Uncategorized

Gary Granada, Rody Vera at iba pa, malaki ang ambag sa “Emir”


Ang isang pelikula ay binubuo ng maraming elemento kabilang ang musika o tunog na nagpapalutang sa damdamin, kaisipan o ideya na nais maipahayag ng isang obra. Kaya nga sa pelikulang “Emir” ng Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines, mahalaga ang musika dahil una’y musikal ang isang ito. Sa pagbabando […]

Ang isang pelikula ay binubuo ng maraming elemento kabilang ang musika o tunog na nagpapalutang sa damdamin, kaisipan o ideya na nais maipahayag ng isang obra.

Kaya nga sa pelikulang “Emir” ng Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines, mahalaga ang musika dahil una’y musikal ang isang ito.

Sa pagbabando ng CCP, sina Gary Granada, Vin Dancel, Ebe Dancel, Diwa de Leon at Chino Toledo ang mga kompositor sa pelikula samantalang ang lumikha naman ng libretto ay ginawa nina Gary, Jerry Gracio at Rody Vera.

Samantala, si Josefino “Chino” Toledo ang musical director.

Kung wala ang mga ito, walang latoy ang “Emir” na idinirek ni Chito S. Roño.

Gayunman, may mahalaga ring parte ang direksyon dahil ito ang nagtagni-tagni ng lahat, kabilang ang musika para lalo pang mapaigting ang kabuuang tema ng pelikula.

***

Makabagbag-damdamin at sumasagitsit sa isipan ang mga likhang-musika ng mga musikero para sa “Emir” pero naniniwala kaming napakahalagang ambag ng mga ito para umusli ang kahalagahan ng likhang-sining na ito na kauna-unahan sa Pilipinas bagamat kinokontra ito ng mga kritiko ng pelikula.

Maaasahan talaga sina Gary at Rody, lalo na, dahil sa kanilang matagal at bating nang paglalapat ng musika sa mga pelikula at iba pang sining.

Hindi lang naglumunoy sa emosyunalismo ang mga liriko at melodya ng pelikula kundi nagbabad rin sa pangangalikot sa imahinasyon at pag-iisip ng bawat manonood.

Dahil malakas at konektadung-konektado ang mga ito sa paglago at pagdawag sa kabuuan ng dikusyon sa pelikula—na mahalaga ang mga Overseas Filipino Worker sa pag-inog ng buhay sa mundo lalo na sa mga bansang nangangailangan ng mga tagapag-alaga sa mga sanggol, lalo na.

***

Ginanap ang premiere showing ng “Emir” noong Lunes, ika-7 ng Hunyo, 2010 sa Cinema 9 ng SM Megamall sa Mandaluyong City.

Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang panauhing pandangal sa okasyong ito.

Bakit si Pangulong Macapagal-Arroyo ang espesyal na bisita?

Ito ay dahil mula sa kanyang President’s Social Fund ang malaking bahagi ng pondo na inilagak sa proyekto.

Ayon kay Nestor Jardin, ang Pangalawang Prodyuser ng pelikula, “the budget was partly from the President’s Social Fund.”

Ayon kay Nestor, nagsumite sila proposal sa President’s Social Fund nang mabuo sa isip nina Macapagal-Arroyo at Lupita Aquino-Kashiwahara, ang dating si Lupita A. Concio, ang direktor ng makabayang pelikulang “Minsa’y Isang Gamu-Gamo” at “Babae,” kapatid ni Benigno Aquino, Jr.

Naaprubaha agad ng ahensiya ang paghingi niya ng pondo.

Pero noon ay paalis na si Jardin sa CCP bilang presidente nito kaya ipinasa niya ang produksyon ng obra kay Jackie Atienza na siyang tagapangulo ng FDCP.

***

Kaya ang lumalabas na Executive Producer ng pelikula ay si Jackie kaya naman presente ang lahat ng mga nasa FDCP kabilang sina Digna Santiago at Lally Suzara.

Nakipagniig sina Atienza sa mga dumalo sa premiere night na matagumpay na matagumpay.

Nandoon nga si Gloria at siya ang hinintay bago magsimula ang pagtatanghal ng obra.

