Pinoy Weekly

Jollibee kiddie party

Kamakailan ay natagpuan ko ang sarili na dalawang beses dumadalo ng kaarawan ng musmos na idinadaos sa Jollibee.  Una ay si Ameelia, inaanak kina John at Elyrah, mga kaguro, sa Jollibee Katipunan.  Ikalawa, sa ikalawang apo, kay Kayden, mula sa pamangkin na nakabase na sa suburb sa Chicago na nagdaos ng kaarawan sa Jollibee Fort naman.

Parang naka-shabu ang host sa paghihimok sa mga bata at matatanda.  Pati ang aking mga pamangkin lalake ay napalahok sa isang game na ang inspirasyon ay mula sa showbiz.  Bawat isa ay binansagan bilang Mr. Piolo Pascual o Gerald Anderson at iba pang matinee idol, at bawat isa ay pinarampa ng bading na host para tanungin ang audience kung in or out na ang mga ito.

Sa Katipunan branch, ang mga kaguro at kamag-anak ng mag-asawa ang in-infantilize para sa isang race at spelling ng “wow” na gamit ang pwet.  Sa branch na ito, mangha ang musmos nang lumabas ang mga Jollibee mascot, ang higanteng pa-cute na bubuyog, kasama si Hetty, isang Goldilocks-type na ang katangiang buhok ay halaw sa spaghetti item sa menu.

Hindi miminsan natunghayan ko ang celebrant na musmos na umiiyak sa takot sa pagkakita kay Jollibee.  Ganito rin ang nangyari kay Kayden, na kahit anong pangungumbinsi ng magulang ay ayaw pa ring humawak o tignan ang mascot na buong pa-cute naman na inaamo ang musmos.

Hassle-free ang Jollibee kiddie party.  Hindi ka na mag-iisip kung ano ang ihahanda dahil plantsado na ito sa package na kinuha.  Hindi ka rin mamimilipit kung ano ang ipapagawa sa bisita para ito mag-enjoy sa okasyon.  Paratihan, sa anumang children’s party, may matatanda nang kasama, at iba-iba pa ang edad ng mga bata:  mula musmos hanggang teenager ay parating represented sa okasyon na tulad ng anumang pagtatangkang magka-family gathering ay parating hatakan at magnet ang epekto.
Parating may bitbit ang isa lamang na imbitado.  Parating may kasama pang iba, kundi man ang buong pamilya, ang umayong pupunta sa okasyon.  Madali lamang umorder ng extra.  Hindi mauubusan ng pasobra ang Jollibee dahil ito naman ang tindahan nang puro sobra at labis:  sobrang kolesterol at taba, labis na asukal at mantika, sobra ang vetsin at dalas ng pagpunta sa Jollibee.  Sobra na parating kulang:  hindi lubos ang anumang pagpunta kaya nga parati ang panunumbalik.

Sandamakmak ang stealth advertising sa loob ng pagtitipon:  lahat ng games at pabuya ay hango sa Jollibee na empire; lahat ng kinakain, pampunas ng bibig, tarp sa dingding ay tadtad ng imahen ng Jollibee mascot.  Ito ang “empire of signs” ni Roland Barthes na umiinog ang pagbasa at pag-unawa sa dinadala at ipinapamahaging kosmolohiya ng konsumeristang identidad at ng praxis ng konsumerismong kapitalismo.

Ang Jollibee kiddie party ay isa nang gitnang uring panuntunan.  Whether-you-like-it-or-not, bibigyan ang pinag-aastang bata ng ganitong pagtitipon.   Kasama na ito sa checklist ng pagiging gitnang uri sa bansa.  Ang kakatwa rito, marami sa celebrant na musmos ay walang direktang alaala sa okasyon.  Urban legend lamang kung paano ito ipapasa sa reiterasyon ng kwento ng magulang sa lumalaking anak.

Ito o/at ang trip to Disneyland sa Hong Kong (lang), o ang Universal Studios sa Singapore na accessible sa bargain na presyo ng Cebu Pacific at iba pang economy airlines.  At dahil ang family trip sa ibang bansa ay hindi kabahagi ang komunidad ng magulang, hindi ito ang prioridad.  Ito o dahil mas mahal ang family trip sa Hong Kong Disneyland.

Sa loob ng dalawang oras na iblinoke para sa okasyon, tutungo ang buong angkan at komunidad ng pares ng magulang (times two ang bilang ng attendees kung gayon) sa anumang designated na branch.  At magdiriwang na parang wala nang iba pang uri ng sandali maliban sa sandali ng pagdiriwang na laan lamang para kina Kayden at Ameelia.

Magaganap ang kaarawang magdiriwang sa pagiging gitnang uring kasapi ng musmos, ng magulang nito, kaibigan at kamag-anak ng magulang nito, at matapos nito, tulad ng pagtatapos ng sine, babalik na naman sa pagiging ordinaryong mamamayang magsisipag-uwian, matratrafic at mamimiligro  sa pang-araw-araw ang lahat.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7593

Posted by on May 26 2010. Filed under (Kolum), Pasintabi. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “Jollibee kiddie party”

  1. gud am RBT…maganda kung me pera at yung mga nasa abroad ang mahal sa buhay…minsan yung maralita kaya naman sa bulsa…ssta cruz laguna.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes