Uncategorized

Ang mga karangalang hatid ni Nora Aunor; at Brillante Mendoza sa Pilipinas mula sa ibang bansa para sa “Lola”


Hindi naglalaho ang husay ni Nora Aunor nang igawad sa kanya ang Green Globe International Film Award for Greatest Actress of all Time kamakailan. Bagamat pinili ng publiko sa pamamagitan ng pagboto sa on-line o sa internet, hindi matatawaran ang galing ni Nora sa pagganap. Hindi nga ba’t marami na siyang natanggap na parangal sa […]

Nora Aunor
Nora Aunor

Hindi naglalaho ang husay ni Nora Aunor nang igawad sa kanya ang Green Globe International Film Award for Greatest Actress of all Time kamakailan.

Bagamat pinili ng publiko sa pamamagitan ng pagboto sa on-line o sa internet, hindi matatawaran ang galing ni Nora sa pagganap.

Hindi nga ba’t marami na siyang natanggap na parangal sa pag-arte mula sa iba’t ibang award-giving body sa Pilipinas?

Idagdag pa itong Green Globe na nakabase sa Estados Unidos, sa Los Angeles, California.

Sa pamamagitan ng pelikulang “Himala” na klasikal na ngayong obra ni Ishmael Bernal, napuna ng sandaigdigan ang galing ni Aunor sa acting kaya naman hindi kataka-takang ang mga tao ay lagi nang sa kanya nakatuon ang pansin sa pagpili ng mahusay na aktres.

***

Pagkatapos ng pagtatanghal ni Guy sa Canada ay babalik siya sa US para tanggapin ang parangal at ito ay kanyang babaunin at ipapasalubong sa sangka-Filipinuhan sa Pilipinas at sa buong mundo.

Hindi nga maikubli ang kaligayahan ng mga Noranians tulad ni Lito Sibonga na siyang nag-text sa amin na nanalo na nga si La Aunor sa pagboto ng mga tao.

“Naku, matutuwa ang mga Noranians sa buong mundo. Let’s be proud of Ate Guy. Siya ang magandang halimbawa ng Filipino na nananalo at maipagmamalaki sa buong mundo,” pahayag ni Lito.

Nagtitipun-tipon na nga ngayon pa lang ang mga tagahanga ng Superstar para sa malabayaning pagsalubong sa kanya sa Abril.

Babalik na sa Pilipinas ang aktres para magsabog na naman ng lalim.

Kaya nga ang Grand Alliance for Nora Aunor Philippines o GANAP ay nagmimiting na nang regular para sa mga plano na pagbibigay-puri sa bituin.

***

Pati ang mga taga-showbiz ay nag-aabang na kay Nora.

Hindi na mabilang ang mga Filipino at mga organisasyon na nais na makapiling nang muli si Guy dahil hinahanap-hanap na siya ng sambayanan at ang simbolo na kanyang pinanghahawakan bilang idolo ng masang inaapi at pinagsasamantalahan.

Kaya nga may mga institusyon din na gusto nang kumuha sa mga serbisyo ng aktres para sa kanilang mga negosyo dahil alam nilang may hatak at mabango pa si Nora sa balana at sa merkado.

Kahit nga ang simpleng mamamayan na si Sonia N. Ardiente, isang guro sa musika at ahente ng seguro ay nagsabing marami pang fans si Nora sa Pilipinas at pagkakaguluhan pa siya.

“I bet you, marami pang naghihintay sa kanya na magka-show sa TV o kaya ay magkapelikula o kahit na concert. Kahit ako, intresado pa rin sa kanya,” pahayag ni Ardiente na isang pangkaraniwang mamamayan lang at hindi masugid na tagahanga ng artista o ni Nora.

***

Samantala, hindi lang si La Aunor ang nagbabahagi ng karangalan ng mga Filipino sa loob at labas ng Pilipinas.

Kahit ang premyadong direktor na si Brillante Mendoza ay naghakot din kamakailan ng mga parangal mula sa iba’t ibang panig ng daigdig kundi kahit sa Pilipinas lang.

Katatapos lang gawaran si Brillante ng Best Director ng Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw para sa pelikulang “Lola” ng Centerstage Productions at Swift Productions.

Bukod pa sa pagkapanalo ng Pinakamahusay na Direktor  sa Gawad Tanglaw ay nagwagi rin ang pelikula ng Best Screenplay para kay Lynda Casimiro at Best Film.

