Migrante

Pinoy napatay sa Iran


Dubai – Nanawagan ang Migrante-UAE sa Embahada ng Pilipinas sa UAE (United Arab Emirates) na tingnan ang kondisyon ng mga Pinoy sa Isla ng Kish sa Iran matapos mapatay ang isang OFW na nagtungo sa naturang isla galing Dubai para magpalit ng visa. Napatay noong Hulyo 1 si Mark Lloyd Carmen, 24, matapos saksakin ng […]

Mark Lloyd Carmen, OFW na namatay sa Kish Island. Kasama niya sa litratong ito ang kanyang pamilyang iniwan sa General Santos City. (Contributed Photo)
Mark Lloyd Carmen, OFW na namatay sa Kish Island. Kasama niya sa litratong ito ang kanyang pamilya sa General Santos City. (Contributed Photo)

Dubai – Nanawagan ang Migrante-UAE sa Embahada ng Pilipinas sa UAE (United Arab Emirates) na tingnan ang kondisyon ng mga Pinoy sa Isla ng Kish sa Iran matapos mapatay ang isang OFW na nagtungo sa naturang isla galing Dubai para magpalit ng visa.

Napatay noong Hulyo 1 si Mark Lloyd Carmen, 24, matapos saksakin ng isang Sudanese dahil sa alitan.

Ayon sa tiyahin ni Mark na si Estela Gonzaga, nagtungo si Mark sa Kish noong Hunyo 11 para maghintay ng panibagong tourist visa para makapasok muli ng UAE at makapaghanap ng trabaho. Nawalang-bisa na ang kanyang dalawang buwang tourist visa dahil sa kakahanap ng trabaho sa Abu Dhabi, kapitolyo ng UAE.

Sa ipinadala na email kay Ambassador Grace Relucio Princesa, sinabi ng Migrante-UAE na may obligasyon ang kanyang tanggapan na alamin ang kalagayan ng mga Pinoy sa Kish. Bagaman hindi na ito sakop ng UAE, karamihan – kundi man lahat – ng Pinoy na tumutungo sa Isla ay galing sa UAE.

Popular na destinasyon ng mga migranteng Pinoy ang Isla ng Kish kapag nawalang-bisa na ang kanilang tourist o residence visa. Kaysa bumalik ng Pilipinas, sa Kish, na may 198 kilometro lamang ang layo mula Dubai, na nila hihintayin ang kanilang bagong visa para makabalik ng UAE. Hindi kailangan ng visa para makapasok ng Kish.

“Hinihiling namin sa ating Embahada na bisitahin ang daan-daan nating kababayan sa Kish para sila mismo ang makasaksi sa hindi makataong kalagayan ng ating mga kababayan na nagsisisiksikan sa mga mumurahing hotel at nagtitiis ng gutom at diskriminasyon, at upang makapagmungkahi sila ng mga pamamaraan upang maiiwas ang ating mga kababayan sa diskriminasyon at anumang krimen,” ayon sa liham ng Migrante-UAE.

Samantala, dinala na sa isang morge sa Tehran, Iran ang bangkay ni Mark, pero walang katiyakan kung kailan ito maiuuwi ng Pilipinas. Inamin naman ng Sudanese na nakapatay sa kanya ang krimen.

May asawa’t dalawang anak si Mark, ang isa’y anim na buwang sanggol pa lamang. Nakatira ang kanyang pamilya sa General Santos City.

Ayon sa Migrante-UAE, hindi sana nanginbang-bayan at namatay ang mga Pilipinong katulad ni Mark kung may sapat lamang na hanapbuhay sa Pilipinas.