Pinoy Weekly

Ang mga pangako ng Taon ng Tigre sa kulturang showbiz

Pakikilangkap at pakikilangkop sa proseso ng pagbabago para sa mas mabuti ang lagi ring adhika ng bawat isang nagmamasalakit na taga-showbiz para sa mas malawak na lipunan dahil ang showbiz ay bahagi ng produksyon ng sangkatuhan sa gitna ng tunggalian sa maraming antas ng pamumuhay sa sining at kultura ng bayan.

Ang bawat isa ay armado ng pansariling pakikibaka na humahangga sa anumang yakapin at may kamalayan ding humangga sa iba pa lalo na kung kolektibo ang hangarin.

Ang laging tinitingnan na sekondarya at minorya na showbiz ay malaki ang maiaambag, primera at mayurya rin, kung itatakwil din ng higit na nakararaming konsyumer ang pagyakap sa kasalukuyang kawirwiran ng larangan na animo’y sarili ring kalawang na sumisira sa bakal.

Gayunman, marami rin ang nagtatangka at kumikilos para umalsa, umalpas sa kumbensyon at umasa sa bunga ng pakikibaka.

***

Isa na ang independent o indie filmmaking, kung tawagin na anu’t anuman ay hindi rin naman hiwalay at iba sa nakagisnan nating filmmaking, sa industriya ng pelikulang Filipino na iginagapang ang pagsasarili ng larangan ng paggawa ng pelikula.

Isa si Brillante Mendoza sa lumalaban sa dikta ng kumbensyon at kumikilos ng para sa kanya ay makapagpapaalsa ng kanyang sarili, ng kanyang mga layunin para umunlad ang industriya ng showbiz kasabay ng pag-alsa ng iba pa.

Masyadong masalimuot ang sapot at sistema ng showbiz at ang tunggalian ay matindi sa lahat ng sulok sa kung sino ang maghahari at sino ang paghaharian.

Kahit si Brillante mismo ay nagsasabing kung marami ang tunggalian at intrigahan sa sirkulo ng tinatawag na mainstream filmmaking, halimbawa’y sa nakaraang labanan ng mga produksyon ng 35th Metro Manila Film Festival Philippines, marami rin ang tunggalian at intrigahan sa hanay ng mga indie filmmakers.

Bigla lang namang sasabihin na “the more, the merrier.”

Kaya nga, hala bira!

Bastat para sa kaunlaran lang ang mga simulian at adhikain.

***

Wala pa namang opisyal na ipinahahayag si Mendoza sa kanyang plano sa pagsali sa 2010 Cannes International Film Festival sa Cannes, France sa Mayo.

At kahit na laging bukas ang Cannes kay Brillante ay hindi nagsasalita ang direktor tungkol sa kanyang partisipasyon sa film festival ngayong taong ito.

Ito ay dahil sa kanyang paniniwala na bukod sa hindi pa opisyal ang kanyang mga gawain para sa pestibal, ayaw rin niyang masilat ang kanyang mga balak.

Ito ang kongkretong halimbawa ng intrigahan at tunggalian sa hanay ng mga indie filmmaker o kahit na sa mas malawak at malaking industriya ng pelikulang komersyal.

Maraming nagsasalimbayang mga intensyon at motibo sa kanila kaya naman maingat ang bawat isa sa pagsasapubliko ng kani-kanilang plano.

Nang tanungin namin si Dante Mendoza sa isang piging sa kanyang hardin sa Mandaluyong City kaugnay sa kanyang balak sa 2010 Cannes, ngiti lang ang kanyang isinagot.

Ang aktibong miyembro lang ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon ang sumabad, “ang layo pa no’n, huh.”

***

Ang ipinagdiriwang ni Mendoza ay ang pananalo niya ng Best Feature Film sa Muhr AsiaAfrica para sa kanyang pelikulang “Lola” sa ika-6 ng Dubai International Film Festival sa Dubai, United Arab Emirates kamakailan.

Isa ito sa sukatan na malayo na naman ang mararating ng mga Filipino filmmaker sa pangdaigdigang pagdiriwang ng mga pelikula sa taong ito.

Pero inamin ni Dante na ang pagpapahayag ng kanyang parangal sa Dubai ay hindi simple at madali.

