Diborsiyong ala-Pinoy


Patok sa balita ang hiwalayang Kris Aquino-James Yap. Marami ang nagtaasan ng kilay, marami ang haka-haka at katanungan. Ngunit sa likod ng pampublikong hiwalayang ito ang libu-libong mag-asawang nagkakahiwalay sa maraming dahilan. Panahon na ba na magkaroon ang Pilipinas ng batas hinggil sa diborsiyo?

Lalong pagtindi ng karahasan sa kababaihan, laluna sa konteksto ng mag-asawa, ang isa sa mga nagtulak sa Gabriela para muling pinanukala ang batas sa diborsiyo sa Pilipinas. (Macky Macaspac)
Lalong pagtindi ng karahasan sa kababaihan, laluna sa konteksto ng mag-asawa, ang isa sa mga nagtulak sa Gabriela para muling pinanukala ang batas sa diborsiyo sa Pilipinas. (Macky Macaspac)

Hindi lingid sa karamihan ng kababaihan ang sinapit nina Nida, Vienna at Arleen sa kani-kanilang mga relasyon.

Sekretarya ng isang kongresista, nakatira si Nida sa isang maralitang komunidad sa Quezon City. Sa matagal na panahon, biktima siya ng pang-aabuso ng kanyang pangalawang asawa. Noong Hunyo 2007, natagpuan ang bangkay ni Nida, nakasabit sa kisame at mukhang nagpakamatay. Ngunit sa kuwento ng kanyang anak, hindi nagpakamatay si Nida. Nakita umano ng bata kung paano bugbugin ng kanyang ama-amahan ang kanyang ina at ibigti upang palabasing nagpakamatay si Nida.

Guro naman sa isang pamantasan sa Pangasinan ang 40-anyos na si Vienna de Leon. Sampung taong nagsama sila ng asawa bago naghiwalaya. “Bago kami nagkahiwalay napansin ko unti-unti ang pagbabago di lang sa kilos, aktitud kundi sa pagtupad niya ng kanyang obligasyon sa aming mag-ina. Dumalang ang pag-uwi, lumiliit ang sahod na ibinibigay at lumalamig ang pakikitungo niya,” patungkol ni Vienna sa kanyang asawa.

Naghiwalay silang mag-asawa nang piliing sumama ng kanyang mister ang ibang babae.

Isang development worker naman si Arleen Alonzo, 53-anyos. “Nagkaroon ng relasyon sa ibang babae ang aking asawa. Mga dalawang taon akong umasa na magbabago siya pero pagkaraan ng dalawang taon, hindi na ako umasa na magkakabalikan pa kami,” ani Arleen. Nagtanung-tanong siya kung paano ang proseso ng annulment ngunit napag-alamang napakamahal nito.

“Hanggang ngayon, kasal pa rin ako, bagamat magkahiwalay ang tirahan at may kanya-kanya na kaming buhay,” dagdag pa niya.

Reyalidad sa maraming mag-aasawa ang paghihiwalay, may diborsiyo man o wala sa bansa. Masasabing natural na nagaganap na ito, anumang kultura, relihiyon o bansa matatagpuan ang relasyon. Katunayan, halos lahat ng mga gobyerno sa mundo ay may batas hinggil sa diborsiyo.

Ang wala na lamang batas sa diborsiyo: ang mga bansang Malta at Pilipinas.

Uminit na panukala

Sa ngayon, mainit ang baliktaktakan hinggil sa muling pagpanukala ng Gabriela Women’s Party, sa House Bill 1799 o ang batas sa diborsiyo.

Ito ang ikatlong pagkakataon na ipanukala ng Gabriela ang naturang batas: sa ika-13 Kongreso noong 2004, ipinanukala na ni dating Rep. Liza Maza ang HB 3461. Noong 2007, sa ika-14 Kongreso, muling inihain ni Maza ang panukala, pero di man lang nasalang sa anumang committee hearing.

Sa pagbubukas ng ika-15 Kongreso, naging usapin muli ang naturang panukala. Pero kasasalang pa lang, kabi-kabila na ang inabot na batikos ng kababaihang kongresista na nagpanukala ng batas. Maging si Pang. Benigno S. Aquino III, binatikos ang panukala at ikinumpara sa nagaganap sa Las Vegas, Nevada kung saan madalian ang proseso ng pagdidiborsiyo. Lumalabas na hindi pa niya nabasa ang panukalang batas ng Gabriela. (Basahin ang artikulo hinggil sa kasaysayan ng diborsiyo sa Pilipinas.)

