Pinoy Weekly

Pulitika ng kompromiso

Kahit na mayroon kang prinsipyo, hindi mo pa rin maiiwasang makipag-kompromiso. Hindi lahat ng pangyayari’y umaayon sa iyong kagustuhan. Hindi lahat ng tao’y umaayon sa iyong kaisipan.

Sa larangan ng pulitika, mahalaga ang pakikipag-alyansa. Noong nakaraang eleksiyon, maraming nagtaka sa desisyon ng Kaliwa na makipagsanib-puwersa sa malalakas na kandidato. Pero teka: Puwede bang malaman muna kung sino ang tinutukoy na Kaliwa?

Walang iisang kahulugan ang terminong ito. Magkakaibang prinsipyo kasi ang gumagabay sa mga organisasyong nagsasabing sila ay nasa Kaliwa. Kahit na lahat sila’y pare-parehong kontra sa gobyerno, kapansin-pansin ang kanilang panaka-nakang away at palitan ng kahit maaanghang na salita.

Bawat isa’y inaakusahan ang kabilang panig na sarado ang isipan at ayaw makinig sa katuwiran. Lahat sila’y nagsasabing sila lang ang tama. Mahirap magtagpo ang kanilang diskurso kahit na halos pareho lang ang mga ginagamit na konsepto. Bakit kaya ganito?

Puwede nating ipaliwanag ang katangian ng magkakaibang prinsipyo sa apat na salita: Iisang lipunan, sanlaksang katotohanan. Para sa iba’t ibang puwersa ng Kaliwa, kinikilala ang mga problemang kinakaharap ng lipunan pero iba’t iba ang ugat nito, depende sa kausap na grupo.

Mahabang diskurso ang kailangan para intindihin ang iba’t ibang pagtingin ng mga puwersa sa Kaliwa. Ang kailangan lang linawin sa puntong ito ay may direktang epekto ang kanilang pagsusuri sa lipunan sa anumang piniling estratehiya’t taktika para matupad ang inaasam na pagbabago.

Ito ang dahilan kung bakit may mga nananawagan ng reporma, at mayroon ding nananawagan ng armadong pakikibaka. Para sa una, may pag-asa pa sa kasalukuyang sistema. Para sa ikalawa, kailangan nang palitan ang kaayusan para ang buhay ng mga batayang sektor ng lipunan ay mapaganda.

Pero anuman ang estratehiya’t taktika, kailangan at kailangan ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang personalidad at organisasyon, kahit sa loob mismo ng gobyernong kinakalaban.

May dalawang pangunahing dahilan para gawin ito: (1) para makakuha ng rekurso o suporta; at (2)  para makumbinsi ang iba pang sumama’t maging bahagi ng itinataguyod na kilusan.

Sa proseso ng pakikipag-ugnayan nabubuo ang alyansa. Nagkakaroon kasi ng pormal na pagkakasundo ang lahat ng panig na isulong ang iisang layunin sa pamamagitan ng napagkasunduang hakbangin. Sa kaso ng mga puwersa ng Kaliwa, ang pakikipag-alyansa sa iba pang tao’t organisasyon ay may apat na katangian.

Una, ito ay taktikal lamang. Hindi dapat magkaroon ng ilusyong maraming mapagkakasunduan, at posible pa ngang nagkakaroon ng hindi-pagkakaintindihan sa pagsusulong ng mga kailangang gawin dahil iba’t iba ang oryentasyon ng mga nakapaloob sa alyansa.

Ikalawa, ang alyansa ay hindi permanente. Kusa itong nawawala kapag nakamit na ang layunin. Minsan pa nga’y nasisira ang alyansa sa gitna ng isang kampanya kapag ang hindi pagkakaunawaan ay masyadong matindi.

Ikatlo, malinaw ang mga batayan ng pagkakaisa ng mga bumubuo ng alyansa. Madalas na nakasulat pa nga ito’t pirmado ng lahat ng mga personalidad at kinatawan ng mga grupo. Ang mga batayang ito ang ebidensiya ng pagkakaisa ng lahat.

Ikaapat, aktibo ang mga puwersa ng Kaliwa sa pagbibigay ng obserbasyon o anumang kritisismo sa lahat ng mga nasa loob ng alyansa. Ito ay ginagawa para masiguradong natutupad lahat ng gawain at walang pagbabago sa napagkasunduang layunin.

