Migrante

OWWA bumigay; kampo ng mga OFW tagumpay


Bumigay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga hinihingi ng inabusong mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Riyadh, na nagsagawa ng tatlong-araw na kampo sa harap ng ahensiya para igiit ang tulong-pinansiyal na umano’y nararapat sa kanila. Kahapon, hinarangan ng mga kababaihang OFW mula sa Annasaban Group of Companies ang mga pintuan ng OWWA […]

Binatukan sa likod at tinapakan sa daliri ng isang guwardiya ng Overseas Workers Welfare Administration ang isang OFW mula sa Annasban, sa sit-in na isinagawa ng mga manggagawa sa harap ng ahensiya. (Ilang-Ilang Quijano)
Binatukan sa likod at tinapakan sa daliri ng isang guwardiya ng Overseas Workers Welfare Administration ang isang OFW mula sa Annasban, sa sit-in na isinagawa ng mga manggagawa sa harap ng ahensiya. (Ilang-Ilang Quijano)

Bumigay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga hinihingi ng inabusong mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Riyadh, na nagsagawa ng tatlong-araw na kampo sa harap ng ahensiya para igiit ang tulong-pinansiyal na umano’y nararapat sa kanila.

Kahapon, hinarangan ng mga kababaihang OFW mula sa Annasaban Group of Companies ang mga pintuan ng OWWA at hindi umalis doon hangga’t hindi hinaharap ni Carmelita Dimzon, administrador ng OWWA.

Matapos ang mahabang negosasyon na nagtapos bandang alas-otso ng gabi, ibinigay sa 43 pinauwing manggagawa ang P10,000 financial assistance; P20,000 na burial assistance sa namatay nilang kasamahang si Elsie Pelayo, libreng medical check-up; at pamasahe pauwi sa kani-kanilang probinsya.

“Ang kampong ito ay isang bukod-tanging tagumpay ng mga OFW, dahil ipinakita ng mga manggagawa kung ano ang maaaring makamit sa pamamagitan ng kolektibo at militanteng pakikibaka. Mula sa pagha-hunger strike sa Riyadh hanggang sa pagkakampo sa OWWA, dinepensahan ng mga OFW ang kanilang mga karapatan dahil nabigo ang gobyerno na gawin ito,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Ayon naman kay Joy Flancia, isa sa mga manggagawa ng Annasban, “Bagaman natutuwa kami sa aming mga nakamit, dapat mahiya ang gobyernong Arroyo na kinailangan pa namin gutumin ang aming mga sarili at matulog sa kalsada para lamang mapansin at makuha ang talaga namang nararapat sa amin. Dapat tandaan na napakaliit lamang ng halagang hinihingi namin…subalit kailangan pa naming makipaglaban nang patayan para lamang dito.”

Tinatayang kumikita ng P5 Milyon kada araw at aabot sa bilyun-bilyong piso ang kaban ng OWWA, na kumokolekta ng $25 sa kada OFW na umaalis. Tinatayang may 4,500 ang mga Pilipino na nangingibang-bansa para magtrabaho araw-araw.

Tumanggi naman ang OWWA na ibalik ang pamasahe sa eroplano ng mga OFW pabalik nang bansa, sa kabila ng alegasyon ng mga manggagawa na nangako ang mga opisyal ng OWWA sa Riyadh na sasagutin ito ng ahensiya.

Ibinawas ng Annasban sa kanilang suweldo ang perang ginamit sa kanilang pagpapauwi, na umaabot sa P15,000 bawat isa. Walang pera ang mga OFW nang makauwi sa bansa, matapos maging biktima ng iba’t ibang paglabag sa kontrata ng Annasban.

Sinabi mismo ni Dimzon sa mga manggagawa ng Annasban na hindi saklaw ng Repatriation Fund ng OWWA ang pagpapauwi sa kanila.

Binatikos naman ito ni Martinez. “Napatunayan lamang nito ang kainutilan ng OWWA. Simula nang maitupad sa ilalim ng gobyernong Arroyo ang OWWA Omnibus Policies, lubos na nalimitahan ang mga benepisyo at tulong na natatanggap ng mga OFW. Sa halip, ginagawa na lamang silang gatasang-baka,” aniya.

Ipinapanawagan ng Migrante International at mga manggagawa ng Annasban ang pagbasura sa OWWA Omnibus Policies.

Samantala, nangako ang mga OFW na itutuloy ang laban para sa hustisya at hahabulin ang ilegal na mga rekruter na sinampahan nila ng kaso sa Philippine Overseas Employment Agency noong Marso 3.

Sasampahan din nila ng kaso ang isang guwardiya ng OWWA na nanakit sa isang manggagawa. Binatukan nito mula sa likod at tinapakan ang daliri ni Flancia, nang umupo ang mga manggagawa sa mismong harap ng mga pintuan ng ahensiya bandang alas-kuwatro ng hapon kahapon.

“Hindi namin palalampasin ang karahasang ito laban sa kababaihan, at ang di makataong pagtrato sa amin ng ahensiyang dapat na nagpoprotekta sa amin. Lalo kaming nakumbinsi: hindi maaasahan ng mga OFW na tratuhin bilang tao ng isang gobyerno na ang tingin lamang samin ay kalakal na maaaring pagkakitaan. Ang paglaya namin ay nasa aming pakikibaka!” sabi ni Flancia.

Lalahok ang mga manggagawa ng Annasban sa malaking kilos-protesta sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, at sa Marso 17, anibersaryo ng pagkamatay ng OFW na si Flor Contemplacion, para panagutin ang gobyernong Arroyo sa umano’y kriminal na kapabayaan nito sa mga OFW.

Basahin ang kaugnay na istorya:

Pahirap hanggang sa pauwi