Samantala, mariing tutol ang simbahang Katoliko sa HB 1799. Ang diborsiyo daw ng mag-asawa ang siyang sisira sa pundasyon ng pamilya at ng lipunan. Isinasangkalan ng Katolikong mga obispo na sagrado ang kasal, at bahagi ng mga sakramento ng simbahan na kailangang igalang ng mga Katoliko. Ang pagpapaliwanag nila sa usaping diborsiyo ay nagmumula sa mga doktrina ng simbahan.

Ngunit sinasabi ng Gabriela at iba pang tagasuporta ng panukala na hindi dapat doktrina ng relihiyon kundi reyalidad ang dapat na maging batayan ng pagkakaroon ng diborsiyo sa bansa.

Tulad ng karanasan nina Nida, Vienna at Arleen, at iba pang babae, hindi basta-basta makawala ang maraming kababaihan sa isang mapang-abusong sitwasyon dahil hindi puwede ang diborsiyo. Ayon sa Gabriela, nagagamit ng marami sa kababaihan ang batas sa diborsiyo bilang sandata laban sa pang-aabuso, pisikal man o emosyonal.

Ipinaliwanag naman ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan na pinag-aralan nila ang pagbubuo ng HB 1799 para di ito magamit ng mga mag-asawang maghihiwalay sa mababaw na dahilan. Hindi umano pumapayag ang batas na ito sa diborsiyong walang batayan, tulad sa batas na ipinapatupad sa Las Vegas.

“Ang batas na ito ay maingat na binuo upang magkaroon ng konsiderasyon ang paniniwala at tradisyong Pilipino, na nagbibigay ng mataas na pagkilala sa pamilya bilang isang institusiyon,” paliwanag ni Ilagan. Dagdag pa ng kongresista na hindi papayagan sa batas ang mga mag-asawa na magpakasal ngayon at bukas ay magdidiborsiyo.

“Ang HB 1799 ay divorce, Pinoy-style,” ani Ilagan.

Di tulad nina James Yap at Kris Aquino ang mayorya ng mga mag-asawa sa bansa, na kayang suungin ang malaking gastos ng annulment.
Di tulad nina James Yap at Kris Aquino ang mayorya ng mga mag-asawa sa bansa, na kayang suungin ang malaking gastos ng annulment.

Dumaraming bilang ng naghihiwalay

Mula nang pumutok ang isyu ng panukalang batas, dumami ang bilang ng kababaihang nagtatanong sa kanila hinggil sa proseso ng pagdidiborsiyo, ayon sa Gabriela. Di pa kasama dito ang kababaihang humihingi ng tulong-legal sa mga kasong pang-aabusong pisikal at emosyonal, pag-aabandona at panggagahasa.

Sa tala ng Office of the Solicitor General (OSG) noong 2007, aabot sa 800 kaso ng annulment at legal separation kada buwan ang naisasampa sa korte.

Sa Metro Manila pa lamang, may 2,548 kaso na ang naisampa mula Enero hanggang Setyembre ng 2007. At mula 2001 hanggang 2007, nakatanggap ang OSG ng 43,617 kaso ng annulment at legal separation. Sa tala pa ng OSG, Katoliko ang isa o pareho sa mag-asawa sa 92% ng kaso. Umabot sa 8% lamang ang mula sa ibang relihiyon. Kababaihan ang nagsampa ng annulment sa 61% ng mga kaso.

Sa palagay ng Gabriela, dumami ang mga kaso ng annulment o legal separation na isininasampa dahil dumarami rin ang kaso ng pang-aabuso sa kababaihan. Noong 2009, aabot sa 19,000 kababaihan ang biktima ng karahasan sa loob ng pamilya (marital violence). Sa iba’t ibang porma ng karahasan sa kababaihan, pinakamataas ang pambubugbog ng asawa (wife battery) na may 6,783 o 72%, ayon sa Philippine National Police (PNP). Maging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapagtala ng 1,993 ng kaparehong kaso. Sa mga nakaraang ulat ng PNP, aabot sa tatlo mula sa sampung salarin ng karahasan sa kababaihan ay mga asawa ng mga biktima.

Maaaring konserbatibo pa ang datos na ito, ayon sa Gabriela. Marami kasing kababaihan ang pinipiling manatiling tahimik at tiisin ang kalagayan upang panatilihing buo ang pamilya at makaiwas sa eskandalo, kahihiyan at pagkadungis (stigma).

