Istorya ng Linggo

Luho ni Gloria, ‘hindi lang propaganda’


May kasaysayan ng luho ang Pangulo, na biglang yaman simula nang maupo sa puwesto. Kinukuwenta na rin ng iba’t ibang grupo ang dapat sanang pinaggastusan sa halip na isang mamahaling hapunan sa New York.

Kumakalat sa internet ang litratong ito, isang spoof ni Arroyo na nagpapakita ng kanyang kaibahan kay dating pangulong Corazon Aquino.
Kumakalat sa internet ang litratong ito, isang spoof ni Arroyo na nagpapakita ng kanyang kaibahan kay dating pangulong Corazon Aquino.

(Update: Iniulat ngayon ng ilang mga pahayagan sa US na kumain din si Pang. Arroyo sa isang restawran sa Washington D.C. noong Hulyo 30 — tatlong araw bago kumain sa Le Cirque sa New York. Sa pagkakataong ito, umabot naman umano ang tab sa halagang $15,000. Basahin ang aming kaugnay na balita. – Ed.)

Para depensahan ang napabalitang hapunan ni Pangulong Arroyo sa Le Cirque, isang mamahaling restawran sa New York City, ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang binuweltahan ni Press Secretary Cerge Remonde. Ani Remonde, “agitational propaganda” lamang ito ng grupo, na unang naglabas ng pahayag ng pagkondena, para mapukaw ang galit ng taumbayan laban sa pangulo.

Gayunpaman, Malakanyang na mismo ang umamin na naganap ang nasabing maluhong hapunan, habang nagluluksa ang buong bayan sa pagpanaw ni dating pangulong Corazon Aquino. Katwiran ni Remonde, inilibre lamang ni Rep. Martin Romualdez ang mag-asawang Arroyo na ipinagdiwang ang kanilang anibersaryo sa kasal. Isa lamang daw itong “simpleng hapunan.”

Hindi nito napigilan ang pagbuhos ng galit mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan at mga lider-oposisyon. Ngayong araw, isang kilos-protesta ang agad inilunsad ng mga kabataan sa University Belt sa Maynila.

“Hindi mahalaga kung sino ang nagbayad para sa hapunan. Nagpakita si Arroyo ng kawalanghiyaan nang kumain at uminom sa isang mamahaling restawran. Hindi lamang ito ‘agitational propaganda.’ Boses ito ng milyun-milyong nagugutom na Pilipino,” sabi ni Kabataan Rep. Raymond Palatino.

Pagsirit ng yaman

Kasabay nito, naungkat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang pagsirit ng yaman ni Arroyo mula nang maupo ito sa kapangyarihan.

Ayon kay Malou Mangahas ng PCIJ, nahigitan pa ng paglago ng yaman ni Arroyo ang pinagsama-samang paglago ng yaman ng tatlong naunang pangulo sa kanya sa loob ng kanilang termino.

Deklaradong net worth growth ni Arroyo at ng nagdaang mga pangulo:

Corazon Aquino

1989 – 1992 4.8 %

Fidel Ramos

1992 – 1998 34.2 %

Joseph Estrada

1998 – 1999 7.2 %

Gloria Arroyo

2001 – 2008 114%

Batay sa pagsisiyasat ng grupo, ang deklaradong net worth ni Arroyo noong 2001 ay 66.8-M lamang. Noong nakaraang taon, umaabot na ito sa P143.54-M. Ibig sabihin, lumaki ng 114% ang yaman ni Arroyo mula nang maupo siya bilang pangulo.

Batay naman sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth, aabot sa 2,000 porsiyento ang paglago ng kanyang deklaradong yaman mula noong maupo siya bilang senador.

Sa nakuhang datos ng PCIJ, lumalabas na P6.73-M lamang ang net worth ni Arroyo noong 1992, taon nang siya’y maging senador. Walong taon bago siya maging pangulo, umabot na ito ng P60.07-M. Ibig sabihin, lumaki ito 890 porsiyento sa loob lamang ng walong taon.

Kung susuriin naman ang paglaki ng kanyang net worth mula 2001, nadadagdagan ito ng P10.97-M bawat taon. Ayon sa PCIJ, 20 beses na mas malaki ito sa gross salary ng pangulo na umaabot lamang ng P45,000 kada buwan.