Kapansin-pansin na sa red carpet ng sinehan naglakad si GMA samantalang nang umalis siya, ayon sa peryodistang pampelikula na si Art Tapalla, sa gilid na ng pasilyo ng Cinema 9.

Pagkatapos na pagkatapos na mailabas ang pelikula ay umalis na rin si PGMA.

***

Halos kumpleto ang cast ng pelikula mula sa ipinakikilala rito na si Frencheska Farr, ang tsampyon sa “Who Will Be the Next Big Star?” ng GMA Network.

Ang ganda-ganda at ang bata-bata ni Frencheska sa kanyang gown na murang tsokolate o mocha.

May dugo palang English si Farr dahil ang kanyang ama ay isang British.

“I feel so honored na ako ang napili para sa pelikula. Napaarte ako nang husto ni Chito Roño,” kuwento ni Frencheska na nananabik sa kung ano ang kahihinatnan ng behikulong maglulunsad sa kanya sa pagkabituin.

Ginagampanan ni Farr ang pangunahing tauhan na si Amelia na mula sa Ilocos at nagtrabaho sa Middle East bilang yaya.

Si Amelia ang tagapag-alaga ng buntis na asawa ng sheik at kinalauan ay siya na rin ang yaya ng sanggol na iaanak ng misis ng hari.

Ahmed ang pangalan ng alaga ni Amelia.

***

Hindi rin nawala si Dulce, ang mayor-doma ng lahat ng mga tagapagtrabaho sa palasyo ng sheik.

Makabagbag-damdamin ang pagganap ni Dulce sa kanyang papel at maluha-luha nga siya sa pagbibigay-buhay rito.

Sa kanyang mga panayam pagkatapos ng showing ay nakita pa ni Cecil Guidote-Alvarez, ang Executive Director ng National Commission for Culture and the Arts na nangilid ang mga luha ng singer at aktres.

Napakahusay naman kasi ni Dulce at kung tutuusin ay bihira lang namang lumabas sa pelikula ang aktres.

Pinakahuli niyang ginagampan ang mga pelikulang “Minsan Pa” nina Ara Mina at Jomari Yllana sa direksyon ni Jeffrey Jeturian at ang indie film na idinirek ni Ronald Carballo.

Mas malamang kaysa hindi ay nominado si Dulce sa pelikulang ito dahil ang dami niyang ginawa kabilang ang pag-awit ng pamamaalam sa kapwa yaya ng palasyo dahil sa kanyang pagkakasakit.

Kasama ni Dulce sa gabi ng pagtatanghal ang kanyang guwapong mister na si Bernard.

***

Ang iba pang yaya ay halos kumpleto rin sa premiere night kabilang sina Beverly Salviejo, Liesl Batuca, Kalila Aguilos at Melanie Dujunco.

Hindi nawala ang mahusay na aktor na si Jhong Hilario at ang batambatang bituin na si Sid Lucero na gumanap na kasintahan ni Amelia.

At ang mga mukhang Arabong gumanap sa mahahalaga at natatanging papel ay nandoon din.

Si Bodjie Pascua na gumanap bilang ama ni Amelia ay nasa orchestra at ninamnam ang kanyang pag-arte.

Ang iba pang celebrity na nakita namin sa film event na ito ay sina Eddie Romero, Salvador Bernal at Bienvenido Lumbera na mga National Artist ng bansa.

Nandoon din si Arsi Baltazar na malaki ang kontribusyon sa paggawa ng pelikula.

Pati ang jazz singer na si Elaine Carriedo ay nakibahagi sa premiere night kasama ang kanyang poging anak kay Marlon Lozano na si Mavi Lozano na nakakontrata sa Channel 5 ngayon.

***

Marami ring peryodistang pampelikula ang nakiisa sa pagdiriwang kabilang sina Marinel Cruz, Jocelyn Dimaculangan, Arthur Quinto, Art Tapalla, William Reyes, Emy Abuan, Dennis Adobas, Julie Bonifacio at marami pang iba.

Kaya lang, puna ni Dennis, parang walang masyadong maraming publisidad ang obra at nanghihinayang siya dahil ngayong araw na ito na ang pagbubukas ng opisyal ng pelikula sa mga sinehan sa buong Pilipinas.