Huli na ang lahat para sa magsasaka ng Isabela

Mga magsasaka ng Cagayan Valley sa ilalim ng Anakpawis Party-list, bitbit ang mga natuyong panananim sa kanilang mga sakahan, nagprotesta sa harap ng Department of Agriculture noong nakaraang buwan. (Soliman A. Santos)
Maaaring nakakaranas ng panaka-nakang pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang araw – partikular ang Metro Manila, pero kung ang mga magsasaka sa Isabela ang tatanungin, sinalanta at patuloy na sinasalanta ng El Niño ang kanilang mga pananim at kabuhayan.
Wala nang inaasahang aanihin ang mga magsasaka sa kanilang tanim na palay at mais dahil “sinunog” na ito ng matinding sikat ng araw at kawalan ng irigasyon.
Ayon kay Romulo Basilio, magsasaka ng mais at palay sa Echague, Isabela, baka hindi pa umabot sa sampung prosiyento o mas mababa pa ang maisasalba niya sa apat na ektarya niyang maisan.
“Tuyung-tuyo na, bitak-bitak na ang aming mga bukid, sunog na ang tanim naming mga mais,” paliwanag ni Basilio sa Pinoy Weekly nang magtungo siya kasama ng halos 400 magsasaka mula sa Cagayan Valley sa harapan ng tanggapan ng Department of Agriculture sa Quezon City kamakailan.
Ibayong hirap
Sa regular na anihan, umaabot sa 300 sakong mais ang kanyang inaani mula sa kanyang taniman, pero dahil sa tag-tuyot, tantya niya’y mula 40 hanggang 50 na lamang ang puwedeng pakinabangan. Ang masama pa nito, nare-reject pa ang kanilang produktong mais dahil sa masamang epekto ng tagtuyot. Lumiit kasi ang mga butil nito. Mula sa dati nitong presyong P10 kada kilo, baka maibenta nila ito sa halagang limang piso.
Bago nito, nagbenta na ng dalawang kalabaw si Basilio para magamit sa pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya. Maging ang inimbak niyang 30 kaban ng palay mula sa nakaraang anihan ay naubos na rin.
“Talagang wala na kaming makuhanan ng bigas. Wala namang trader na magpapautang sa amin dahil hindi pa namin alam kung saan kukuhanin ang pambayad sa utang namin noon pang nakaraang taniman,” himutok niya. Sa kalakaran sa Isabela, mula 30 hanggang 35 porsiyento ang interes na ipinapatong ng mga trader sa utang ng mga magbubukid.
Ngayo’y isa na lamang ang kanyang kalabaw na siya niyang ginagamit sa pagbubungkal ng lupa. At maging ito’y maaaring mawala pa sa kanya. “Baka ibenta ko na rin ang isa kong kalabaw. Dalawang anak ko ang nag-aaral ng kolehiyo. Hindi ko rin alam kung saan kukuhanin ang pambayad ng matrikula,” ani Basilio.
Pinsala at kawalan ng tulong
Tinaatayang P3.6 bilyon ang pinsala ng El Niño sa mga pananim sa Isabela o halos kalahati ng P8-B pinsala nito sa mga pananim sa buong bansa. Ang Isabela ang pinakanasapul ng tagtuyot ngayong taon.
Ayon sa ulat ng kapitolyo, namigay na ng bigas ang pamahalaang panlalawigan ng P25 Milyong halaga ng bigas sa 200,000 magsasaka, P27-M halaga ng gas para sa mga water pump, at 50 na water pump.
Pero ayon kay Basilio, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa lokal na pamahalaan.
“Kaya nga kami napasugod dito sa Maynila para hilingin sa pambansang pamahalaan at sa DA na ibigay sa amin ang sinasabing pondo para sa mga biktima ng El Niño. Wala na kaming kabuhayan. At wala kaming ibang mapagkukunan,” ani Basilio.
Sinisisi rin ng mga magsasaka ang kakulangan ng paghahanda ng gobyernong Arroyo sa pagharap sa El Niño. “Noong Setyembre pa ng nakaraang taon sinasabi na magkakaroon ng El Niño, pero hindi man lamang gumawa ng paraan ang gobyerno para kahit paano ay nabawasan o naiwasan ang masamang epekto nito,” sabi ni Basilio.
Ngayo’y huli na ang lahat para sa kanilang mga pananim. Walang nang aanihin, baon pa sa utang. Kaya naman natutulak ang mga gaya ni Basilio na magprotesta, kahit maglakbay pa ng milya-milya para lamang maiparating sa gobyerno, at sa kalakhang publiko, ang kanilang mga hinaing.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6642













