Konteksto

Macapagal-Arroyo bilang isyu ng eleksiyon


Maraming nakasalalay kaya hindi maiwasang maraming mag-alala. Hindi lang simpleng pagpapalit ng liderato ang eleksiyon sa puntong ito. Halatang-halata ang intensiyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na manatili sa kapangyarihan.

Maraming nakasalalay kaya hindi maiwasang maraming mag-alala. Hindi lang simpleng pagpapalit ng liderato ang eleksiyon sa puntong ito. Halatang-halata ang intensiyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na manatili sa kapangyarihan.

Oo, tahasan niyang sinabing bababa siya sa puwesto bilang Pangulo sa takdang panahon. Pero hindi niya kailangan ang Opisina ng Pangulo para magkaroon ng kapangyarihan. Ang desisyon niyang tumakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa House of Representatives (HOR) ay indikasyon hindi ng pagsisilbi sa kanyang mga cabalen kundi ng pagkokonsolida ng impluwensiya ng kanyang mga alyado.

Para sa mga nasa kapangyarihan, mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang lokal na eleksiyon dahil kailangan ng administrasyong magparami ng miyembro sa HOR. Ito ang dahilan kung bakit maraming miyembro ng Gabinete tulad ni Eduardo Ermita (dating Executive Secretary) na tumakbo bilang miyembro ng HOR.

Pati nga ang sistemang party-list sa HOR, pinatulan na ng ilang alyado ng administrasyon. Halimbawa, si Energy Secretary Angelo Reyes ay first nominee ng 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK) na binubuo diumano ng mga tsuper. Ang isang anak ng Pangulo, si Rep. Mikey Arroyo, ay first nominee naman ng Ang Galing Pinoy (AGP) na grupo diumano ng mga security guard. Ano kaya ang kwalipikasyon nilang maging kinatawan ng mga tsuper at guwardiya? Naranasan na kaya nilang maghapong magmaneho ng pampasaherong sasakyan o magbantay at magronda sa isang gusali? Sa kabila ng mababang suweldo, marangal na trabaho ang pagiging tsuper at guwardiya para ipagkatiwala sa mga walang alam!

Bukod sa 1-UTAK at AGP, may mga nagsasabing marami pang party-list group na prente ng kasalukuyang administrasyon at hindi naman kumakatawan sa mga batayang sektor ng lipunan. Bukod sa diumanong pagkakaroon ng mga prente, may isa ring opisyal ng isang party-list group na nagsabing inalok siya ng malaking pera kapalit ng pagpapapasok ng mga nominadong nais ng kasalukuyang administrasyon.

Sabi ni First Gentleman Mike Arroyo, spekulasyon lang daw ang planong tumakbong House Speaker ang kanyang asawa kung sakaling manalo siya (na ngayon pa lang ay sigurado nang mangyayari dahil sa kawalan ng malakas na oposisyon sa ikalawang distrito ng Pampanga). Pero kung susuriin ang kabuuang sitwasyon, ito ay malaking posibilidad kung mananalo ang mga alyado ng administrasyon at mapupunta sa kanila ang mayorya.

At kahit na gasgas nang argumento ang mga susunod na pangyayari, kailangan pa ring ulitin ang mga ito: Kung maging House Speaker si Macapagal-Arroyo, mas nasa posisyon siya para pangunahan ang pagbabago ng 1987 Konstitusyon para maging parlamento ang sistema ng gobyerno at maitalaga niya ang sarili bilang punong ministro. Ito ang kanyang magiging susi sa kanyang pagbabalik bilang pinakamataas na opisyal ng bansa. Mahalaga ito para maiwasan ang prosekusyon mula sa mga patong-patong na kaso ng pag-abuso sa kapangyarihan, pagnanakaw at paglabag sa karapatang pantao.

Sa kontekstong ito, maiintindihan natin kung bakit mismong ang mga miyembro ng Lakas-Kampi ay naguguluhan kung bakit limitado ang pondo’t iba pang porma ng suportang ibinibigay kay Gilbert Teodoro, kandidato para Pangulo ng administrasyon. Kahit na ilang beses pabulaanan ng mga opisyal ng Lakas-Kampi ang mga problemang kinakaharap nito, ang pagbibitiw ni Teodoro bilang tagapangulo ng Lakas-Kampi ay masasabing simbolikong protesta sa kawalan ng ipinangakong suporta sa kanya. Kahit si House Speaker Prospero Nograles na may mahalagang papel sa kanyang kampanya ay inaakusahan na niyang hindi siya buong-pusong sinusuportahan.

Ang “opisyal” na dahilan ni Teodoro sa pagbibitiw niya bilang tagapangulo ng Lakas-Kampi – para mapagtuunan diumano ang kanyang sariling kampanya – ay lumalabas na hindi totoo. Nauubos ang maraming oras niya ngayon sa pakikipagpalitan ng akusasyon sa mga “alyadong” katulad ni Nograles, bukod pa sa iba’t ibang porma ng loyalty check para siguraduhing suportado pa rin siya ng lumiliit na bilang ng mga lokal na opisyal.

Dahil nananatili pa rin siyang pang-apat sa maraming survey, malayo pa ang kanyang hahabulin. Para sa mga beterano sa pulitika, malabo na ang tsansa ni Teodoro na manalo lalo na’t malapit na ang Mayo 10 at sa halip na lumaki ang partidong Lakas-Kampi ay lumiliit pa ito.

May praktikal na dahilan ang maraming miyembro ng Lakas-Kampi na lumipat sa Liberal Party. Ang kandidato nito para Pangulo, si Sen. Benigno Aquino III, ay nananatiling lider sa maraming survey. Kahit na tawagin silang balimbing, para sa kanila’y mas mainam na suportahan ang posibleng mananalo kumpara sa sigurado ang pagkatalo.

Para sa mga nasa kapangyarihan, sadyang mas mahalaga ang lokal na eleksiyon, lalo na ang pagpaparami ng bilang sa HOR. Si Aquino man ang manalo bilang Pangulo, si Macapagal-Arroyo pa rin ang nasa kapangyarihan.

Kung ngayon ay matamang binabantayan ang bawat hakbang ni Macapagal-Arroyo, kailangang lalo pang pag-ibayuhin ang malalim na pagsusuri sa mga ginagawa niya. Malamang na may kinalaman ang mga ito sa pag-iwas niya sa prosekusyon. Ano pa nga ba ang dahilan, halimbawa, kung bakit nais niyang hirangin ang susunod na Chief Justice ng Korte Suprema kahit na mas mainam na gawin ito ng susunod na Pangulo?

Pangunahing isyu sa nalalapit na eleksiyon si Macapagal-Arroyo hindi lang dahil siya ay kandidato ng mas “mababang puwesto,” ang unang Pangulo ng Pilipinas na nagdesisyong gawin ito. Malinaw na si Macapagal-Arroyo ay nagtataguyod ng isang klase ng pagbabagong hindi para sa kapakanan ng nakararami kundi para lang iligtas ang sarili.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.