Sapat na bang mag-relief operations ang mga artista?
Wari’y hindi matapus-tapos ang pamimigay at pagtulong ng mga taga-showbiz samga biktima ni bagyong Ondoy at maging ng lumihis na sama ng panahon na si Pepeng.
Hindi lang ang ABS-CBN at GMA Network ang may mga relief fund drive.
Maging ang NBN Channel 4, ang IBC Channel 13, ang RPN Channel 9, ang TV 5 at mga istasyon ng radyo at UHF tulad ng UNTV at iba pang VHF ang nagdaraos ng mga relief operations kasama ang mga artista ng pelikula at telebisyon.
Pati mga opisina ng diyaryo at magasin, may relief fund drive rin at may mga bituin ding kasangkot.
Marami pang mga organisasyon ang nagtatatag ng paglilingkod sa bayan sa panahon ng kalamidad.
***
Milyun-milyon na ang nakakalap ng mga grupo sa pagkakataong ito.
At bukod sa malalaki at higanteng himpilang pankomunikasyon at pang-telekomunikasyon ay may mga pribado pang samahan ang mga artista tulad ng kay Dingdong Dantes na foundation pero siyempre’y kaugnay nito ang kanyang Channel 7.
Si Jericho Rosales ay nakisali rin sa mga Good Samaritans na nagliligtas ng mga nasalanta ng mga bagyo.
Sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ay tumulong mailikas sa bahang-bahang Vista Verde Subdivision sa Pasig City ang nag-iisang magulang na si Gladys Reyes dahil nasa ibang bansa ang kanyang asawang si Christopher Roxas.
May dalawang anak si Gladys na kailangang arugain pero bukod kina Juday at Ryan, nagpapasalamat pa si Reyes sa kanyang mgakasambahay dahil anya’y kung hindi sa mga ito ay baka naanod na ang kanyang diwa at namatay na siya sa nerbiyos.
***
Nakisali na rin sina Lara Morena, Kuhdet Honasan at Carlo Maceda sa paggagayak sa mga bag ng mga relief goods at marami pang klase ng mga bituin na nakikipag-ugnayan sa pagdaloy nang maayos ng suporta sa mga biktima.
Nagbigay ng kalahating milyong piso si Angel Locsin mula sa kanyang sariling bulsa para makaibis sa paghihirap ng kanyang mga kababayan.
Maya’t maya naman ay nananawagan si Kris Aquino na kung maaari ay magdonasyon na ang mga tao sa programa ng paglilingkod sa mga nabahaan.
Nagbigay ng pamasahe at abuloy si Ara Mina sa isang pamilyang nalunuran at namatayan para madala sa Matnog, Sorsogon ang nasawi.
Umikot na si Alfred Vargas sa mga barangay ng District 2 ng Lunsod ng Quezon para makiramay at makisimpatya sa mga nasalanta ng kalamidad.
***
Marami pang kuwento ng mga kabayanihan at katuturan ng mga artista sa panahon ng disgrasya at ang lahat ay hinahangaan.
Palakpakan natin ang mga gawa’t gawi ng mga bituing ito na makapal at nangingibabaw ang sosyo-sibikong layunin.
Talagang hindi pahuhuli ang showbiz sa pagtulong sa kapwa at hindi lang ito daigdig ng ilusyon, daigdig din ito ng reyalidad.
Ang bawat taga-showbiz ay nananalangin na iadya ang kani-kanilang sarili sa kapahamakan kahit na marami pang hindi nabalita pero dinisgrasya sila ni Ondoy.
Ang ipinundar na bahay ni Chocoleit ay naanod ng baha.
Bahang-baha sa malapalasyong bahay ni Pamela Amor sa Makati City.
Matagal humupa ang kulay-burak at makapal nang putik sa bahay nina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi sa Pasig City.
Kaya naman lahat ay nagtutulungan.
***
Sana kahit hindi panahon ng krisis at kalamidad ay nagtutulung-tulong din ang mga taga-showbiz.
