Sa Ramadan, OFW sa UAE nagpapapirma laban sa e-passport

Isa si Inshira Hadji Taob, pangkalahatang-kalihim ng Bangsa Moro Labour Organisation, sa mga pumirma sa petisyon na inilunsad ng Migrante-UAE kontra sa mataas na presyo ng e-passport sa Karama, Dubai, UAE. (Nhel Morona)
Dubai – Sa isang signature campaign na sinimulan ngayong Ramadan, target ng grupo ng mga migrante sa United Arab Emirates (UAE) na makakalap ng 100,000 lagda bilang pagtutol sa pagtaas sa bayarin sa e-passport at para paimbestigahan ang umano’y korupsiyon ni Sek. Alberto Romulo ng DFA (Department of Foreign Affairs).
Nag-iikot ang mga kasapi ng Migrante-UAE sa mga bahay-bahay, industrial area, restoran, entertainment center, mall, simbahan at kung saan pang may malaking konsentrasyon ng mga Pinoy para magpaliwanag at kumalap ng mga pirma. Naglunsad din sila ng isang online petition signing.
“Dagdag-pabigat lalo na ngayong panahon ng krisis ang mataas na singil sa e-passport. Hindi ito makatuwiran dahil pilit na ipinapasa sa mga mamamayan ang gastusing dapat lamang na karguhin ng gobyerno,” ayon sa petisyon ng Migrante.
Kinuwestiyon din ng naturang grupo bakit kailangang magtaas ng singil para sa e-passport gayong may nakalaan naman umanong pondo ang gobyerno para rito.
Batay sa pambansang badyet ngayong taon, naglaan ang gobyerno ng P1.4 Bilyon sa DFA para sa implementasyon ng proyektong e-passport, labas pa sa P530 Milyong inutang ni Romulo sa Development Bank of the Philippines para sa pagpapagawa ng bagong gusali at mga pasilidad sa Mall of Asia para sa proyektong ito.
Ayon kay Yuri Cipriano, tagapangulo ng Migrante-UAE, kuwestiyonable rin umano ang magkakaibang presyo ng e-passport sa 82 Embahada at Konsulado ng Pilipinas sa buong mundo. Mas mataas umano ang singil sa mga bansang may malalaking bilang ng mga OFW tulad ng US, UAE at Hongkong.
Inabot ng P3,000 (240 dirhams) ang singil ng bagong e-passport sa UAE, mas mataas ito ng P2,050 (164 dirhams) sa Php950 (76 dirhams) presyo nito kung kukunin sa Pilipinas. Sa US, umabot naman ito ng P5,000 (400 dirhams)
Kaugnay nito nanawagan si Cipriano na ipaliwanag ng DFA at ni Phil. Ambassador Grace Relucio-Princesa anu-ano ang mga dahilan sa mataas at magkakaibang presyo ng e-passport.
“Kailangan magkaroon ng transparency sa presyo kung hindi malinaw na isa lang e-kotong ang e-passport,” ani Cipriano.
Hinamon din ni Cipriano ang bagong administrasyong Aquino na patunayang laban ito sa katiwalian sa gobyerno. Aniya, kailangang masusing imbestigahan ang DFA at si Romulo sa isyu ng e-passport.
Isusumite ng Migrante-UAE ang mga nakalap nitong pirma sa pambansang tanggapan ng Migrante-International sa Agosto 23, kaalinsabay ng isasagawang protesta sa tanggapan ng DFA sa Maynila.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8826














[...] This post was mentioned on Twitter by DubaiVIP, pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: Sa Ramadan, OFW sa UAE nagpapapirma laban sa e-passport http://bit.ly/cEm9EJ [...]