Pinoy Weekly

Araw ng migrante sa UAE, matagumpay na idinaos

Panoramic shot ng Migrants' Forum sa UAE. (Kuha ni Arch. Ross Pisuena)

Migrants' Forum sa UAE. (Kuha ni Arch. Ross Pisuena)

Dubai, UAE –  Matagumpay na idinaos ng Migrante-UAE ang kauna-unahang Migrants’ Forum sa United Arab Emirates bilang pagdiriwang sa Araw ng mga Migranteng Pilipino kaalinsabay sa paggunita sa ika-112 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 18 sa Al Nasr Leisureland, Oud Metha, Dubai.

Dumalo sa naturang talakayan ang halos 200 delegado mula sa iba’t ibang organisasyong kasapi ng FilCom (Filipino Community) sa Dubai at Northern Emirates. Naging tagapagsalita sina Phil. Ambassador Grace Relucio Princesa; Vice Consul Edwin Mendoza; Labour Attaché Amilbahar Amilasan ng POLO-Dubai; Labour Attaché Nasser Munder ng Abu Dhabi; Asst. Labour Attaché Ma. Corazon Venus Abad; Welfare Officer Mary Cyd Simangan ng OWWA-Dubai; Engr. Robert Ramos, chairman ng FilCom; at Yuri Cipriano, pangalawang pangulo ng Migrante-UAE.

“Matagumpay ang Migrants’ Forum dahil bukod sa napag-usapan ang iba’t ibang suliranin ng mga migranteng Pilipino sa UAE, nagresulta din ang Forum sa pagbuo ng isang ad-hoc committee ng FilCom para pangalagaan at isulong ang kagalingan at karapatan ng mga OFW (overseas Filipino workers) sa UAE,” ani Cipriano.

Sinabi naman ni Ramos na naging inspirasyon at hamon para sa FilCom na may 84 organisasyon ang inisyatiba ng Migrante-UAE sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga kababayang Pilipino sa UAE.

Ang bubuing Ad-Hoc Committee for the Protection of the Rights and Welfare of Migrant Filipinos ang katugunan ng FilCom sa mga napag-usapan sa talakayan. Pakikilusin ng FilCom ang mga kasapi nitong organisasyon para bigyang pansin ang mga problemang kinakaharap ng ating mga kababayan, ani Ramos.

“Ipapaalala kundi man sisingilin ng Migrante-UAE ang pamunuan ng FilCom sakaling hindi nito bigyang katuparan ang kanilang salita,” pahayag naman ni Cipriano.

Samantala, pinuna ni Shayne Ramero, chairperson ng Rights and Welfare Committee ng Migrante-UAE, ang kakulangan sa pagtalakay ng ilang opisyales ng Embahada at Konsulado sa mga isyu ng mga migranteng Pilipino.

“Hindi tinalakay ni Simangan ang paksang kanyang dapat talakayin tungkol sa kalagayan ng mga migrante sa UAE.  Hindi rin kumpleto ang paliwanag ni Amilasan sa kahalagahan ng Araw ng mga Migrante; binanggit lang niya na nilikha ang okasyong ito bilang pasasalamat sa ambag ng mga OFW sa ekonomiya ng Pilipinas.  Nakaligtaan niyang banggitin na layunin din ng pagdiriwang ang pagtataguyod sa karapatang pantao ng mga OFW,” ani Ramero.

“May pinagtatakpan kaya ang ating POLO-OWWA (Philippine Overseas Labor Offices-Overseas Workers Welfare Administration) dahilan upang hindi banggitin ang mahahalagang bagay na ito o sadya lang na hindi nila alam ang kanilang ginagawa?” tanong ni Ramero.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8061

Angel L. Tesorero Posted by on Jul 2 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Araw ng migrante sa UAE, matagumpay na idinaos”

  1. bhem

    very well said Angel…padayon.

    Mr. Amilasan-sir!!marami po ang nagaabang sa iyong kasagutan hingil s katanungan ni Ms. Ramero.

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in OFW (118 of 204 articles)