Husgahan Natin

Ang doktrina ng “strained relations”

Sa  ilalim ng batas,  ang  isang manggagawa na napatunayang  ilegal na tinanggal ng kompanya  sa kanyang trabaho ay may karapatang bumalik dito.  Ngunit may pagkakataon minsan na hindi na siya naibabalik sa kanyang trabaho kundi binabayaran na lamang ng kanyang separation pay. Halimbawa, kapag ang ang mangggawa ay umuukupa ng posisyong nangangailangan ng malaking pagtitiwala […]

Sa  ilalim ng batas,  ang  isang manggagawa na napatunayang  ilegal na tinanggal ng kompanya  sa kanyang trabaho ay may karapatang bumalik dito.  Ngunit may pagkakataon minsan na hindi na siya naibabalik sa kanyang trabaho kundi binabayaran na lamang ng kanyang separation pay.

Halimbawa, kapag ang ang mangggawa ay umuukupa ng posisyong nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng kompanya at may malaking lamat na ang kanilang  relasyon, hindi obligado ang kompanya na tanggaping muli ang manggagawa. Babayaran na lamang siya ng kanyang separation pay.

Ang tawag sa doktrinang  ito ay “doctrine of strained relations.” Dahil sa ganitong doktrina, marami nang kompanya  ang nagtagumpay na hindi pabalikin sa kanilang trabaho ang kanilang mga empleyadong natanggal nang labag sa batas. 

Ngunit sa kasong   “Reynaldo Cabigting vs. San Miguel Foods, Inc.”, G.R. No. 167706  na hinatulan ng Korte Suprema  noong Nobyembre 5, 2009, ay nabigo ang kompanya na gamitin ang doktrina ng strained relations upang hindi pabalikin sa kanyang pwesto ang isang manggagawang ilegal nitong tinanggal.

Sa nasabing kaso,  nagtatrabaho  itong si Reynaldo sa Feeds and Livestock Division ng San Miguel Corporation. Mula 1984 pa siya sa nasabing kompanya. Pagkatapos ang  16 na  taong paninilbihan, nakatanggap siya ng sulat mula sa kompanya na siya  ay tinatanggal dahil sa redundancy. Inalok siya ng kompanya na babayaran ng kanyang  separation pay ngunit tinanggihan  ito ni Reynaldo.

Sa tulong ng kanilang unyon, nagsampa ng kasong illegal dismissal si Reynaldo laban sa kompanya.

Sa desisyon ng Labor Arbiter, sinabi nito na labag sa batas ang pagkatanggal kay Reynaldo. Ganun pa man, imbes na iutos ang pagbalik  kay Reynaldo sa kanyang pwesto, inutos nito na babayaran lamang  siya ng kanyang separation pay at backwages.

Inapela ni Reynaldo sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang desisyon ng Labor Arbiter. Sa naging  desisyon ng NLRC, sinabi nito na nagkamali ang Labor Arbiter  at dapat lamang ibalik si Reynaldo sa kanyang  trabaho.

Hindi nagpaubaya  ang  kompanya  at dinala  ang kaso sa Court of Appeals.  Dito, muling nabago ang desisyon. Sinabi ng Court of  Appeals na sira na ang relasyon sa pagitan ng kompanya at ni Reynaldo. Kaya dahil dito, hindi na dapat pabalikin sa kanyang dating pwesto si Reynaldo alinsunod sa doctrine of strained  relations.  Babayaran na lamang daw ito ng kanyang separation pay.

Napilitan si Reynaldong  dalhin sa Korte Suprema ang kaso. Nilinaw ng Korte Suprema na inuutos ng Art. 279 ng Labor Code na ang isang manggagawa na tinanggal nang  hindi  sang-ayon sa batas ay dapat lamang ibalik sa kanyang dating posisyon, bukod pa sa pagbigay ng mga sahod na hindi niya  natanggap dahil sa kanyang pagkakatanggal. Ganito rin ang inuutos ng Implementing Rules ng Labor Code.

Ganun pa man, sa ilalim ng doctrine of strained relations, kapag sira na ang relasyon ng empleyado at ng kompanya at ang posisyon ng empeyado ay nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng kompanya, hindi na praktikal para  ibalik sa kanyang pwesto ang empleyado.

Ngunit diin  ng Korte Suprema , kailangang may matibay na patunay na sira na ang relasyon ng empleyado at ng kompanya. Pangalawa, kailangan ding may malakas na katibayan na  sensitibo ang posisyong ginagampanan ng empleyado at nangangailangan ito ng malaking pagtitiwala ng kompanya.

Kapag hindi napatunayan ang alinman sa dalawang ito, hindi maaring gamitin ang doktrina ng strained relations para sagkaan ang pagbalik ng empleyado. Dapat ibalik ang empleyado sa dating posisyon.

Sa kaso ni Reynaldo, walang sapat na katunayan na sira na nga ang relasyon ni Reynaldo at ng kompanya. Wala ring sapat na katibayan na ang pwestong inuukupahan ni Reynaldo ay nangangailangan ng malaking pagtitiwala ng kompanya.

Inutos ng Korte Suprema sa kompanya ang dagliang pagbalik kay Reynaldo sa dati nitong pwesto.