Konteksto

Bagyo, peryodismo at gobyerno


DAEJEON, Timog Korea – Sinusulat ko ito sa panahong muling nakakaranas ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas bunga ng paparating na bagyong Pepeng (Param). Batay sa mga nakalap kong balita mula sa midya sa Pilipinas, malinaw na ang pag-alis ng bagyong Ondoy (Ketsana) ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos sa trahedyang kinakaharap ngayon […]

DAEJEON, Timog Korea – Sinusulat ko ito sa panahong muling nakakaranas ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas bunga ng paparating na bagyong Pepeng (Param). Batay sa mga nakalap kong balita mula sa midya sa Pilipinas, malinaw na ang pag-alis ng bagyong Ondoy (Ketsana) ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos sa trahedyang kinakaharap ngayon ng Pilipinas.

Ang malakas na pag-ulan noong Setyembre 26 ay nagdulot diumano ng pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at iba pang karatig na probinsiya. Lubhang nakakabahala ang ika-18 situation report ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) noong Oktubre 2 (4:00 a.m.): Umabot na sa 293 ang namatay sa bagyong Ondoy, at marami sa kanila ay dahil sa pagkalunod sa baha. May ilan ding namatay dahil nakuryente, nabagsakan ng puno o gumuhong pader, natabunan ng landslide o nagdesisyong maglayag para mangisda.

Ayon pa rin sa NDCC, ang mga naapektuhan ng bagyong Ondoy ay 629,466 pamilya o 3,084,997 katao. Ang halaga ng mga nasira ay P5.1 bilyon, na kung saan ang imprastruktura’y P1.9 bilyon at ang agrikultura’y P3.2 bilyon.

May dahilan para mag-alala ang karamihan dahil may isa pang malakas na bagyong paparating, at ang mga baha ay hindi pa tuluyang bumababa. Kung titingnan ang pinakahuling datos tungkol sa antas ng tubig sa tatlong malalaking dam sa Luzon (Pantabangan, Angat at Ipo), punung-puno na ang mga ito. Malaki ang posibilidad ng muling pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar dahil mapipilitang magpalabas ng tubig sa mga dam kapag tumindi ang pag-ulan.

Monitoring ng mga Dam (Oktubre 2, 6:00 a.m.)
Dam    Lokasyon    Antas ng tubig (metro)    Antas ng pag-apaw ng tubig (metro)
Pantabangan Dam    Nueva Ecija    219.50    221.00
Angat Dam    Bulacan    211.89    210.00
Ipo Dam    Bulacan    100.25    101.09
Pinaghalawan: NDCC Update (Situation Report No. 3 on Typhoon Pepeng), Oktubre 2, 1:00 p.m.

Bukod pa rito, tumataas na rin ang tubig sa Laguna de Bay, ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA). Noong gabi ng Oktubre 1, umabot na raw ang lalim nito sa sa 14.0 metro, kalahating metro lang ang diperensiya sa pinakamataas na antas nitong 14.5 metro noong 1919. Ang pag-apaw ng Laguna de Bay ay magdudulot din ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang malalapit na probinsiya.

Sa puntong ito, ang tanging hiling ng marami sa atin ay sana’y hindi masyadong maraming tubig-ulan ang dala ng bagyong Pepeng. Pero mainam na basahin ang pinakahuling weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Adminsitration (PAG-ASA) noong Oktubre 2, 5 p.m.: “Ang Kalakhang Maynila ay makakaranas ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin na may katamtaman hanggang sa maalong karagatan…Ang Luzon ay makakaranas ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin na magiging masungit ang panahon sa mga Silangang bahagi na may katamtaman hanggang sa maalong karagatan. Ang Kabisayaan ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat. Ang Mindanao ay makakaranas ng madalas na maulap ang papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.”

Sinabi ni Nathaniel Cruz, chief weather forecaster ng PAG-ASA, na lubhang delikado ang bagyong Pepeng. “It is hazardous. It can create disaster. It is a very strong typhoon with 195 kilometers per hour of winds that can bring very heavy damage to affected communities.”

Kailangan talagang maghanda sa gitna ng magkasunod na bagyo sa Pilipinas. Walang debateng mahalaga ang mahigpit na pagkakaisa’t pagtutulungan ng lahat sa panahon ng trahedya.

At ngayong mas kailangan natin ang impormasyon, lahat tayo’y umaasa sa midyang gampanan ang tungkulin nito sa pamamagitan ng responsableng pamamahayag. Maaari nating isa-isahin ang mga naobserbahang pagkukulang sa pag-uulat, pero hindi natin maikakaila ang pagbibigay nila ng mahahalagang datos pagdating sa mga bagyong Ondoy at Pepeng.

Kung wala ang mga ulat ng iba’t ibang organisasyong pang-midya sa Pilipinas, halimbawa, hindi ko malalaman ang nangyayari sa ating bansa. Salamat sa live streaming sa Internet, hindi naging malaking balakid ang distansiya ng Timog Korea at Pilipinas para makakuha ng mahahalagang impormasyon sa ilang istasyon ng radyo’t telebisyon sa Pilipinas. Siyempre’y malaking tulong din ang mga website ng mga organisasyong pang-midya na kung saan mas lalo pang napadalas ang aking pagbisita mula noong Setyembre 26 nang nanalasa ang bagyong Ondoy.