Paglustay ng pondo hinihinala sa maling tugon sa krisis sa enerhiya


Kinuwestiyon ng grupong Agham (Samahan ng Nagtataguyod ng Agham at Teknolohiya para sa Sambayanan) ang mga panukala ng mga opisyal ng gobyerno para tugunan ang krisis sa enerhiya sa Mindanao, na nagtulak kay Pangulong Arroyo kamakailan na magdeklara ng state of calamity. Ayon kay Engr. Archie Orillosa ng Agham, hindi solusyon ang paglaan ng P10-Bilyon […]

Pribatisasyon ang ugat ng krisis sa enerhiya at tubig ng bansa, ayon sa mga katutubong kasapi Katribu Party-list. (Dan Iver Ray Aldas)
Pribatisasyon ang ugat ng krisis sa enerhiya at tubig ng bansa, ayon sa mga katutubong kasapi Katribu Party-list. (Dan Iver Ray Aldas)

Kinuwestiyon ng grupong Agham (Samahan ng Nagtataguyod ng Agham at Teknolohiya para sa Sambayanan) ang mga panukala ng mga opisyal ng gobyerno para tugunan ang krisis sa enerhiya sa Mindanao, na nagtulak kay Pangulong Arroyo kamakailan na magdeklara ng state of calamity.

Ayon kay Engr. Archie Orillosa ng Agham, hindi solusyon ang paglaan ng P10-Bilyon para sa pagbili ng generator sets, na ipinapanukala nina Angelo Reyes, kalihim ng Department of Energy, at Jesus Dureza, hepe ng Mindanao Development Authority.

Sinabi ni Orillosa na sa halip, dapat pagtuunan ng pansin ng National Power Corporation (Napocor) ang rehabilitasyon ng mga power plant, na matagal nang hindi inaabot ang kanilang installed capacity dahil sa kawalan ng maintenance o pagmantine.

Inihalimbawa niya ang planta sa Pulangi, isa sa pinakamakalaki sa Mindanao, na lumilikha lamang ng 50 megawatts, malayo sa 255 megawatts na kapasidad nito.

Umaabot sa 650 megawatts ang depisito ng buong Mindanao Electric Grid, dahilan ng rotating brownouts sa lugar.

Pero ayon kay Orillosa, masyadong magastos ang generator sets at aabot pa ng ilang buwan bago gumana.

Umano’y kontra rin ito sa interes ng mga konsiyumer, dahil inamin mismo ng Department of Energy na posibleng tumaas ng hanggang 200% ang singil ng kuryente kung bibilhin ang generator sets.

Hinala ng grupo, nais lamang ng gobyernong Arroyo na ilabas ang bilyun-bilyong pisong pondo para palihim na mailustay sa eleksiyon.

“Sa deklarasyon ng state of calamity nang napakalapit sa eleksiyon, hindi mo maiiwasang mabahala na posibleng isa lamang itong lisensiya lustayin ang pondo. Kung tutuusin, pwede rin namang magbigay ng pondo sa mga magsasaka sa Luzon, partikular sa Isabela at Cagayan Valley (na lubhang apektado ng El Niño). Bakit sa Mindanao lamang?” sabi ni Orillosa.

Noong eleksiyong 2004, sa Mindanao nagkaroon ng hinihinalang malawakang pandaraya na isinagawa ng mga kaalyado ni Arroyo, gaya ng pamilya Ampatuan.

‘Wag isisi sa El Niño’

Isinisisi ng gobyernong Arroyo ang krisis sa enerhiya sa penomenong El Niño o tagtuyot.

Pero ayon sa Agham, hindi dapat sisihin ang El Niño dahil isa itong natural na penomenong nagaganap kada lima hanggang pitong taon, at dapat pinaghandaan ng gobyerno.

Hindi rin umano ito sa El Niño masisisi sa nabawasang kapasidad ng ilang mga planta, gaya ng Agus at Pulangi. “Ang bumababang water levels sa Agus ay mas posibleng dahil sa siltation at hindi dahil sa El Niño,” sabi ni Orillosa.

Sa kaugnay na balita, sinabi ni Vicente Lao, presidente ng Mindanao Business Chamber at bise-presidente ng Mindanao Electric Power Alliance, na posibleng sinasadya ng Napocor na huwag imantine ang mga planta sa Agus at Pulangi, para magkaroon ng dahilan na ibenta ang mga plantang ito sa pribadong sektor.

Samantala, tinukoy naman ng grupong Kalikasan-People’s Network for the Environment ang mga polisiya ng gobyernong Arroyo na dahilan ng kasalukuyang krisis ng bansa sa tubig at enerhiya.

“Ang polisiya ni Arroyo sa pagsasapribado ng ating mga tubig at iba pang likas na yaman ang nagresulta sa dayuhang kontrol, maling pamamalakad, at pagkaubos ng mga rekursong ito,” sabi ni Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan-PNE.

Sa kasalukuyan, kritikal na ang pagbaba ng antas ng tubig sa Lake Lanao, na isinisisi rin ng grupong makakalikasan sa sobrang paggamit ng malalaking pribadong planta sa enerhiyang inililikha nito.

Ganoon din umano ang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Halimbawa, sa rehiyon ng Cagayan Valley, 78% ng tubig ang kinokontrol at ginagamit ng pribadong mga planta, habang 22% lamang ang napupunta sa mga magsasaka, ayon mismo sa datos ng National Water Resources Board.

“Dapat magmatiyag ang bawat sektor, lalo ang mga magsasaka at konsiyumer na pinakaapektado, sa mga solusyon sa krisis na inihahain ng gobyerno. Dahil kapag pinabayaan, ibibigay lamang ng gobyerno ang pamamahala ng ating mga rekurso sa malalaking korporasyon, habang nananatiling nanlilimos ang mga mamamayan sa napakahalaga at batayang mga rekursong ito,” pagtatapos ni Bautista.