Agam-agam at pag-asa

 

Makakatulong ang HB 1799 sa maraming kababaihang nagnanais na lumabas sa mapang-abusong relasyon. Ngunit kuwento ni Lisa (di-tunay na ngalan), isang organisador ng kababaihan sa maralitang komunidad, marami sa hanay ng mga maralita ay nagsasamang hindi kasal. Marami rin ang paiba-iba ang asawa.

Nag-aalala si Lisa na di maging abot-kaya ang diborsiyo sa mga maralita. Hindi rin saklaw nito ang nagsasama nang walang basbas ng gobyerno bilang mag-asawa, o live-in partners.

Iyon namang ilang may karanasan sa diborsiyo sa ibang bansa, may agam-agam na magkaroon ng diborsiyo sa Pilipinas. Isa na rito si Aleta Kuruzawa (di-tunay na pangalan), 50-anyos na nakapag-asawa ng isang Hapones.

Bagamat dumaan silang mag-asawa sa prosesong diborsiyo sa bansang Hapon, di niya tiyak kung puwede ang diborsyo sa Pilipinas. “Sa aking pananaw, hindi ako pabor sa divorce dahil parang napaka-one-sided nito. Sabihin lang na wala nang pagmamahal ’yung isa kaya gusto niyang idiborsiyo ang kanyang asawa. Pero ang totoo ay mayroon siyang ibang gustong pakasalan,” ani Aleta.

May agam-agam si Aleta dahil masalimuot ang pinagdaanan niya sa kanyang asawang Hapones.

Matapos nilang magpakasal sa Pilipinas, hindi ipinarehistro ng asawang Hapones ang kanilang kasal sa Japan. Kinailangan pang pumunta ni Aleta sa Japan bilang turista nang dalawang beses. “(Kalauna’y) magkaroon siya ng ibang babae (o mga babae) na pinag-aawayan namin dahil mas nabibigyan pa niya ng pinansiyal, materyal at panahon ang mga babae niya samantalang ako ay tinitipid nya sa lahat ng bagay,” pagsasalaysay ni Aleta.

Naparehistro ni Aleta ang kasal sa Japan noong 2003, pero mabilis din siyang diniborsiyo ng asawa.

“Na-divorce niya ako kahit walang hearing o pag-uusap na nangyari. Sumulat lang siya sa attorney na nag-handle ng aming kaso at hiniling nya na magbibigay soya ng alimony sa akin sa sandaling pirmahan ko ang divorce paper,” aniya.

Ngunit ayon nga sa mga tagapanguna ng divorce bill, istrikto at may mga mabibigat na kondisyon lamang ang pinapayagang magdiborsiyo. “(Sa panukalang divorce law,) hindi ibibigay ang diborsiyo sa sinumang magkapareha o indibiwal dahil lamang sa kapritso nila,” paliwanag ni Ilagan.

Sasaklawin ng diborsiyo sa HB 1799 ang sumusunod: (1) Ang mag-asawa ay legal na magkahiwalay sa loob ng dalawang taon; (2) Anumang batayan sa legal na paghihiwalay at nagdudulot ng di-maayos at pagkawasak ng relasyong mag-asawa;(3) Kung ang isa o kaya ay parehong mag-asawa ay psychologically incapacitated o di kaya ng sikolohikal na katayuan na gumampan ng obligasyon sa pag-aasawa; (4) Kung ang mag-asawa ay nagdudurusa mula sa di-pagkakaunawaan na nagreresulta sa pagkawasak ng relasyong mag-asawa.

Nakasaad din sa HB 1799 na magiging pantay ang paghahati sa ari-arian ng mag-asawa. At kung walang pagkakakitaan ang isa sa kanila, sa loob ng isang takdang panahon ay susuportahan at tutulungan siya ng may kakayanan sa kanila hanggang magkaroon siya ng hanapbuhay. Ang mga anak ay hindi magiging illegitimate, at maging ang desisyon para sa kustodiya ng mga menor-de-edad na mga anak ay itatakda sa prinsipyong “best interest of the child.

Lubhang napakasalimuot at kontrobersiyal ng panukalang batas hinggil sa diborsiyo. Ngunit kung idadaan ito sa wasto at tamang diskusyon at palitan ng impormasyon, ang mga katulad ni Vienna, Arleen na matagal nang hiwalay sa kanilang mga asawa ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay nang tahimik at maka-pagpanibagong relasyon muli.

Maging si Aleta na mayroong reserbasyon sa usaping ito ay maaaring maliwanagan sa “Pinoy-style divorce.”