Pinoy Weekly

Paglaya ng konsultant ng NDFP hinaharang

Detenidong pulitikal na si Elizabeth Principe (Kenneth Guda)

Detenidong pulitikal na si Elizabeth Principe (Kenneth Guda)

Hinaharang diumano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang paglaya sa detenidong pulitikal na si Elizabeth Principe, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na mahigit 19 buwan nang nakakulong sa Custodial Center ng Camp Crame.

Ayon sa grupong Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya o Selda, iniutos ng Regional Trial Court Branch 30 sa Nueva Vizcaya ang paglaya ni Principe matapos ibasura noong Hulyo 6 ang huli sa anim na kasong kriminal na isinampa ng gobyerno laban sa kanya.

Ibinasura dahil sa lack of probable cause ang kanyang kasong Robbery with Murder sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Nauna nang ibinasura ang mga kaso laban kay Principe sa Cauayan, Isabela; Dupax, Nueva Vizcaya; at Candon, Ilocos Sur.

“Ito ay ilegal na detensiyon at paglabag sa kanyang mga karapatan. Dapat siyang palayain, ngayon na!” pahayag ni Lorena Santos, anak ni Principe.

Ayon kay Santos, hindi inaaksiyunan ng CIDG ang release order kay Principe dahil sa iba’t ibang teknikalidad.

Dinukot si Principe, isang health worker sa Cagayan Valley, noong Nobyembre 28, 2007 ng limang elemento ng Military Intelligence Group sa Cubao, Quezon City. Tatlong araw siyang incommunicado at ininteroga habang nakaposas at nakapiring, bago iprinisenta sa midya ng pulis at militar bilang umano’y mataas na opisyal ng New People’s Army.

Dinukot din ng pinaghihinalaang mga awtoridad noong Pebrero 19, 2007 sa Cagayan de Oro City ang asawa ni Principe na si Leo Velasco, isa ring health worker at konsultant ng NDFP. Nananatiling nawawala si Velasco.

Nakatakdang manumbalik ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Government of the Republic of the Philippines sa Agosto.

“Higit itong dahilan para palayain ang aking ina at palitawin ang aking ama,” ayon kay Santos.

Nagsusulat si Principe ng kolum para sa Pinoy Weekly mula sa detensiyon, simula noong nakaraang taon.

Basahin rito ang pinakahuling mga kolum ni Principe hinggil sa pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2769

Posted by on Jul 15 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Paglaya ng konsultant ng NDFP hinaharang”

  1. edgar

    bakit hindi sampahan ng illegal detention ang humaharang sa paglaya ni principe. bakit di mag ingay sa senado para tawagin ang cidg at panagutin sa pagharang nila? dapat itulak ng rtc ang cidg na aksyonan na ang release order. over na talaga ang kabulukan ng sistema sa pilipinas.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes