Emo, New Moon at mga nilalang ng kapital
Kataka-taka ang bigat ng trafik noong Biernes, 20 Nobyembre 2009. Hindi naman pay day, pero ang daming sasakyan sa SM North at Trinoma. At kahit pay day pa, hindi naman ganito kabigat ang trafik. Natuklasan na lang namin ni Sarah na opening day pala ng New Moon, ang franchise na nobela at pelikulang kinahuhumalingan ng mga kabataan.
Kakatwa, na di tulad ng Harry Potter series, na mas malawak ang sakop ng manonood, ang New Moon ay halos pawang kabataan ang profile ng nakapila. Bukod pa rito, nareafirma sa akin na ang panonood ng sine ay isa nang gitnang uring libangan. Mantakin mong puno ang paradahan sa Trinoma na napalipat kami sa SM North.
“Ipaliwanag mo nga sa akin kung bakit kinahuhumalingan ito,” tanong ni Sarah. At napaisip ako kahit wala naman sa imahinaryo ko ang New Moon. Madilim ang kwento, may pesimismo. At modernong gothiko ito, may pagkaunsyami sa mismong pagdanas ng kaunlaran at modernidad. Na maraming naeetsapwera, hindi napapabilang sa sistemang may pribilehiyo sa normal, malalakas at matitikas na kabataan.
“Emo,” ang sagot ni Sarah sa sarili. At bakit democratizing na mekanismo ang emo (emotional)? Sa pangkalahatan ay ang pagkaunsyami sa sistema ng umaatikabong kapitalismo bilang lohika ng modernidad. Kahit pa ang pangako ng modernidad ay kapantayan at kagalingan para sa lahat, ang lohika ng kapitalismo ang sumagka rito. Gayong sa kapitalismo naman, wala naman itong pagkadismaya sa modernidad. Ito ang pabuya sa mga nakatupad ng pangako ng kaayusan ng kapitalismo.
At totoo nga. Nabura ang whimsical na mahika ng Harry Potter, na siyang inakala kong laman ng pelikula. Walang gaanong fantabulosong mundo. Natural lang na high school ang mga bida, dropout ang isa. Para ka lang nanonood ng extended MTV na ang pagganap ng mga tauhan ay ang pagplakda ng anggulong magsisiwalat ng kanilang emo factor. Mabigat gayong napakagaan naman ng problema: hindi ba’t pag-ibig lang naman ito?
Pero sa pelikula, ang pagtitig sa kamera ng mga aktor na siya namang punto de bista nating manonood (tayo na nanonood ang tinititigan ng aktor) ay hindi tumatawad sa romantikong pag-ibig. Ang goth na mga pangit na Drakula at nilalang sa Dr. Frankenstein ay napalitan ng naggagandahan at naggugwapuhang nilalang. Sa pagtunghay sa mga nakapila, tunay na nagpursigi ang underclass para makaipon ng pampanood.
Ang New Moon ay alegorya ng kapital: kung paano ito nananatiling puro at nakakapanghalina. Ang mga bampira ang representasyon ng kapital, o ang pangako ng realisasyon nito. Kaya nilang magparami sa pamamagitan ng paghalal ng makakasama nito. May natural na reprodyusabilidad ang kanilang hanay. Na maging ang alok ni Bella na gawin na siyang imortal nang makapiling niya magpawalang-hanggan si Edward ay unang tinanggihan ng lalaki.
Nang mapasubo na lamang ang lalaki sa sarili nitong angkan, na handa siyang patayin dahil binababa nito ang halaga at kapangyarihan ng kanyang kahanay, saka nailigtas ng hilaw na materyales na katawan ni Bella ang higit na mahalagang elemento ng kapital (Edward). Na si Bella ay makakapili sa pagitan ng kapital at paggawa (Jacob), pero sa huli ay wala naman siyang pagpipilian kundi ang higit na halaga ng kapital na mas may kapangyarihang magparami.
Antithetical ang kapital at paggawa, maging sa representasyon sa pelikula. May kaya ang mga bampira (kapital) gayong ang mga werewolf (paggawa) ay wala, at tanging ang pagkabihasa nila sa pagiging artisano at mangangaso sa gubat ang dahilan ng kanilang pagkakaroon ng lakas. May transformasyon ang werewolf bilang lakas-paggawa, na nagbabago lamang sila kapag direktang inaasulto ng kapital. O kapag may pag-trespass sa hindi nakasulat na treaty.
At sa kanilang kolektibong transformasyon, natatalo nila ang kapital. Pero hindi nakakasapat ito, kasama pa ang pag-iwan ni Edward, para sa pagkamit ng pag-ibig ni Bella. Pinagparausan lamang si Jacob ni Bella. Sa panahon ng matinding emo ni Bella, natagpuan niya ang organikong katawan at lohika ni Jacob. Pero nang dumating ang maliit na siwang ng pangako ng muling pagtatagpo at rekonsiliasyon kay Edward, itinatwa ni Bella si Jacob.
Ang kabig ng New Moon sa lohika ng kapital ang nagpapadulas na tanggapin ang emo—kahit pa irasyonal ito sa pelikula. O ang emo—destruktibo sa individual na antas—ang siyang susi sa pagpapadulas ng lohika ng kapital. Romatikong pag-ibig sa kadiliman ng kapital, na ang angking lakas ay ipinapaubaya sa romantikong ideal na ililigtas ng reunion ng kapital at komoditi ang sistemang magsusulong ng naratibo ng kapitalismo.
At nang bitawan ni Edward bilang huling linya kay Bella ang proposal nito na magpakasal silang dalawa, hindi ako nagulat. Di nga ba’t marami sa manonood ay umaasa rin sa heteronormatibidad ng heterosexualidad? Alanganin naman sina Edward at Jacob ang magkatuluyan?
Nagulat ako na gets kaagad ng mga manonood ang direksyon ito ng kwento bilang paghahanda sa susunod sa franchise. Nauyam ako sa panonood gayong si Sarah, kahit pa tuksuhin kong sulitin ang kanyang bayad, ay kalahating tulog, kalahating nanood. Mas pinanigan ni Sarah ang pagtika sa naratibo ng kapitalismo para tunghayan ang mga patsi-patsing panaginip ng sarili.
Ang bampira ay dumarami, tulad ng bakla hindi dahil nanganganak ito, kundi dahil pinilinitong maging aberyang nilalang. Ang werewolf ipinanganak nang ganito. At tayong manonood, mas pinili natin ang mitolohiya ng ahensya ng bampira at ang anggas nito para sa direksyon ng reunion, rekonsiliasyon at kasal ng kapital at komoditi.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5007