Pero sa ibayong-dagat ay sunud-sunod ang pananalo ni Brillante, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza, sa kanyang obrang “Lola.”

***

Umalis nga si Dante sa bansa noong isang linggo pero malamang kaysa hindi, habang binabasa ninyo ang istoryang ito ay nakabalik na ang popular na alagad ng sining ng pelikula mula sa iba’t ibang bansa na nilahukan ng kanyang pelikula.

Sa Paris, France ay binigyan siya ng parangal at pagkilala para sa kanyang mga obrang “Serbis,” “Kinatay (The Execution of P)” at “Lola.”

Ang tatlong pelikulang ito ay nilikha ng Centertage Productions at Swift Productions.

Mahalaga ang kontribusyon ni Dante sa pandaigdig na sinema kaya naman siya ay pinahahalagahan ng sangkatauhan lalo na ang mga kapwa niya nagmamahal sa pelikula o sa showbiz sa kani-kanilang nasyon.

***

Pero pagkatapos ng Paris ay talagang nagsimula nang mangahoy si Mendoza ng mga parangal sa kanyang mga pelikula lalo na sa “Lola.”

Sa 2010 Miami International Film Festival na lang na ginanap sa Miami, Florida ay nakamit ng “Lola” ang Grand Jury Prize na ang ibig sabihin ay talagang kapur-puri ang pelikula at hindi dapat isnabin ninuman.

Nagwagi at nag-uwi si Brillante ng malaking halagang dolyar para sa pelikula.

Kaya naman nagsasaya ngayon ang mga naniniwala kay Mendoza pero ang mga hindi bilib sa kanya ay kumakain ng alikabok.

Hindi matatawaran ang Miami International Film Festival dahil ito ang isa sa mga pangunahin at prestihiyosong okasyon sa buong mundo.

***

Wala si Dante Mendoza sa Miami para tanggapin ang kanyang parangal sa mga hurado pero ipapadala ito sa kanya kasama ang karampantang halaga ng pasasalamat at pagpuri.

Sa Las Palmas Gran Canaria International Film Festival naman ay naiuwi ni Dante ang parangal na Lady Harmiguada de Oro o Grand Prize para sa “Lola.”

Hindi matatawaran ang pagpalakpak ng mga nakapanood sa pelikula tungkol sa klase ng hustisya na meron tayo sa Pilipinas.

Pero bukod sa Grand Prize na gantimpala ay nanalo si Odyssey Flores ng Best Cinematography para sa pelikulang “Lola” kaya naman ang buong Nation Broadcasting Network o NBN Channel 4 ay naglululukso sa tuwa dahil ang misis ni Odyssey ay dating nagtatrabaho rito.

Karangalan na nga naman ‘yon kahit na asawa lang ng dating empleyado ang mismong nanalo.

***

At ang higit na nakakapanindig-balahibo ay ang pagwawagi nina Anita Linda at Rustica Carpio ng Best Actress Award o ang tinatawag sa Las Palmas na Ex Aequo Best Actress.

Sino naman ang hindi kikilabutan sa parangal na ito sa dalawang beteranang aktres na tulad nina Anita at Rustica samantalang dito sa Pilipinas ay hindi naman pinapansin ng mga tao ang matatanda nang artista kundi ang tinitilian ay ang mga kabataan kaya naman ang kawalang katarungang ito ay mababawi nating lahat sa pananalo nina Linda at Carpio sa Las Palmas.

Marami pang lalahukang film festival, internasyunal man o nasyunal, ang “Lola” at baka sa mga susunod na araw ay marami ring mga gawad na pinakamahusay na aktres ang makakamtan nina Anita at Rustica para sa “Lola.”

***

Sa Fribourg International Film Festival naman sa Fribourg, Switzerland ay nagwagi rin ang “Lola.”

Narito ang text message ni Brillante: “Fr Dante again-Lola won the Intl federation of film society award, the Ecumenical Jury Award and The Audience award at the 24thFribourg Intl Film Fest held last night in Switzerland. Tnx.”

Ginanap ang awards night noong Sabado ng gabi at paano pa nga ba maipapaliwanag at maipipinta ang kaligayahan nina Brillante at ng kanyang kasamang supervising producer na si Ferdie Lapuz sa mga tagumpay ng kanilang “Lola”?