Pinoy Weekly

Maralitang lungsod, nanawagan ng tulong

Nanawagan ng tulong ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) para sa mga pamilya sa mga maralitang komunidad na apektado ng bagyong Ondoy.

Ayon sa Kadamay, nangangailangan ng kagyat na tulong ang sumusunod na mga erya: San Mateo, Montalban, Rizal (2,500 pamilya); Kasiglahan Village, Montalban, Rizal (3,000 pamilya);  Lupang Pangako, Payatas, Quezon City (2,000 pamilya); Litex, Quezon City (1,500 pamilya); Waterhole, Payatas , Quezon City (1,000 pamilya); Brgy. Pinyahan, Quezon City (300 pamilya); Brgy. Pag-asa (North Triangle), Quezon City (1,500 pamilya); at Old Balara, Quezon City (1,500 pamilya).

Bilang bahagi ng Bayanihan Alay sa Sambayanan (Balsa) o relief operations na pinangungunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), tumatanggap ang Kadamay ng tulong na ibabahagi sa nabanggit na mga maralitang komunidad.

Ibigay ang mga donasyon sa Allied Bank account # 3630-00325-1. Maaari ring makipag-ugnayan sa Kadamay sa telepono bilang (63 2) 427 4315 o email na kadamay_national@yahoo.com. Matatagpuan ang opisina ng Kadamay na 12-A Kasiyahan St., Don Antonio Hts., Barangay Holy Spirit, Quezon City.

“Malaki ang maiaambag ninyong tulong sa pagbangon ng mga maralitang lungsod mula sa pinakahuling kalamidad na ito, silang araw-araw nang binabayo ng kahirapan at kagutuman,” sabi ng Kadamay.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo kay Bayani Fernando, tagapangulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA), na magbitiw sa puwesto dahil sa kabiguan ng programa nito sa flood control o pagkontrol sa baha.

Nakakatanggap umano ang MMDA ng P221 milyong badyet para sa pagmamantine, pagpapagawa, at rehabilitasyon ng drainage system ng Kamaynilaan.

Ayon sa Kadamay, samantalang abala ang ahensiya sa pagpapalayas ng mga maralita at manininda, malinaw na bigo ang MMDA sa isa sa mga pangunahing tungkulin nito na siguruhing maayos ang drainage system ng Kamaynilaan, isang bagay na umano’y nagpalala sa epekto ng bagyong Ondoy lalo sa mga maralitang komunidad.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4247

Posted by on Oct 1 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Maralitang lungsod, nanawagan ng tulong”

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes