Istorya ng Linggo

Utak-negosyo, hanggang sa huling sandali


Ano ang nasa isip ng mga nagpapatakbo ng San Roque Dam (SRD) na nagpakawala ng 5,300 kubiko metro ng tubig kada segundo sa kasagsagan ng bagyong Pepeng noong gabi ng Oktubre 7? Tiyak, hindi ang mga mamamayan ng Pangasinan, na agad pinaligiran ng rumaragasang baha nang magpakawala ng tubig ang dam.

Sa presentasyon sa midya ng Agham, ipinakita ang mapa ng Hilagang Luzon at ang mga bulnerableng lugar dahil sa presensiya ng malalaking dam at malawakang pagmimina at quarrying dito. (Angelica Carballo)
Sa presentasyon sa midya ng Agham, ipinakita ang mapa ng Hilagang Luzon at ang mga bulnerableng lugar dahil sa presensiya ng malalaking dam at malawakang pagmimina at quarrying dito. (Angelica Carballo)

Ano ang nasa isip ng mga nagpapatakbo ng San Roque Dam (SRD) na nagpakawala ng 5,300 kubiko metro ng tubig kada segundo sa kasagsagan ng bagyong Pepeng noong gabi ng Oktubre 7?

Hindi ang mga mamamayan ng Pangasinan, na agad pinaligiran ng rumaragasang baha nang magpakawala ng tubig ang dam. Nalunod ang ilang sawimpalad at inanod ang kanilang mga tahanan at ari-arian. Nananatiling lubog hanggang ngayon ang 90% ng probinsiya.

Ito ang pinagtatakhan ni Dr. Giovanni Tapang, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at tagapangulo ng Agham. Ayon sa datos mismo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomic Services (Pagasa), noong Oktubre 4 pa lamang, lumampas na ang tubig sa 280 metro na spilling level ng dam. Ito ang lebel na dapat maghudyat ng pagpapakawala ng tubig kapag nalampasan. Pero sa halip, itinaas ng SRD ang spilling level sa 288 at noong Oktubre 7 pa lamang nagsimulang magpakawala ng tubig, nang malampasan din ito.

Sa likod ng desisyon ng SRD

Isang araw bago magpakawala ng tubig, ipinagmalaki pa ni Tom Valdez, vice president for corporate social responsibility ng San Roque Multi-Purpose Project, na bagaman binabantayan nila ang tubig-ulan na ibinabagsak ni Pepeng, hindi dapat mabahala ang mga residente dahil kakayanin ito ng dam. What you are seeing is the dam’s flood control component at work,” aniya sa panayam ng Philippine Daily Inquirer.

Kampante rin ang National Power Corporation (Napocor), na namamahala sa dam. Noong araw ding iyon, sinabi ni Alex Palada, division manager ng Flood Forecasting and Warning System for Dam Operations sa GMANews.tv na hindi magiging signipikante ang epekto sa mga bayan ng Pangasinan ang pagpapakawala ng tubig sa dam. Mag-re-release ang San Roque pero gradual lang,” aniya.

Dahil sa pagkawasak na dulot ng pinakamatinding baha na dinanas ng probinsiya, naghahanda na ang lokal na mga opisyal ng Pangasinan at iba pang grupo na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga may-ari ng dam. Pero hanggang ngayo’y hindi pa rin nagbibigay ang San Roque Power Corporation (SRPC) ng sapat na paliwanag sa pagpapakawala ng tubig na binabatikos dahil sa pagiging “masyadong biglaan” at “masyadong huli.”

Pero para kay Tapang, malinaw na tulak ng negosyo ang naturang desisyon. “Gusto nitong ipunin ang tubig dahil mas kikita ang dam at ang Napocor kapag nandiyan ang tubig,” aniya sa isang press conference kasama ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kamakailan.

Tinututulan noon pa man

Lumilikha ng kuryente ang SRD mula sa tubig na umaagos sa Agno River, isa sa pangunahing mga ilog ng Kordilyera na nagsisimula sa silangang bahagi ng Benguet at dumadaloy hanggang sa Lingayen Gulf. Kinikila ito na ikalawang pinakamalaking dam sa Asya.

Noong 1997, binigyan ng Napocor ang SRPC ng karapatan para itayo, patakbuhin, at imantine ang dam sa loob ng 25 taon. Umabot ang halaga ng pagpapatayo sa $1.2 Bilyon, na inutang ng gobyerno mula sa Export-Import Bank of Japan. Pag-aari ang dam ng Marubeni Corporation, isang kompanyang Hapon, at ng Sithe Energies Inc., isang kompanyang US.

Iginigiit noon ng gobyerno at mga may-ari ng dam ang benepisyo nito para sa suplay ng kuryente sa buong Luzon. Pero hinala ng mga komunidad at grupong tumutol sa proyekto, itinayo ito pangunahin para suplayan ang kuryente ang mga operasyon ng pagmimina sa Kordilyera.

Kinukuwestiyon din ang kapasidad ng dam na makapag-ipon ng tubig sa mahabang panahon, dahil sa nangyari sa naunang itinayong Ambuklao Dam at Binga Dam. Halos hindi na gumagana ang naturang mga dam dahil sa matinding sedimentation o pag-ipon ng sedimento na dulot naman ng malawakang mga pagmimina at quarrying.

Pero noong 2003, sa ilalim ng gobyernong Arroyo, natuloy ang operasyon ng dam. Libu-libong katutubo sa Itogon, Benguet at pamilya sa Pangasinan ang nawalan ng tirahan dahil dito.