Update: Pagpapalaya kay Elizabeth Principe, hinaharang ng AFP
Magsasagawa ng hunger strike ang detinidong pulitikal na si Elizabeth Principe matapos harangin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapalaya sa kanya noong Hulyo 20.
Palalayain na sana si Principe matapos ang isang taon at halos walong buwan ng pagkakapiit sa kustodiya ng pulisya sa salang rebelyon at iba pang kaso. Ngunit ayon sa Karapatan, alyansang pangkapatang pantao, hinaharangan umano ng AFP ang release order.
Kabilang si Principe sa mga detinidong pulitikal na iginiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na palayain sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan nito at ng gobyernong Arroyo.
Konsultant sa usapang pangkapayapaan ng NDFP si Principe nang dukutin ng mga militar sa Cubao, Quezon City noong Nobyembre 28, 2007.
Habang nasa kulungan, naging kolumnista siya ng Pinoy Weekly, at nagsulat hinggil sa maraming isyu, mula sa kanyang pagkamulat sa progresibong pulitika hanggang sa pagiging “doctor to the barrios” at konsultant ng NDFP . (Basahin ang kanyang mga kolum dito at dito)
Bago mapalaya, nabalitang hinarang diumano ng CIDG ang paglaya ni Principe.
Ayon sa grupong Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya o Selda, iniutos ng Regional Trial Court Branch 30 sa Nueva Vizcaya ang paglaya ni Principe matapos ibasura noong Hulyo 6 ang huli sa anim na kasong kriminal na isinampa ng gobyerno laban sa kanya.
Ibinasura dahil sa lack of probable cause ang kanyang kasong Robbery with Murder sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Nauna nang ibinasura ang mga kaso laban kay Principe sa Cauayan, Isabela; Dupax, Nueva Vizcaya; at Candon, Ilocos Sur.
“Ito ay ilegal na detensiyon at paglabag sa kanyang mga karapatan. Dapat siyang palayain, ngayon na!” pahayag ni Lorena Santos, anak ni Principe.
Ayon kay Santos, hindi inaaksiyunan ng CIDG ang release order kay Principe dahil sa iba’t ibang teknikalidad.
Dinukot din ng pinaghihinalaang mga awtoridad noong Pebrero 19, 2007 sa Cagayan de Oro City ang asawa ni Principe na si Leo Velasco, isa ring health worker at konsultant ng NDFP. Nananatiling nawawala si Velasco.
“Higit itong dahilan para palayain ang aking ina at palitawin ang aking ama,” ayon kay Santos.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2823