Halimbawa’y kailan talaga matutuloy na maging unyon na ng mga manggagawang pampelikula at pantelebisyon ang grupo ng mga artista na maipaglalaban ang kanilang mga karapatan sa paggawa dahil mga trabahador din silang bahagi ng sistema ng produksyon?
Malaking potensyal ang showbiz sa pag-aadya sa kahirapan ng karamihan sa mamamayan dito.
Ilang extra at character actor na ang walang bahay at walang makain sa kawalan ng trabaho?
Paano na ang naisampa nilang pera sa lukbutan ng mga kapitalista na hindi man lang sila natulungan samantalang malaking bahagi rin sila sa pag-unlad ng makinarya ng isang prodyuser?
***
Mananatili na lang bang namamalimos ang mga aba sa showbiz?
Ano ang ginagawa ng mga lider ng industriya kung hanggang paabu-abuloy na lang?
Bakit hindi maghain ng panukalang-batas sa pag-alsa ng pang-ekonomiyang buhay ng maliliit na manggagawa sa showbiz?
Kahit na may mga naugit at naaprubahan nang batas sa tamang sahod, may iba pang pribelihiyo na dapat natatanggap ang mga obrero ng showbiz.
Imbes na sosyalan lang ang asikasuhin ay bakit hindi ang mas malalim na sosyalan ng pagkandili sa walang kaya at pagtataguyod sa pagtaas pa ng suweldo ng mga karapat-dapat na artista?
Imbes na kung anu-anong kaglamorosohan ang pagbalingan ng pansin ng mga artista, bakit hindi ang paghahangad na maging mas propesyunal ang mga trabahador sa pelikula at telebisyon?
O kaya ay puwede namang pagsabayin ang glamour at makataong pag-aruga sa kapwa.
***
Bakit tuwing may bagyo lang may relief fund drive samantalang kahit naman panahon ng kapayapaan ay maaari ring magbayanihan at magtulungan?
Bakit hindi ipaglaban ng mga taga-showbiz na magkamit ng mga social security ang lahat ng Filipino — mayaman man o mahirap — para sa kinabukasan ng bawat isa sa pangunguna ng gobyerno?
Bakit hindi magsakripisyo an gating mga pulitiko para malaman at mapatunayan nilang sila ay tunay na pulitiko dahil ang tunay na kahulugan ng pulitika ay paglilingkod sa kapwa nang walang pag-iimbot?
Kung hindi kaya ng mga pulitiko na magpakahirap at magsakripisyo para sa pagsisilbi sa kapwa, umalis na sila sa pulitika dahil hindi sila bagay sa larangang ito.
Ang gawin nating pulitiko ay yaong mga tunay na namumulitika para sa paglaya ng bayan sa kahirapan, kamangmangan, kapabayaan at kawalang-pakialamanan.
Iboykot natin ang mga pulitikong pansarili lang ang alam, artista man siyang pulitiko o hindi.
***
Bakit sa Canada at Australia ay nagagawa ito ng pamahalaan at ng pulitika samantalang sa Pilipinas na kung tutuusin ay mayaman sa mga hilaw na bagay at mga kayamanang magagamit sa pag-usad ng bansa ay hindi magawa?
Bakit sa New Zealand at kahit sa mga bansang Kanluranin ay napaglilingkuran ng pamahalaan ang mga mamamayan, bakit sa Pilipinas ay makupad ang sosyalistang pamamaraan?
Nagagawa ito sa mga istorya ng pelikula kaya bakit hindi magawa sa tunay na kuwento ng buhay sa isang lipunan?
Kapuri-puri ang mga pagtulong na inilalaan ng mga artista pero parang may kulang.
Hindi kaya panahon na para tanggihan ng mga artista ang pagganap sa mga papel sa pelikula at telebisyon na hindi wagas at totoong nagtataguyod sa kapakanan ng higit na nakararami o kaya ay tanggihan ng mga artista ang hindi reyalistikong karakter na ibinibigay sa kanila bilang pagsasakripisyo dahil ang tungkulin ng isang alagad ng sining ay paglalahad ng katotohanan?
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4382













