Uncategorized

Showbiz, hindi lang binabaha ng luha, binabaha rin ng tubig


Nitong mga nakaraang araw ay maraming trahedya sa showbiz hindi lang kamatayan kundi madudula ring tagpo na parang hinalaw sa mga drama sa pelikula at telebisyon. Binawian ng buhay ang isa sa mga luma kundi man makalumang lider ng industriya na si Atty. Espiridion Laxa. Namatay din ang tiyo ni Victor Laurel na si Sotero […]

Nitong mga nakaraang araw ay maraming trahedya sa showbiz hindi lang kamatayan kundi madudula ring tagpo na parang hinalaw sa mga drama sa pelikula at telebisyon.

Binawian ng buhay ang isa sa mga luma kundi man makalumang lider ng industriya na si Atty. Espiridion Laxa. Namatay din ang tiyo ni Victor Laurel na si Sotero H. Laurel.

Gayundin, hindi pinili ng Film Academy of the Philippines na ipadala sa American Motion Picture Arts and Sciences o AMPAS ang pelikulang “Lola” ni Brillante Mendoza samantalang may pangalan na si Dante Mendoza sa larangan ng sining ng pelikula sa ibang bansa at may bentahe na ang kanyang pelikula kung pulitika at kultura ng Hollywood ang susundin.

Gayunman, hindi sinasabing pangit o hindi karapat-dapat ang “Dead na si Lolo” ni Soxie Topacio na siyang opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa pilian ng finalists sa Best Foreign Language Film ng Oscars sa Hollywood.

***

Ayon kay Mendoza, kailangang alam ng FAP ang iba pang kuwalipikasyon na hindi nakasulat at hindi sinasabi tulad ng pamilyarisasyon ng mga taga-AMPAS o ng mga pumipili sa pagpipilian sa Best Foreign Language Film.

“Kasi, pag may ingay o alam na ng Hollywood ang pelikula o kaya ay ang filmmaker nito, mas madaling mapansin. Kasi, pag hindi, may tendency na hindi man lang panoorin ang entry,” pahayag ni Brillante na bihasa na sa mga international film events .

Hindi nga ba’t kapapanalo pa lang ni Mendoza ng Palm d’Or Best Director sa 2009 Cannes Film Festival sa Cannes, France para sa kanyang obrang “Kinatay (The Execution of P)”?

At kahit na huli ay tinanggap ng Venice International Film Festival ang kanyang “Lola” sa main competition ng pestibal na ikatlo sa malalaki at iginagalang na film festival sa buong mundo.

Sana nga naman ay may konsiderasyon ang FAP sa bahaging ito ng pamimili at hindi lang ang subhektibong pamantayan ang nasusunod.

***

Gayunman, patuloy ang buhay para kay Mendoza. Ipinalabas niya ang “Lola” sa Starmills Theater sa San Fernando City sa Pampanga para sumunod ang kanyang produksyon sa alituntunin ng AMPAS na dapat ay ipalabas ang isang pelikulang nagbabaka-sakali sa finalists ng Best Foreign Language Film sa pagitan ng buwan ng Oktubre noong isang taon at Setyembre ng kasalukuyang taon.

“At least, sumunod kami sa qualification ng AMPAS,” pahayag ni Dante.

Ang mahigpit na kalaban ng “Dead na si Lolo” sa FAP selection ay ang “Lola.”

Humabol din sa screening ang “In My Life” ni Olivia Lamasan pero hindi ito kasinlakas ng “Lola.”

Ano nga kaya ang balak ni Dante sa kanyang pagkakalaglag sa FAP?

May hatakin kaya siyang sorpresa sa Oscars?

Abangan!

***

Samantala, nagkahiwalay naman sina Katya Santos at ang kanyang batambatang kasintahang negosyante nang dahil hindi na sila magkasundo sa maraming bagay.

Ayon kay Katya, mabuti naman at nabigyan na siya ng espasyo para makahinga nang husto sa kanyang trabaho at pag-ibig.

Inilalaan na lang niya ang kanyang panahon at sigla sa paggawa ng pelikula.

Katatapos lang niya ng isang obra na pinamagatang “Isang Lahi: Pearls from the Orient” at ayon sa seksing aktres, makabuluhan ang kanyang papel sa pelikulang idinirek ni John Paul Tanchanco.

Kasama niya sa pelikula si Aiza Seguerra na nagpakababae sa pagkakataong ito para gampanan ang papel ng isang misis ni Romano Vasquez.

“Kailangan pong takpan ng make-up ang mga tattoo ko all over my body kasi babae ang role ko rito,” pahayag ni Aiza.

***

Baha naman ang hinarap ng mga taga-showbiz nitong mga nakaraang araw.

Umaatungal si Cristine Reyes sa ibabaw ng bubong ng kanyang bahay sa Marikina City nang tumaas ang tubig sa kanyang subdibisyon at ang natitira na lang pag-asa ay ang pumunta siya sa bubungan ng kanyang bahay para  roon magpalipas ng gabi noong Sabado.

Samantala, pati si Brenda Fajardo, ang isa sa mga reyna ng Philippine Educational Theater Association o PETA at Komisyoner ng National Commission for Culture and the Arts ay kailangang ilabas ng magarang subdibisyon sa New Manila dahil lumubog na ang kanyang bahay sa dakong ito ng Metro Manila.

Walang pinili si Ondoy sa kanyang bagsik at pananalasa sa panahon na ang Pilipinas ay lugmok na lugmok na sa problemang dulot lang naman ng mga tao at ng mga walang pagmamahal sa kapwa.

***

Mabuti naman at ang Tagapangulo ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na si Roland Tolentino ay nagtatag ng relief fund drive at naglalayong makatulong sa mga biktima ng kalamidad.

Mula araw ng Lunes ay bukas na ang upisina ng University of the Philippines College of Mass Communication sa pagtanggap ng mga donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong ito.

Pero hindi madalumat ni Roland na may kabagalan at parang walang kalatuy-latoy ang mga pagkilos ng mga tao para sa mga biktima ng baha.

Itinatanong din niya kung ano ang ginagawa ng pamahalaan sa gitna ng mga balitang P800 milyon ang ginagastos ng gobyerno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa paglilibot sa ibang bansa sa mga oras na maraming nasasalanta ng bagyo.

***

Maging ang dating MPP at tagapagtatag ng Young Critics Circle na si Mike Feria, kilala rin sa tawag na Mau Tumbocon ay nagtayo ng relief fund drive sa Estados Unidos para makatulong sa mga biktima ng bagyo sa Pilipinas.

Gayundin, ang filmmaker na si Kiri Dalena ay may relief operations kasama ang mahusay na character actress na si Lui Manansala.

Si Khvan de la Cruz ay kumikilos din sa pag-aayos ng ating lipunang sinagasa ng bagyo.