Konteksto

Ano ngayon kung jejemon?


k~h1+ n 1$4n6 p3n0m’3n0n 4n6 j3j3m’0n, nD1 q n00n 1+0 p1n6-4k$4y4h4n n6 p’nh0n. (Kahit na isang penomenon ang jejemon, hindi ko noon ito pinag-aksayahan ng panahon.) Ano ba naman ang pakialam ko sa kodang ginagamit ng kabataan na alam kong mahihirapan akong maintindihan? Kung ang text lingo ay hindi ko ginagamit (at wala akong planong […]

k~h1+ n 1$4n6 p3n0m’3n0n 4n6 j3j3m’0n, nD1 q n00n 1+0 p1n6-4k$4y4h4n n6 p’nh0n. (Kahit na isang penomenon ang jejemon, hindi ko noon ito pinag-aksayahan ng panahon.)

Ano ba naman ang pakialam ko sa kodang ginagamit ng kabataan na alam kong mahihirapan akong maintindihan? Kung ang text lingo ay hindi ko ginagamit (at wala akong planong matutuhan), paano pa ang tinatawag na jejespeak, jejenese o jejenish na binubuo hindi lang ng mga numero’t letra kundi ng nakakagulong malalaki’t maliliit na titik? Bilang peryodista, wala akong interes sa isang klase ng koda o sociolect (social dialect) na sa halip na nagpapaikli ng mensahe ay may tendensiyang magpahaba pa nito. (Ang simpleng salitang “po,” halimbawa, ay nagiging “poh” o “powh” sa jejespeak.)

May dahilan ang Department of Education (DepEd) sa panawagan nito sa mga estudyanteng huwag gumamit ng jejemon sa anumang porma ng komunikasyon, partikular sa pagpapadala ng text message. Bilang isang guro, naniniwala akong dapat na gamitin ng kabataan ang tamang balarila’t ortograpiya sa komunikasyon.

Kaya nga bilang peryodista’t guro, siguro’y iniisip mong kasama ako sa mga tinatawag na jejebuster at grammar nazi na nilalabanan ang mga tinatawag na jejemonster. Aaminin kong ang aking unang, subhetibong reaksyon sa jejemon ay iritasyon. Pero pagkatapos kong isakonteksto ang penomenong ito, nagbago ang aking disposisyon. Bakit? May dalawang bagay na kailangang ipaliwanag sa puntong ito.

Una, may susing papel ang jejemon sa pagkakaisa ng mga taong gumagamit nito, lalo na ang nakararaming mahihirap na kabataan na kung saan pinaniniwalaang popular ang penomenong ito. Ikalawa, ang oposisyon ng mga tinatawag na jejebuster at grammar nazi sa jejemon ay hindi isinasaalang-alang ang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng koda ang ilang sektor ng ating lipunan.

Tungkol sa unang punto, dapat intindihing ang jejespeak ay simpleng koda o sociolect na nakabatay sa wikang Ingles at Filipino. Hindi tulad ng isang wika na may sariling balarila’t ortograpiya, walang iisang pamantayan sa jejespeak bagama’t may makikita nang ilang pattern sa pagbubuo ng ilang salita, partikular ang pagpapahaba ng huli sa pamamagitan ng liberal na paggamit ng mga letrang tulad ng H at Z. Ang pagkakaisa ng mga tinaguriang jejemon ay makikita sa paggamit ng kodang sila lang ang lubusang nakakaintindi (at mabilis na nakakapagsulat), bukod pa sa pagkakaroon ng sariling estilo ng pananamit na tila maiuugat sa hip-hop.

Dapat tandaang ang pagkakaroong sariling koda ay hindi na bago sa mga grupo ng tao. Kung tutuusin nga, mahalaga ang koda para sa pagpapanatili ng isang organisasyon. Sa kaso ng rebolusyonaryong kilusan, nagbabago ang mga koda sa paglipas ng panahon para manatiling sikreto ang mga gawain at mapanatili ang seguridad ng mga miyembro nito.

Kahit na bago pa ang penomenong jejemon, hindi ako magugulat kung sa halip na magkaroon ng iisang pamantayan sa jejespeak ay patuloy na magbago ang ortograpiya nito sa paraang patuloy itong hindi maiintindihan ng nakararami. Sa pamamagitan kasi ng eksklusibong paggamit ng koda nagkakaroon ng mas mahigpit na pagkakaisa ang mga jejemon.

