Istorya ng Linggo

Mula sa gobyernong ‘gusto ng kapayapaan’, senyales na di nagtutugma


Ngayong Agosto, muling papasok sa pormal na usapang pangkapayapaan ang gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines matapos ang matagal na pagkaantala. May bahid man ng duda sa motibo ng gobyernong Arroyo, may naaaninag pa ring pag-asa ang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan.

Sa Siniguro sa mga taong simbahan ng kinatawan ng negotiating panel ng Government of the Republic of the Philippines na si Paulyn Sicam (gitna) at ng National Democratic Front of the Philippines na si Fidel Agcaoili (kanan, sa pamamagitan ng Skype video) na tuloy ang pormal na usapang pangkapayapaan ngayong buwan. (Ilang-Ilang Quijano)
Siniguro sa mga taong simbahan ng kinatawan ng negotiating panel ng Government of the Republic of the Philippines na si Paulyn Sicam (gitna) at ng National Democratic Front of the Philippines na si Fidel Agcaoili (kanan, sa pamamagitan ng Skype video) na tuloy ang pormal na usapang pangkapayapaan ngayong buwan. (Ilang-Ilang Quijano)

Lalahok si Elizabeth Principe, ang bagong layang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa napipintong usapang pangkapayapaan kahit pa masama ang loob niya sa gobyernong Arroyo.

Noong Hulyo 8, hiwalay na inanunsiyo ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at NDFP ang panunumbalik sa Agosto ng pormal na usapang pangkapayapaan, na layong resolbahin ang 40-taong rebelyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Suspendido ito simula pa noong 2004.

Bilang paghahanda, muling ibinalik ng GRP ang Joint Agreement of Safety and Immunity Guarantees (Jasig) o ang kasunduan para proteksiyunan ang mga konsultant at istap ng magkabilang panig na bahagi ng usapang pangkapayapaan. Isa ito sa importanteng mga kasunduang bunga ng halos dalawang dekadang negosasyon sa pagitan ng gobyerno at mga rebolusyonaryo.

Pero noong 2005, sinuspinde ng gobyernong Arroyo ang Jasig, isang hakbang na ayon sa NDFP ay labag mismo sa Jasig. Simula noon, naging mistulang mandamyento-de-aresto ang listahan ng 87 tauhan ng NDFP na protektado ng Jasig, kabilang na si Principe na dinukot noong 2007 at sinampahan ng mga kasong kriminal.

Noong Hunyo 26 pa ibinasura ng korte ang huli sa mga kasong ito at naglabas ng release order. Pero umabot ng halos isang buwan bago napalaya si Principe mula sa kanyang piitan sa Camp Crame, kung saan mahigit 19 buwan na siyang nakakulong.

Kuwento niya, kung hindi pa siya nagbantang magsagawa ng hunger strike bilang protesta—at nangako ang mga kakosang sundalo ng Magdalo na sumama—hindi pa siya palalayain. “Bakit hindi ginawa ng GRP ang kanyang assignment na i-release ako?” kanyang himutok.

Panoorin ang bidyo ng salaysay ni Principe sa porum hinggil sa usapang pangkapayapaan na idinaos ng grupong Pilgrims for Peace noong Hulyo 23:

Kawalang-aksiyon ng GRP

Nakapagtataka ang kawalang-aksiyon ng GRP sa kaso ni Principe lalo’t napipinto ang pormal na usapang pangkapayapaan, sabi ni Rey Casambre, executive director ng Philippine Peace Center at co-convenor ng Pilgrims for Peace.

Sa panahon ng administrasyong Ramos, halimbawa, pinalaya ang mga konsultant ng NDFP na sina Sotero Llamas (1995) at Danilo Borjal (1997) wala pang dalawang linggo matapos pagkasunduan ng magkabilang panig ang panunumbalik ng pormal na usapang pangkapayapaan.

Mag-iisang buwan na simula ang deklarasyon ng GRP at NDFP. Pero nakakulong pa rin ang 11 konsultant ng NDFP na protektado ng Jasig, ayon kay Fidel Agcaoli, miyembro ng NDFP negotiating panel. Nakakulong pa rin ang 11 detenidong pulitikal na ipinangako ni Pangulong Arroyo na palalayain noon pang 2001 at 2004.

Mayroon ding 15 dinukot na konsultant ng NDFP at kanilang mga istap na nananatiling nawawala at hindi pa inililitaw ng mga militar na pinaghihinalaang dumukot sa kanila. Kabilang sa mga ito ang asawa ni Principe na si Leo Velasco.

Sa kabila ng tila pagkaladkad ng paa ng GRP sa pagpapalaya at pagpapalitaw ng mga konsultant ng NDFP at iba pang detenidong pulitikal, optimistiko ang magkabilang panig sa posibleng mga ganansiya ng prosesong pangkapayapaan.

Lalo at dumaan ito sa maraming pasikut-sikot sa ilalim ng gobyernong Arroyo.