“At least, sa 2009 Cannes, may nagsabi sa akin na isang member ng committee na they have something for me. Naghintay ako dahil talagang paalis na ako at pabalik sa Pilipinas.

“Tapos, ‘yon, tinawag na ako as Best Director,” kuwento ni Brillante kaugnay ng kanyang de-kalidad na pagkakamit ng Palm d’Or Best Director sa Cannes 200 para sa pelikulang “Kinatay” na pinangungunahan nina Maria Isabel Lopez, Coco Martin, John Regala, Julio Diaz, Jhong Hilario, Boy Pilapil, Lauren Nivero at marami pang iba.

***

Iba ani Dante sa Dubai.

“Do’n, may nagsabi nga sa akin na may maiuuwi raw ako. Ang akala ko naman, best actress o best screenplay. Tapos, lahat na ng mga kategorya ay natawag na pero wala pa akong nakikita na mapapanalunan ko. Sabi ko, baka niloloko lang ako ng nagsabi sa akin. Pero ‘yon nga, kami na lang ng Lebanon ang hindi pa natatawag.

“Nang dumating na sa Best Picture, ‘yon na nga, Muhr Best Feature Film na an gaming ‘Lola’. Hindi ako makapaniwala na Best Picture pa ang napanalunan ko,” wika ni Mendoza.

Ito ang bersyon ng leakage ng mga panalo sa isang international film event.

Kaya hindi kataka-taka na namana natin ang leakage na ito mula sa kolonya na mga impluwensiya mula sa ibang bansa.

***

Gayunman, ngayong 2010 ay patuloy na makikipagtunggali ang “Lola” sa marami pang paligsahan at ayon sa peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas, nakatapos na si Dante ng isang gay film.

May isa ring inihahanda ang premyadong filmmaker na nakakawindang na obra.

Ang tatlo nga kayang pelikulang ito ang sagot ni Dante sa isang banyagang kritiko na kailangang makagawa ang pamosong direktor ng tatlong magkakasunod na magagandang pelikula bago mag-Cannes filmfest sa Mayo?

“Kasi, itong foreign critic na ito, alam mo ban a parang tsinallenge ako. Kailangan dawn a may tatlo akong consecutive films na magaganda para mapatunayan ko na talagang pang-Cannes ako. Kaya nga natatawa na lang ako,” wika ni Mendoza na wari’y ibinibitin ang mga tao sa kanyang mga proklamasyon.

***

Samantala, isa pa ring may dalang pangako ng pagbabangon sa showbiz ang ginagawa ni Mario O’Hara.

Handang-handa na si Mario sa kanyang obrang tiyak na makapagpapasiklot na naman sa isip at puso ng mga Filipino.

Ito ay ang kanyang opisyal na lahok sa ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival para sa Cultural Center of the Philippines.

Alam ba ninyo na si Mario ang nangunguna sa mga ginawaran ng pundo at suporta ng Cinemalaya sa bagong kategorya nito na Open Category para sa mga establisado nang direktor at nakagawa na ng mga pelikula sa industriya?

Tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas ang materyal ni O’Hara halaw sa pagdinig sa korte ng pagpaslang ni Emilio Aguinaldo kay Andres Bonifacio.

Ito ang matagal nang debate sa bansa tungkol sa tunggalian nina Aguinaldo at Bonifacio.

“Ito rin ang nagsimula ng masamang pulitika sa Pilipinas. ‘Yong regionalism, dito rin nagsimula at saka ang social discrimination sa mga pulitiko na nais maglingkod nang tapat at malaya sa bayan,” pahayag ni Mario.

***

“Ang paglilitis kay Andres Bonifacio” ang pamagat ng obra ni O’Hara para sa Cinemalaya.

“Gusto kong mapanood ito ng mga estudyante sa lahat ng levels at makita nila kung bakit parehong bayani ang dalawang tao samantalang ang isa ay pumatay at ang isa ay ipinapatay,” sabi ni Mario.

Naghahanda na ang produksyon ni O’Hara para sa malaking proyektong ito.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5580

Posted by on Jan 4 2010. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Pulsong Pinoy

Naniniwala ka ba na hindi kaya ibigay ng mga employer ang P125 dagdag-sahod?

View Results

Loading ... Loading ...

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes