maging guidebook sa pagbabago ng Konstitusyon na binase naman namin sa mga pag-aaral na ginawa ng Ateneo School of Government.
Ipinaliwanag namin dito kung paano nagtapos ang iba’t ibang tangkang charter change—anong mga nagtagumpay, anong mga ginawa na hindi lehitimo at nakapahamak lamang, at kailan tayo pumalpak.
May tatlong aral tayong makukuha mula sa kasaysayan ng Pilipinas sa pagbabago ng Konstitusyon.
Una, kailangan nitong maging transparent, participatory at inclusive.
Makikita natin ito sa 1935 Constitution na nagawa sa pamamagitan ng Constitutional convention, at ang 1987 Constitution isinulat ng commissioners na nanggaling sa iba’t ibang sektor at oposisyon na nagtiyagang umikot sa bansa para kumonsulta sa mga mamamayan.
Pangalawa, hindi dapat masyadong masangkot sa proseso ang pangulo.
Dapat niyang hayaan ang Constitutional convention o constituent assembly na gawin ang kanilang tungkulin. Unang isinulat ang 1973 Constitution ng convention na nahalal, pero nangialam si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kaya nagkaroon ng hindi lehitimong resulta.
Pangatlo, dapat sundin at hindi manipulahin ang Constitutional procedure na nasa Konstitusyon.
Naipasok ang amendment ng parity rights na pabor sa mga Amerikanong mamamayan at korporasyon matapos ang World War II dahil inalis sa constituent assembly ang House of Representatives na mula sa Democratic Alliance. Nagdala ito ng civil war sa Gitnang Luzon at nagdala ng underdevelopment sa ating bansa na nagtagal ng tatlong dekada.
Pinakamagandang paraan pa rin ng pagbabago ng Konstitusyon ang Constitutional convention route. Mas magastos ito pero kaya naman natin at dapat namang gastusan ito dahil ang Konstitusyon ang pinakamaahalagang batas ng bansa.
Pangalawa, wala dapat maging conflict of interest sa pagsusulat ng Konstitusyon.
Hindi dapat manguna sa proseso ang mga politiko at political dynasty dahil maaaring maging baliktad sa pambansang interes ang resulta.
Panghuli, kung constituent assembly ang gagamitin, dapat na hiwalay ang pagboto.
Bicameral ang Kongreso natin kaya dapat, hiwalay rin ang pagboto ng dalawang kapulungan maliban na lang kung hindi ito ang hinihingi ng Konstitusyon. Gaya ng tango, it takes two to chacha.
Isang kabuktutan kung lulusutan lang ang kahingiang pagboto nang hiwalay kahit pa gawin ito sa pamamagitan ng Constitutional amendment by initiative.
Bilang Constitutional law professor, naniniwala akong dapat na mahigpit ang Konstitusyon upang hindi mapagsamantalahan, at hindi rin pabago-bago na puwede lang balewalain kapag salungat sa politikal at ekonomikong layunin ng nasa kapangyarihan.
Sa kabilang banda naman, may lugar dapat ang mabuting Konstitusyon para umayon sa sosyo-politikal na klima. Dapat, kaya nitong makibagay sa bansang pabago-bago.
Hindi produktibo ang pagmamadali ng bagong Konstitusyon. Kapag nagbago na ang ihip ng hangin sa politika, siguradong babawiin agad ng mga hinaharap na lider ang ganitong klaseng Charter.
Sangkap sa pagkakawatak-watak ang hindi lehitimong prosesong Konstitusyonal. Iwasan natin ito.