Zineulat

Netizen, Tibak, Pirata at Stalker sa Wawawa


Isang madaling araw, sa isang “plurk” o status message ko sa http://plurk.com, sinabi ko na “kagigising lang! J”. At may isang makatang estudyante na nag-reply ng “baliktad na ang mundo!” Sumagot ako ng simpleng “body clock ko! :-)” bagama’t may kurot sa akin ang witty na comment ng naturang kaibigang makatang estudyante. Sobrang liberal na nga siguro ako na ang kaharap ko nang magdamag, at ang ilang oras kong kausap, ay ang birtwal na mundong naa-access ko sa laptop at sa “wawawa” o world wide web. Kinocomputer ko ang mga bagay at iniinternet ko ang aking isip at damdamin, sa madaling araw na halos lahat ng kakilala ko ay tulog na at iilan na lang sa mga kakilala ko sa Pilipinas ang namamaybay sa birtwal na reyalidad ng Facebook at iba pang nilikha ng hypertextual language.

Isang madaling araw, sa isang “plurk” o status message ko sa http://plurk.com, sinabi ko na “kagigising lang!”. At may isang makatang estudyante na nag-reply ng “baliktad na ang mundo!” Sumagot ako ng simpleng “body clock ko!” bagama’t may kurot sa akin ang witty na comment ng naturang kaibigang makatang estudyante. Sobrang liberal na nga siguro ako na ang kaharap ko nang magdamag, at ang ilang oras kong kausap, ay ang birtwal na mundong naa-access ko sa laptop at sa “wawawa” o world wide web. Kinocomputer ko ang mga bagay at iniinternet ko ang aking isip at damdamin, sa madaling araw na halos lahat ng kakilala ko ay tulog na at iilan na lang sa mga kakilala ko sa Pilipinas ang namamaybay sa birtwal na reyalidad ng Facebook at iba pang nilikha ng hypertextual language.

Netizen na nga siguro ako, ano? Ang isang netizen o “internet citizen” ay gumugugol ng napakaraming oras sa loob ng isang araw upang makipagtalastasan at gamitin ang teknolohiya ng internet para sa iba’t ibang dahilan: pamilya, love life, trabaho, sexcapade, negosyo, laro, pag-aaral, kampanya, politika, at iba pa. Lahat naman ito’y valid na ehersisyo ng isang mamamayang may access sa internet.

Ang birtwal na mundo ng internet ay binubuo ng patung-patong na layer ng mga iskrin na ang pinakabatayang koda o code ay ang HyperText Markup Language (HTML). Itong language system na ito ay nagpapahintulot ng intra- at interpersonal na komunikasyon sa pagitan ng mga sistema’t elektronikong gaheto ng ating panahon. Ang pagkakadisenyo at pagkakasunod-sunod, may puwang man, o walang puwang, sa pagitan ng mga karakter, numero, espesyal na karakter o simbolo, at iba pang matatagpuan sa keyboard ng iyong kompyuter o laptop, ay ang ginagamit ng tao upang lumikha ng hitsura, lalamanin at kakayanan ng bawat blog, social networking site, o anumang online site. Puwede ring ipatong o ibaon ang samu’t saring “script” sa HTML upang “pagalawin” ang mga webpage. Sa madaling salita, ang naturang lenggwahe ay ubod at buhay sa wawawa.

Ang pagkahumaling ay isang emosyon at praxis na nalilinang o napagsasanayan. Sa industriya ng internet, tulad ng sa iba pang larangan at porma ng adiksyon, ang pagkahumaling ay baytang-baytang at iba-iba. Maaaring magsimula bilang kuryosidad o pagkamangha sa mga bagay na bago sa kamalayan, tulad halimbawa ng sex o pag-ibig na nabubuo sa birtwal na mundo ng wawawa. Mayroong iba na ang pagkahumaling ay sa online games (Facebook), chat (Yahoo Messenger), email na komunikasyon (Gmail), video at audio chat (Skype), pornograpiya (ay napakarami!), negosyo (Sulit), pag-aaral (Online Recto, tutorials) at pamimirata (sangkaterbang torrents, hotfile).

Nadiskubre ko na ang pagiging netizen ko ay nahahati sa apat na praxis, in order: (1) personal, (2) pulitika, (3) pamimirata, at (4) romansa.

Sa apat na ito, pinakamahalaga sa akin ang personal. Hindi ko na ito kailangang ipaliwanag. Pero sige na nga, magpapaliwanag ako ng kaunti. Pinakamahalaga sa personal ang komunikasyon – pag-eestablisa ng mga relasyon at pagpapatuloy ng mga relasyon sa pamamagitan ng constant na komunikasyon. Mayroong chat at wall posts sa Facebook. Mayroong video chat at audio chat sa Skype at Yahoo Messenger. May plain chat sa Gmail. May horizontal at vertical interactivity ang Plurk. May stalker sa Twitter.

