Security Guard: nasa floating status nga ba?
Kung ang motto ng mga pulis ay “To serve and protect” at ang motto naman ng mga marines ay “Always outnumbered, never outfought”, ano naman ang motto ng security guard? Simple lang ang sagot. “No ID, no entry.” Naalaala ko ang birong ito dahil ang pag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa mga security guard. May […]
Kung ang motto ng mga pulis ay “To serve and protect” at ang motto naman ng mga marines ay “Always outnumbered, never outfought”, ano naman ang motto ng security guard? Simple lang ang sagot. “No ID, no entry.”
Naalaala ko ang birong ito dahil ang pag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa mga security guard.
May desisyon kasi ang Korte Suprema noon na ang pagkatanggal sa trabaho ng isang security guard dahil nagsara ang kompanyang kanyang pinagsisilbihan ay hindi maituturing na iligal hangga’t hindi lumalampas ang anim na buwan. Sa loob ng panahong ito na wala siyang trabaho, ituturing siyang off-detail o naka floating lamang . Hahanapan siya ng kanyang agency ng bagong kompanyang mapagsisilbihan. Kung umabot na sa anim na buwan at hindi pa in siya naihahanap ng agency ng bagong assignment, maari na siyang mag-demanda ng illegal dismissal laban sa agency. Kung magdedemanda siya na hindi pa lumilipas ang anim na buwan, ituturing na premature ang kanyang demanda at ito ay madi-dismiss lamang .
Dahil sa ruling na ito, marami sa mga security agency ang umaabuso sa kanilang mga guwardya. Tinatanggal nila ang kanilang security guard kahit na walang sapat na dahilan. Kapag nagsampa agad ng reklamo ang kawawang guwardya, pinadi-dismiss ito ng ahensya sa dahilang premature pa ang kaso. Madalas mangyari, nadi-dismiss ang kaso at hindi na naghahabol pa ang guwardya.
Halos ganito ang ginawa ng security agency kay Bonifacio sa kasong kasong Eagle Star Security Services, Inc. vs. Bonifacio Mirando, G.R. No.179152, na dinisisyunan ng Korte Suprema noong Hulyo 30, 2009. Security guard ng Eagle Star Security Agency itong si Bonifacio. Mahigit na siyang sampung taon dito. Naka-assign siya sa isang bangko sa sahod na minimum wage.
Isang araw, sinabihan si Bonifacio ng detachment commander na mag-ulat sa head office ng agency. Pagdating doon, sinabihan siya ng manedsment na tanggal na siya sa kanyang duty sa bangko at hindi na maaring mag-report dito. Dahil wala na siyang duty, nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa agency si Bonifacio sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Sinabi naman ng agency na kusang iniwanan ni Bonifacio ang kanyang trabaho. Sinabi daw nito na magbibitiw na siya at mula noon ay hindi na nag-report sa kanyang binabantayang bangko.
Natalo sa Labor Arbiter ang agency. Sinabi ng Labor Arbiter na hindi kapanipaniwala ang sinasabi ng agency na si Bonifacio ang kusang umalis sa kanyang trabaho. Inutos nito sa agency na bayaran ng huli ng backwages si Bonifacio at ibalik sa kanyang trabaho.
Nag-apela sa NLRC ang agency ngunit hindi nabago ang hatol. Napilitang itong iakyat ang kaso hangga’t makaabot ito sa Korte Suprema.
Dito, kinatuwiran ng agency na hindi pa lumilipas ang anim na buwan mula sa pagkatanggal kay Bonifacio nang maisipan nitong magsampa ng kaso laban sa agency. Iginiit ng agency na premature ang demanda ni Bonifacio at dapat na pinawalang-bisa ng Labor Arbiter.
Nagkakamali ang agency, paliwanag ng Korte Suprema.
Totoong may mga desisyon ang Korte Suprema na ituturing na nasa floating status lamang ang mga guwardyang naalis sa kanilang mga trabaho. Ngunit ito ay mangyayari lamang, sabi ng Korte Suprema, kung ang dahilan nang pagkaalis ng guwardya sa kanyang trabaho ay ang pagtatapos ng kontrata sa pagitan ng security agency at ng kompanya. Sa madaling sabi, wala nang kompanyang babantayan ang guwardya. Dahil dito, binibigyan ng batas ng anim na buwan ang agency para maghanap ng ibang kompanya kung saan pwedeng i-assign muli ang guwardya. Sa panahong naghahanap pa ang agency ng bagong kliyente, ituturing ang guwardya na nasa floating o off-duty status lamang at hindi pa ganap na tanggal sa kanyang trabaho. Kung sakaling lumipas ang anim na buwan at hindi pa rin siya nabibigyan ng bagong assignment, maari na siyang ituring na tanggal sa kanyang trabaho at saka pa lamang siya pwedeng magdemanda ng illegal dismissal laban sa agency, paliwanag ng Korte Suprema.
Sa kaso ni Bonifacio, hindi ito nangyari. Ang bangko kung saan siya dating naka-assign ay nanatiling kliyente ng agency. Hindi nagtapos ang kontrata sa pagitan ng bangko at ng agency nina Bonifacio at patuloy pa rin ang mga security guard ng nasabing agency sa pagbabantay sa bangko.
Kung ganun, hindi magagamit dito ang anim na buwang palugit na binibigay ng batas, sabi ng Korte Suprema. Maaring mag-demanda kaagad si Bonifacio at hindi niya kailangang maghintay muna ng anim na buwan pa. At dahil sa napatunayang walang dahilan ng Labor Arbiter na walang sapat na dahilan ang pagtanggal sa kanya, dapat lamang siyang bayaran ng kanyang backwages at ibalik sa trabaho.