Konteksto

Peryodismo at pag-eendorso sa mga kandidato


Sa panahon ng eleksiyon, nararapat bang mag-endorso ang isang organisasyong pang-midya ng kandidatong dapat iboto?

Sa panahon ng eleksiyon, nararapat bang mag-endorso ang isang organisasyong pang-midya ng kandidatong dapat iboto?

Walang pumipigil sa isang diyaryo o magasing maglabas ng editoryal tungkol dito. Puwede ring mag-ere ng isang PSA (public service announcement) ang istasyon ng radyo o telebisyon para linawin ang dahilan ng pag-eendorso kung sakali.

Kung titingnan ang karanasan sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos, nakagawian na ng maraming organisasyong pang-midya ang pagpili ng sa tingin nila’y dapat iboto ng kanilang tagasubaybay. Para sa kanila, bahagi ito ng gawain nilang paghuhubog ng opinyong pampubliko.

Dito sa Pilipinas, ano ang pangunahing salik sa pananahimik? Madalas na argumento ang pangangailangang maging neutral sa pagbabalita, kaya hindi raw dapat pumanig sa isang kandidato o partidong pulitikal. Nawawala raw ang obhetibidad (objectivity) sa pag-uulat kung magkakaroon ng isang editoryal, halimbawa, na maglalahad ng bukas na pag-eendorso sa isang partikular na kandidato o partido.

Dalawang bagay ang dapat linawin sa puntong ito.

Una, walang lugar ang sinasabing neutrality sa pagbabalita dahil ang peryodismo ay hindi lang simpleng paglalahad ng datos kundi pagbibigay ng impormasyon. Para magkaroon ng huli, kailangan ang pagsusuri ng mga datos batay sa piniling balangkas (framework) ng isang peryodista. Sadyang hindi maiiwasan ang pagpanig sa paggamit ng balangkas. Sa isang banda, paano epektibong mailalahad ng isang peryodista ang nangyayari sa lipunan kung hindi niya kritikal na susuriin ang lahat ng datos na nakuha niya? Kailangan ding tandaang ang simpleng pagpili ng mga datos na iuulat, pati na ang pagkakasunud-sunod ng mga ito, ay nagpapakita ng pagsusuri (intensiyonal man o hindi) ng isang peryodista.

Ikalawa, ang pagiging obhetibo ay nangangahulugan lang ng pagkuha ng iba’t ibang argumento tungkol sa isyung nais ibalita. Para sa isang peryodista, kailangang maglaan ng kaukulang espasyo para malaman ng tagasubaybay ang iba’t ibang panig. Sa konteksto ng pagbibigay ng komentaryo, maaaring maglahad ng paninindigan hindi lang ang peryodista kundi ang buong organisasyong pang-midya (sa pamamagitan ng editoryal). Ang pagbibigay ng paninindigan, indibidwal man o organisasyonal, ay pangunahing katangian ng pahinang Op-Ed (opinion-editorial) ng isang diyaryo.

Sa madaling salita, may karapatan ang publikong malaman ang paninindigan ng kanilang sinusubaybayang organisasyong pang-midya. Kung walang pumipigil sa huling mag-endorso ng isang kandidato sa pamamagitan ng editoryal, halimbawa, bakit hindi pa rin nangyayari ito?

Dahil kaya ito sa kawalan ng pagkakaintindi ng maraming opisyal ng organisasyong pang-midya sa responsibilidad nila sa publiko? Ayaw kong isiping ito ang dahilan. Sa aking paminsan-minsang pakikipag-ugnayan sa ilan sa kanila, masasabi kong alam ng mga kakilala ko ang katangian ng editoryal, halimbawa, at ang kahalagahan ng komentaryo sa paghuhubog ng opinyong pampubliko.

Pero siyempre, nariyan ang pag-aagam-agam nila sa bukas na pag-endorso sa isang kandidato.