Tungkulin kong magbigay ng opinyon, pero bakit hanggang ngayo’y wala pa akong posisyon? Huwag mo munang itanong kung sino ang nararapat na iboto. Tulad ng marami pang Pilipino, hindi pa po ako desidido.
Ayaw kong magpadala sa ganda ng mga political advertisement. Ayaw kong maniwala sa mga campaign slogan. Ayaw kong maengganyo dahil sa husay ng mga campaign jingle. Ayaw kong pumili ng kandidato batay sa dami’t kalidad ng mga artistang nag-eendorso. Ayaw kong iboto ang isang tumatakbo dahil lang sa galing niyang magsalita sa publiko. Aanhin mo nga naman ang magagandang pangako kung alam mong mapapako lang ang mga ito?
Ipagpaumanhin po ang aking pagiging negatibo. Nagsimulo akong bumoto noon pang 1987. Mula noon, marami nang eleksiyon ang nagdaan. Kitang kita natin ngayon ang resulta ng pag-angat ng iilang indibidwal sa posisyon ng kapangyarihan: Mayroon mang mangilan-ngilang bukal sa kaloobang magsilbi sa publiko, patuloy silang nilulunod ng isang panlipunang sistemang patuloy na nagpapahirap sa nakararami. Sa pangkalahatan, ang mga pulitiko’y pansariling interes lang ang iniisip. Ang mga polisiya’t programa’y ipinapatupad batay sa ikabubuti ng iilan, hindi ng karamihan.
Sa ganitong konteksto, maiintindihan mo kung bakit wala akong mapili sa mga kandidato, lalo na sa puwesto ng Pangulo. Tulad ng argumento ng nakatatanda, totoong pare-pareho lang ang mga iyan. Ang tukso ng lalo pang pagpapayaman kapag nanalo ay nariyan. Madaling sabihing magiging mabuti silang Pangulo kung sakaling manalo, pero ano ba ang ating garantiya? Kung ngayon pa lang ay pabago-bago na ang kanilang paninindigan, paano pa kaya kung lapitan na sila ng iba’t ibang grupo na kung anu-ano ang inilalako?
Hindi naman absolutong garantiya ang aking hinahanap dahil alam kong imposible ito. May kasabihang hindi tayo nakasisiguro sa buhay, at hindi natin kailanman malalaman ang ating hinaharap. Pero imposible rin bang hilingin sa mga kandidatong maging malinaw sa kanilang paninindigan? Hindi ba nila kayang pataasin ang antas ng diskurso para mabawasan, kung hindi man tuluyang mawala, ang mga walang-lamang islogan at walang-katuturang patalastas?
Kung nais nilang gumastos nang milyun-milyon o bilyun-bilyon sa kampanya, sana’y gamitin nila ang kanilang pera para ipalaganap ang mensahe ng makabuluhang pagbabago.
Kahit na sabihing 30 segundo lang ang isang patalastas sa radyo o telebisyon, makakaya pa ring ipaliwanag sa paraang maiintindihan ng publiko kung ano ang posisyon ng isang kandidato.
Sa pamamagitan ng mga inorganisang debate, nagkakaroon ako ng ideya kung ano ang kanilang paninindigan pero limitado lang ang oras na kayang ibigay dahil sa sobrang dami ng mga tumatakbo. Mahirap magpalalim sa mga isyu dahil kailangang maging matipid sa oras.
Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit hindi ginagamit ang mga pulitikal na patalastas bilang tuntungan ng pagpapaliwanag ng plataporma ang mga kandidato. Ito kaya ay dahil wala silang aktuwal na programang kayang ibahagi sa publiko, at ang tanging mayroon sila’y walang-lamang retorika ng pag-unlad, pagbabago at pag-angat sa kahirapan?
Kahit sino’y kayang pag-isipan at gumawa ng magagandang political ad, campaign slogan at campaign jingle. Kung susuriin ang mga natutunghayan ngayon sa midya, halatang halatang pinaghandaan at ginastusan ang mga ito. Ano naman kaya ang epekto nito sa publiko?
Sa pagbalandra ng niretokeng mukha sa telebisyon, binabaha ang publiko ng mga pangakong hindi malinaw kung paano matutupad. Sa saliw ng musikang pamilyar sa maraming tao na binago ang liriko, ipinapakita ang galing ng kandidato sa pagkanta’t pagsayaw. Hindi ko alam kung anong mensahe ang nais iparating ng mga ngiting nagmumula sa labi ng mga kandidato, na halatang inensayo’t peke.
Sa ngayon, huwag mo munang itanong kung sino’ng dapat iboto. Hamunin na lang natin ang lahat ng mga kandidato: Kung hindi n’yo kayang pataasin ang antas ng diskurso, hinding hindi n’yo makukuha ang aming boto!
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
Related posts:
(1) Sa hanay ng mga kapanalig ni Presidente Noynoy Aquino, may isang paraan para mapag-iba ang mga sagad-sagarin sa mga kahit paano’y kritikal kung magsuri, iyung may katapatan pangunahin sa pangulo at iyung pangunahin sa bayan: Paano nila hinuhusgahan ang unang State of the Nation Address ni Noynoy? Kung puro papuri, nakahanay sila sa nauna; kung kahit paano’y may papitik-pitik na pagpuna, sa ikalawa.
[...] Sino ba’ng dapat iboto? If you like this post, please subscribe to the RSS feed.N.B. – This was published in the March 12-18, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/03/sino-ba%E2%80%99ng-dapat-iboto/. [...]