At tungkol sa ikalawang punto, ang hindi pagkakaintindi sa jejespeak ang nakikita kong pinakamalapit na dahilan sa negatibong disposisyon ng mga tinaguriang jejebuster at grammar nazi. Madalas na ginagamit na argumento ang diumanong kabobohan ng mga jejemon sa paggamit ng wikang Ingles at Filipino na makikita sa mga maling pagbaybay ng mga salita. Pero kung seryoso ang mga tinaguriang jejebuster at grammar nazi sa pagpapaunlad ng wika, Ingles man o Filipino, bakit pinag-iinitan lang nila ang jejespeak? Bakit hindi nakikita ang kanilang oposisyon, halimbawa, sa text lingo na kung saan malinaw din ang paglabag sa balarila’t ortograpiya?

At kung susuriin pa nga ang mga pahayag ng mga nasa kapangyarihan, marami sa kanilang hindi marunong gumamit ng wikang Ingles at Filipino. Mas malala pa ang mga opisyal na ginagamit ang wika para linlangin ang sambayanan sa pamamagitan ng mga walang-lamang retorika!

Huwag sanang masamain ng ilang nagagalit sa jejemon ang aking argumento, pero hindi ba’t ipokrito ang kondenahin ang jejespeak pero manatiling tahimik sa iba pang maling paggamit ng wika? Kung susuriin pa nga ang paggamit ng wika ng mga nasa kapangyarihan, tuwirang pang-aabuso ang ginagawa nilang paggamit ng mga hindi-angkop na salita para gawing maganda ang sitwasyong kalunos-lunos. Sa pamamagitan ng mabulaklak na salita, nagiging katanggap-tanggap ang karumal-dumal. Kumpara sa jejespeak, hindi ba’t ang retorika’t propaganda ng mga nasa kapangyarihan ay mas seryosong banta sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino?

Sa okasyon ng pagbubukas ng klase noong Hunyo 15, may katuwiran naman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) na sabihan ang mga estudyanteng gamitin nang tama ang wika sa anumang porma ng komunikasyon sa kapwa o sa publiko. Pero bilang koda na internal lang sa mga miyembro ng grupo, walang karapatan ang sinumang makialam sa porma ng internal na komunikasyon kung siya’y “taga-labas.”

Kung may isang jejemon na magpadala iyo ng mensahe sa kodang jejespeak at hindi mo ito maintindihan, ang dapat na reaksyon ay ang magalang na pagsagot at paghingi ng paglilinaw kung ano ang mensahe. At kung sa tingin mo’y hindi mahalaga ang mensahe, puwede mo namang burahin na lang ito’t kalimutan na lang. Ano bang pangmatagalang pinsala ang nagagawa ng isang email, halimbawa, na hindi mo maintindihan? Puwede mo rin sigurong itanong sa sarili mo kung ang sanlaksang spam email ay nakakasira sa araw mo.

Pero ang anumang iritasyon sa jejespeak ay hindi sapat na dahilan para manawagang “patayin” ang lahat ng mga jejemon. Ang sobrang galit sa isang simpleng koda ay walang lugar sa isang indibidwal na bukas ang isipan at nais na intindihin at isakonteksto ang pagkakaroon ng penomenong tulad ng jejemon.

Puwede mong punahin ang diumanong kawalan ng kaalaman sa balarila’t ortograpiya ng mga jejemon, pero hindi ba’t repleksiyon ito ng kalagayan ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas? Bakit hindi mo rin pagsabihan ang DepEd na kung seryoso ito sa pagpapahusay ng paggamit sa wika, responsibilidad nitong pataasin ang kalidad ng pagtuturo, partikular ang mga librong ginagamit sa elementarya’t hayskul? Puwede mo ring punahin ang DepEd sa pagbibigay nito ng prayoridad sa wikang Ingles sa halip na wikang Filipino.

Sa isang naghihirap na bansang tulad ng Pilipinas, maraming dapat ipaglaban at marami ring kilusang dapat isulong. Kung titingnan lang ang jejespeak bilang simpleng koda, ang pagkondena sa mga jejemon ay walang batayan at nararapat lang na hayaan silang magkaroon ng komunikasyong sa paraang nais nila.

Kung nais mong maging bahagi ng kilusan para mapaunlad ang ating wika, simulan mo ang pagtuligsa sa pambansang polisiyang nais bigyang-diin ang wikang Ingles at pinapabayaan ang wikang Filipino. Isama mo na rin ang pag-abuso ng mga nasa kapangyarihan sa wika (Ingles man o Filipino) para ipaliwanag ang isang realidad na kabaligtaran sa aktuwal na nangyayari.

Pero hindi tulad ng walang-batayang pagtuligsa sa penomenong jejemon, responsibilidad mong pag-aralan muna ang konteksto bago magdesisyong sumali sa anumang kilusang nais isulong.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.