Pasintabi

‘Inception’ at kontrol ng panaginip


Matapos ng halos isang buwan, saka ko lamang napanood ang Inception (2010), ang sci-fi na pelikula ni Christopher Nolan at pinagbidahan ni Leonardo Dicaprio. Boxoffice hit ang pelikula ng ilang linggo, at lahat ng kakilala ko ay pinupuri ang pelikula. Ito ang pressure sa panonood ng pelikula. Kailangang mapanood nang kabilang sa usap-usapan hinggil sa pelikula. Kundi, outsider ang turing, loser at di hip.

Matapos ng halos isang buwan, saka ko lamang napanood ang Inception (2010), ang sci-fi na pelikula ni Christopher Nolan at pinagbidahan ni Leonardo Dicaprio.  Boxoffice hit ang pelikula ng ilang linggo, at lahat ng kakilala ko ay pinupuri ang pelikula.  Ito ang pressure sa panonood ng pelikula.  Kailangang mapanood nang kabilang sa usap-usapan hinggil sa pelikula.  Kundi, outsider ang turing, loser at di hip.

Ang pelikula ay kwento ng isang team na pinangungunahan ni Dom (Dicaprio) na kayang kumontrol sa panaginip ng iba.  Ang challenge ng mayamang Hapong negosyante kay Dom ay magpunla ng ideang biyakin ng heredero ng kalabang kompanya para sa kontrol ng enerhiya ng mundo.

Dahil gustong makabalik ni Dom sa kanyang mga anak—matapos magpatiwakal ng kanyang asawang kasabwat din sa adbentura sa panaginip—sumang-ayon ito sa negosyante.  Nagbuo ng bagong team na kinabilangan din ng mismong negosyante para matiyak ang kontrol sa proyekto.  Sa 10 oras na biyahe sa eroplano isinagawa ang plano nang magbiyahe ang heredero nang mamatay ang kanyang ama.

Sabwatan ng negosyo at individual na mersenaryo ang isinasaad ng Inception.  Kayang mamili ng kapitalista ng trabahador na magtataguyod ng kanyang interes.  At mayroon din namang mersenaryong handang isanla ang kanilang kaluluwa—hindi lamang para sa pera—kundi para sa pangako ng historikal na ligaya (ang reunion ni Dom sa kanyang mga anak).

Maging ang negosyante ay may pangako ng historikal na ligaya:  ang kontrol ng negosyo ng enerhiya sa buong mundo.  At sa adbentura ng panaginip, may nilulutas na problema rin ng individual.  Sa pagpunla ng ideang ikalat ang negosyo ng heredero, isinasaad din nito ang pagpaslang sa idea ng otoridad ng kanyang ama, ang natural na rekurso ng kanyang subhetismo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng sariling negosyo hiwalay at di-hiwalay sa kanyang ama.

Si Dom ay pumalaot din sa panaginip na may sariling individualistang proyektong itinataguyod:  ang pagpapatawad sa sarili dahil sa revelasyong siya pala ang nagtanim sa isip ng kanyang asawa na mas maganda ang realidad ng panaginip kaysa sa tunay at historikal.  At ito ang makabagong kolonisasyong isinasaad ng Inception:  ang kapitalismong proyekto ng kolonisasyon ng di-kamalayan (unconscious).

Nakakapagpunla ng bagong idea sa kaibuturan nitong di-kamalayan.  Mas malalim, mas may katiyakang magtagumpay na akuin ng tao ang bagong idea, gawin itong nanggaling sa kanya kahit nga artifisyal ang pagkalugar ng idea.  Kapag nagtagumpay ang pagpupunla, nagiging bahagi ng pagkatao itong bagong idea.

Maze ang struktura ng di-kamalayan, pero kahit pala itong maze ay likha lamang ng team para makapagsiwalat ng bagong idea.  Mas malalim ang pasok ng team, halimbawa sa loob ng panaginip sa loob ng panaginip, mas may kapangyarihang makapagmanipula ng kaisipan.  Sa katunayan, sa pelikula, apat na lalim ng panaginip sa loob ng panaginip ang isiniwalat.

At ito ang kontrol sa panaginip.  Akala ng nananaginip ay kanya ang panaginip niya gayong ito pala ay predetermined na para sa kanya.  Periodiko ko tinatanong ang estudyante kung ano ang nais nilang gadget na mabili sa susunod na taon kapag sila ay nagkaroon ng pagkakataon.  Ang mga sagot nila ay Mac Pro, Iphone, Ipad, Ipod, SLR na camera, at iba pang pawang branded na mga produkto.

Hindi kakatwa ito sa dalawang antas.  Una, hindi natatangi ang pangarap, katumbas ito ng global na pagnanasa ng mga kabataan umaasinta sa higit pang kosmopolitanismo at urbanismo.  Ikalawa, ang branding ay ang tagumpay ng negosyo na i-franchise ang global na pangarap—gawin itong kanasa-nasa na handa ang mamimili at mamamayan na pagkagastusan ito sa labis na halaga.

May buy-one-take-two na hamburger pero McDo ang preferensya.  May regular na netbook o assembled na desktop, pero Mac ang preferensya.  Mas mura ang nauna, sobrang mahal sa aktwal nitong halaga ang huli.  Ang kaibhan, mas matagumpay ang pagbebenta ng naratibo ng higit na pagiging global na (konsumeristang) mamamayan ng huli.

May eksena sa Inception na sinabi ni Dom sa kanyang asawa sa ikaapat na antas ng panaginip na ito ay hindi perfekto, isang pilas lamang sa tunay na asawa, at higit sa lahat na si Dom lamang ang umakda nito.  At ito ang distinksyon ng kapitalista sa mamimili:  na ang una ang umaakda ng huli, at sa pagtagumpayan ng huli, inaako ng una ang inakda (brand) bilang sarili ng huli.

Kung magpakaganito, ito naman ang tagumpay ng panaginip sa aktwal:  na mas gusto nating nakahimlay at nananaginip—kundi man gising pero nananaginip pa rin—kaysa sa historikal na realidad na kinasasangkutan natin.  Tulad ng pelikula, malling at iba pang kulturang popular na karanasan—binibili imbis na simpleng tinatangkilik lamang–inaako ang panaginip kaysa tunay bilang mas matimbang na katotohanan.