Sa nangyaring eleksiyon noong Mayo 2010, may apat na personalidad ng Kaliwa ang tumakbo sa Senado – JV Bautista (Sanlakas), Risa Hontiveros (Akbayan), Liza Maza (Gabriela Women’s Party) at Satur Ocampo (Bayan Muna). Lahat sila’y nakipag-alyansa sa ilang malalakas na kandidatong tumakbo bilang Pangulo – Bautista para kay Joseph Estrada (Partido ng Masang Pilipino); Hontiveros para kay Benigno Aquino III (Liberal Party); at Maza at Ocampo para kay Manuel Villar (Nacionalista Party).

Ano ba ang katangian ng kanilang naging alyansa? Kung susuriin ang Certified List of Candidates for Senator ng Commission on Elections (COMELEC), lumalabas na sina Bautista at Hontiveros ay hindi nakipag-alyansa kundi tuwirang pumasok sa loob ng partidong sinalihan nila. Ang ebidensiya ng kanilang pagsali ay halatang-halata sa malinaw na pagkakalagay sa pangalan ng partido (PMP para kay Bautista, LP para kay Hontiveros) sa tabi ng kanilang pangalan. Dahil dito, masasabi bang sila’y guest candidate ng kanilang piniling partido?

Sa bahagi nina Maza at Ocampo, hindi sila pumasok sa NP. Batay sa kanilang party affiliation, si Maza at tumakbong Independent samantalang si Ocampo ay tumakbo sa ilalim ng Bayan Muna. Dahil dito, malinaw ang ebidensiya ng kanilang pagiging simpleng guest candidate ng NP dahil hindi sila pormal na nakapaloob sa nasabing partido.

Pero ang nakasulat sa legal na dokumento ay hindi sapat na ebidensiya ng tuwirang pagpasok nina Bautista at Hontiveros sa partidong pinili nila. Ang tanong sa puntong ito: Sila ba’y nanatiling kritikal sa loob ng partido’t naging boses ng katuwiran, lalo na sa usapin ng pagsusulong ng adyenda ng kanilang maka-Kaliwang organisasyon?

Kung bibisitahin ang websites nilang dalawa (http://jvbautista.wordpress.com para kay Bautista; http://www.risahontiveros.com para kay Hontiveros), mapapansin ang iisang katangian ng kanilang mga naging pahayag sa midya noong panahon ng kampanya: Sa pangkalahatan, puro papuri ang kanilang ibinibigay sa kanilang kandidato para Pangulo at hindi na nakita ang kanilang pagiging Kaliwa. Ito ang dahilan kung bakit walang naging matinding internal na alitang naisapubliko sa pagitan nila at kanilang kasamahan sa partido.

Ibang iba ang sitwasyon sa kampo ng NP. Malinaw ang paninindigan nina Maza at Ocampo laban sa mga Marcos kahit na ang anak ng yumaong diktador ay kasama nila sa senatorial ticket. Sa kaso ni Maza, hindi siya nag-atubiling magbigay ng puna sa ilang bahagi ng pagbibigay-aliw sa komunidad ng NP na yumuyurak sa dangal ng kababaihan, partikular ang pagpapasayaw sa ilang babaeng halos walang saplot sa katawan.

Kahit na maraming kompromisong ginawa sina Maza at Ocampo, malinaw na pinilit nilang panatilihin ang kanilang prinsipyo. Kaya lang, hindi naging sapat ang kanilang prinsipyong ipinaglalaban para manalo sa halalan.

Sa apat na kandidato para Senador, si Hontiveros lang ang muntik nang makapasok dahil siya ay nasa ika-13 puwesto. Maraming nagsasabing dahil ito sa pagkampi niya kay Aquino na siyang naproklamang ika-15 pangulo ng ating bansa. Kung naiba lang ang sitwasyon at si Villar ang nanalo bilang pangulo, siguro’y nadala rin niya ang iba pang nasa tiket niya tulad nina Maza at Ocampo.

Nang magdesisyon sina Bautista, Hontiveros, Maza at Ocampo na tumakbo, malinaw na ang layunin nila’y manalo. Wala ni isa man sa kanilang naproklama: Lahat sila’y natalo. Pero ang pinakamalaking pagkatalo ay nasa mga taong kinompromiso nang buo ang kanilang prinsipyo. At sa konteksto ng klase ng kampanyang ginawa nina Bautista at Hontiveros, matatawag pa kaya silang bahagi ng Kaliwa?

Ngayo’y alam na natin ang malinaw na kasagutan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7921

Danilo Araña Arao Posted by on Jun 26 2010. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Pulitika ng kompromiso”

  1. [...] ni Prop. Danny Arao sa alyansang Satur-Liza-NP sa isang banda at ng Risa-LP at JV-PMP sa kabilang banda. Kalakhan ng [...]

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in (Kolum), Konteksto (569 of 740 articles)