Konteksto

Batas militar sa Maguindanao


Baka naman ang kolektibong ahitasyon ay dahil lang sa mapaglarong imahinasyon. Baka naman kailangan talagang magdeklara ng martial law (batas militar) sa Maguindanao dahil sa kaguluhang nangyayari doon. Pero mainam na basahin ang buong teksto ng Proklamasyon Blg. 1959 na pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Disyembre 4 na siyang batayan ng nasabing deklarasyon ng batas militar

Tulad ng argumento ni Macapagal-Arroyo na tumakbo siya bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga para makapaglingkod sa kanyang mga kababayan, ang mga argumentong binitiwan hinggil sa deklarasyon ng batas militar ay nararapat lang na pagdudahan.

Ang “maliliit na bagay” tulad ng hindi paglalagay ng posas kay Andal Ampatuan, Jr. nang inaresto siya ay nagsisilbing repleksiyon ng paborableng pagtrato sa importanteng kaalyado ng administrasyong Macapagal-Arroyo. At dahil napabalitang hindi rin pinosasan ang apat pang miyembro ng mga Ampatuan na inaresto kamakailan, masisisi pa kaya ang maraming mamamayan kung bakit mas nangingibabaw ang pagkadismaya kaysa pagsuporta sa administrasyon?

May empirikal na batayan ang kolektibong kawalan ng tiwala kay Macapagal-Arroyo. Kung susuriin ang Oktubre 2009 survey ng Pulse Asia, lumalabas na 79 porsiyento ay nagsabing siguradong hindi nila iboboto (43 porsiyento) at malamang na hindi nila iboboto (36 porsiyento) ang sinumang kandidatong inindorso ni Macapagal-Arroyo. Sa ginawa namang survey ng Social Weather Stations noong Setyembre 2009, apat na porsiyento lang ang nagsabing si Gilbert Teodoro (kandidato ng administrasyon) ang pinakamagaling na lider na dapat pumalit kay Macapagal-Arroyo bilang Pangulo. Pawang mga kandidatong mula sa oposisyon ang nakakuha ng pinakamataas na rating: Benigno Aquino III (60 porsiyento), Manuel Villar (37 porsiyento) at Joseph Estrada (18 porsiyento).

Para sa isang Pangulong desperado sa kapangyarihan (at nagpakababa pa nga para tumakbo bilang kinatawan), maraming posibleng mangyari sa mga susunod na araw, linggo at buwan. Ang pagsusuri ng maaaring mangyayari ay hindi simpleng spekulasyon kung malinaw ang batayan ng mga argumento at may malinaw na konteksto.

Hindi dapat makalimutan ang mga pagtatangkang ginawa noon ng mga nasa kapangyarihan para baguhin ang Saligang Batas para mapanatili sila sa puwesto, pati na rin ang mga insidente ng pagtatakip sa mga katiwalian. At lalong hindi dapat makalimutan ang libo-libong mamamayang biktima ng karahasan mula pa noong 2001, lalo na ang mga pinatay at dinukot.

Hindi produkto ng mapaglarong imahinasyon ang mag-alala sa maaaring mangyari, lalo na ang pag-iisip ng mga pinakamasama’t pinakamalalang maaaring gawin ng mga walang pakundangan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.