Larga Vista

Ang masalimuot kong paglaya at ang naiwan pang mga nakapiit


Malaya na ako! Ilang oras pa ang lumipas matapos akong lumaya alas-4 na hapon noong ika-21 ng Hulyo, bago nag-sink in sa akin na nakalabas na ako sa bilangguan. Ito ay noong nadaan ako sa mga punong kahoy na naiilawan ng bughaw, berde at pula sa Quezon Memorial Circle. Wala kasing makitang nakukulayang ilaw sa […]

Malaya na ako!

Ilang oras pa ang lumipas matapos akong lumaya alas-4 na hapon noong ika-21 ng Hulyo, bago nag-sink in sa akin na nakalabas na ako sa bilangguan. Ito ay noong nadaan ako sa mga punong kahoy na naiilawan ng bughaw, berde at pula sa Quezon Memorial Circle. Wala kasing makitang nakukulayang ilaw sa bilangguan. Kapag bagong taon nga, nagkakandahaba-haba pa ang leeg namin para makakita ng firework.

Para makalabas ng bilangguan, hindi pala ako natutulad sa ordinaryong bilanggo na ang kailangan lamang ay release order ng korte. Sa mga kinasuhan ng rebelyon at binuhusan pa ng maraming kasong kriminal, maliban sa release order ay kailangan pa ng paparaming nagha-hunger strike sa loob at porsigidong piket sa labas.

Mga pahirap

Na-dismiss na ang lahat ng mga kaso ko: dalawang rebelyon at dalawang robbery with murder. Ang huli ay noong ika-26 ng Hunyo, 2009. Dinala ng anak ko ang orihinal na kopya ng release order sa Custodial Center noong ika-9 ng Hulyo subalit hindi ito kinilala, dahil tanging ang hatid lamang ng court server o ng registered mail ang kinikilala umano ng Custodial. Dumating ang registered mail noong ika-14 ng Hulyo. Dinala ng Custodial ang release order ko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Crame para raw magbigay sila ng komento kung palalayain na nga ba ako.

Pinatagal ng CIDG ang pagkakabilanggo ko. Hinanap ang dismissal ng kaso sa Dupax na matagal nang nai-akyat sa Bambang Regional Trial Court (RTC) na may iba ng criminal case number. Hinahanap din ang iba pang kaso sa Bambang na matagal nang nai-akyat sa Bayombong RTC. Nasaan daw ang dismissal ng kasong robbery with multiple murder at arson with murder gayung wala naman akong ganoong kaso. Nagpadala pa ito ng kopya ng 1990 na warrant of arrest sa kasong rebelyon sa Cauayan na na-dismiss na noong ika-18 ng Mayo 2009. Delaying tactics at inefficiency ng CIDG lamang ang tumambad.

Maaaring maging walang katapusan itong cheche bureche ng CIDG kaya nagbabala ang abogado ko na kung walang malinaw na bagong kaso laban sa akin, dapat sa loob ng 24 oras ay palayain na ako dahil kung hindi’y magsasampa na ito ng contempt of court.

Ika-20 ng Hulyo, nagpiket na ang mga kasapi ng Karapatan, SELDA at mga kaibigan sa tapat ng Crame na nagde-demand na palayin ako. Tumagal ang pang-aantala ng CIDG hanggang alas-11ng gabi. Dahil nainip, pinasok na ni Rep. Liza Maza ng Gabriela Partylist ang opisina ng CIDG. Noon lamang ini-abot ng CIDG ang kanilang “No Comment” para makalaya na ako.

Maghahating gabi na nang pumunta ang mga nagpipiket, ang aking bogado at si Rep. Maza sa Custodial para sana’y salubungin ako sa aking paglabas pero sa halip, ang sabi ng CO, dadalhin pa raw sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga papeles ko para humingi ng komento nila.
Pinaliwanag muli ng aking abogado na pagsikil na sa karapatan ko at pagsuway na sa utos ng korte ang nangyayari. Napagod na ang abogado ko sa pagpapaliwanag sa CO. Naisip kong nasimot na ang lahat ng paraang ligal para sa paglaya ko at ang naiiwan na lamang na opsyon sa akin ay ang hindi-na-isinasaad sa batas. Nagpasya na akong mag-hunger strike. Umuwi ang mga sumuporta na may pag-asa sa panibagong porma ng laban at nangakong babalik kinabukasan para sa muling pagpipiket.

Paglaban

Kinabukasan, humingi na ako ng suporta sa mga kababaihan at kalalakihang detenido na mag-hunger strike din at magtulos ng mga placard sa bawat gusali na nagsasaad ng pagsuporta sa pagkilos na ito.

Tanghali, dumami na ang naka-hunger strike. Buong gusali ng kababaihan at Bravo sa kalalakihan ay nakiisa. Marami ding sumama sa Alpha at Delta. Ang hindi makakayang mag-hunger strike ay pumirma sa placard na may humahabang listahan ng pangalan na kumukondena sa patuloy na pagbilanggo sa akin. Nagpaabot rin ang mga kasapi ng Magdalo ng ibang porma ng suporta sa protestang ito.

Sa ganitong kalagayan sa loob at piket sa labas, pinatawag ako ng isang opisyal ng pulis. Ayon sa opisyal, kailangan pang aprubahan ng AFP at IG (Intelligence Group) ang paglaya ko. Marami pa umanong may gusto na manatili pa ako sa bilangguan, at hindi nila ako mapapalaya hangga’t wala silang natatanggap na ”go signal” mula sa itaas.