Sa ikalawa naman, sa larangan ng pulitika, talagang choice ko na maging pulitikal, kahit na i-hide pa ako ng mga kaibigan ko sa Facebook dahil nagsasawa na sila sa puro katibakan na pinopost ko. “Aktibista. Aktib. Tibak ka na nga sa reyalidad, tibak ka pa rin sa internet.” Sabi pa nga ng propesor ko, malamang, kahit yung mga “kaaway” ko sa pulitika ay ina-add ako bilang friend sa Facebook para makakuha ng impormasyon. Hahahaha! Mukha nga! Kaya ayusin ang privacy settings, i-check palagi ang setting mo ng Facebook, dahil baka na-i-invade na ng kung sinu-sinong stalker na kumpanya at ahensiya ng gobyerno ang inyong pribadong buhay at pribadong impormasyon. Marami akong blogspot at wordpress accounts. Webmaster ako ng kung anu-anong sites at blogs. Basta may kampanya, may blog! Unapologetic rin ako sa pagiging tibak na netizen.

Ikatlo, pamimirata. Dati, laman ako ng Quiapo, para sa murang dibidi-dibidi. Pero nang magkaroon na ng DSL sa bahay, ayan, napakarami at naglalawa lang sa mapipiratang musika, pelikula, porn, PDF book o e-books, at sari-sari pang dokumento at produkto, sa torrents man, google, hotfile o sa sandamakmak na personal weblogs ng kung sinu-sinong indibidwal mula sa iba’t ibang panig ng tunay na mundo. Oo, pirata ako. Namemorya ko na kung paano gamitin ang mga freeware at kung anu-ano pang pampiratang software tulad ng winrar, HJ split, cheat engine, torrent, piniratang MS Office, at lahat ng iba pang hindi mo maiisip sa simula na mayroon.

Ikaapat, romansa. Kaya mong maging expert na stalker, lurker. Itatype mo ang pangalan niya, ang palayaw niya, mahahanap mo ang e-mail niya, ang personal niyang blog. Gagawa ka ng ibang account sa Facebook. Magkukunwari kang ibang tao. I-a-add ka niya, nila, sa Facebook. Mapapasok mo ang pribadong mundo niya. Mamasdan mo ang mga litrato niya, nila. Minsan kokopyahin mo. Minsan, kokopyahin mo ang link at isesend sa ka-chat mo, para makita niya kung sino ang ini-i-stalk mo.  Minsan ita-tag mo siya sa isang love poem na isinalin mo sa Filipino. Minsan magpaparinig ka sa kaniya, sa kanila, sa status message mo. Minsan hindi mo siya kunwari papansinin sa chat, kahit na minessage ka niya ng minessage, hanggang sa itetext ka na niya at hindi mo pa rin siya papansinin. Para hindi halatang gusto mo siyang ligawan o na gusto mo na siya talaga pero nagdadahan-dahan ka lang. Di ba ganun ang sining ng pag-astang tila magkakaroon ka na ng romantikong relasyon kahit hindi ka naman sigurado at nag-aalinlangan ka dahil baka pakikipagkaibigan lang ang gusto niya. Tapos maghahanap ka ng ibang prospect, sa ibang kampus, sa ibang eskwelahan, sa ibang bansa, pero babalik at babalik ka pa rin sa Pilipinas, sa kaniya, sa isang munting bayan, sa isang tuldok sa kaniyang mundo. At sasabihin mo sa sarili na “Nagdecide na ako na hindi ako exclusively makikipag-date” kahit na alam mo namang monogamous ka kahit hindi pa kayo at kahit na maaaring hindi maging kayo.

Tapos pag-iisipin mo yung nagbabasa ng mga sinulat mo at sasabihin mo sa kanila: “Anuman ang nababasa mo ngayon, mga halimbawa lang yan. Examples lang yan ng mga posibilidad na gawin sa internet. Identity shifts, multiple personalities. E paano kung sabihin kong pathological liar ako? Ano na ang paniniwalaan mo sa mga sinabi ko?”

Ito, para sa akin, ang bumubuo ng birtwal na mga komunidad na kinabibilangan ko at marami pang birtwal na mga mamamayan o netizen na tulad ko. Siyempre, kahit hindi na kailangang sabihin, pero kaya nga may “hyper” sa hyper-reyalidad o kaya ay “birtwal” sa birtwal na reyalidad, sapagkat hindi ang wawawa ang tunay na espasyo ng pakikipagbarikan, pakikipagniig, pakikipaghuntahan, pakikipaglandian, pakikipagturuan, pakikipagtulungan at pakikipagbakbakan. Ito’y isang larangan lamang na may hiraya at hikayat, ngunit nasa labas  nito ang tunay na hiraya at hikayat ng materyalismo ng kasaysayan at lipunan.

Anuman ang nababasa mo ngayon, mga halimbawa lang yan. Examples lang yan ng mga posibilidad na gawin sa internet. Identity shifts, multiple personalities. E paano kung sabihin kong pathological liar ako? Ano na ang paniniwalaan mo sa mga sinabi ko?

June 20, 2010. 4:21am. Iba, QC