Pinoy Weekly

Noynoy hinamon sa plataporma de gobyerno

Magdeklara ng mga plataporma at magkaroon ng kongkretong hakbangin para sa mga mamamayan.

Ito ang hamon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na kasalukuyang nagsasagawa ng retreat para mapagdesisyunan kung tatakbo sa halalan sa 2010 matapos ihayag ni Roxas na handa siyang umatras sa kanyang hangad na maging standard bearer ng Liberal Party para sa pagkapangulo.

Sa isang pahayag, tinuligsa ng grupo ang “malabis na pokus sa mga plano sa eleksiyon ng mga kandidato, nang hindi tinatalakay ang kanilang plataporma.”

Sinabi Bong Labog, tagapangulo ng KMU, na alam ng mga mamamayan na parehong ipinagmamalaki nina Aquino at Roxas ang pagiging oposisyon o “pagtutol sa pinakamasasamang hakbangin ni Gng. Arroyo” at  na “binuhay ng pagkamatay ni dating pangulong Cory Aquino ang kagustuhan ng mga mamamayan para sa isang lider na tutol sa graft and corruption sa pamahalaan.”

“Pero ang tanong namin: Iyun na ba iyun? Bilang tiket na nagpapakilalang tugon sa paghingi ng mga tao ng pagbabago, at bilang oposisyon, dapat itaas nina Noynoy at Mar ang pamantayan,” sabi ni Labog.

Hinamon ng KMU si Aquino na makisangkot sa plano ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) na palayasin ang libu-libong magsasaka.

Mahigit 500 pamilyang magsasaka ng HLI, pagmamay-ari ng pamilya Cojuangco, ang nahaharap sa panibagong suliranin sa pag-aari ng lupa matapos ang ilang taong paglaban. Noong Disyembre 2008, naglabas ng memorandum ang manedsment ng HLI  na nag-uutos sa mga magsasaka na lisanin ang lupa pagdating ng Oktubre 30 ngayong taon.

Sa gitna umano ng pagpuri sa “pagsasakripisyo” ng presidentiables, hinamon ni Labog si Aquino na gawin ang “napapanahong sakripisyo” ng pagpapatigil sa paghahabol ng kanyang pamilya sa lupain ng HLI.

Samantala, sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na dapat maging handa si Aquino na makipag-usap sa mga magsasaka, partikular ang mga manggagawang-bukid sa HLI na hindi pinamahagian ng lupa at sa halip ay pinailalim sa Stock Distribution Option ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

“Kung tatakbo siya bilang pangulo, tiyak na kukuwestiyunin siya ng mga magsasaka sa buong bansa hinggil sa kanyang adyenda sa repormang agraryo,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP. Ang KMP ay may 15 tsapter sa mga rehiyon at 63 na tsapter sa mga probinsya, at pinamumunuan ang dalawang milyong magsasaka.

“Marami kaming dapat pag-usapan…lalo at naipasa ang CARP Extension with Reforms na lalong magpapahirap sa mga magsasaka, ” dagdag ni Ramos.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3792

Posted by on Sep 3 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes