Kapirasong Kritika

Alex Remollino: Makata mula sa Malayo


(1) Hindi kami personal na magkakilala ni Alexander Martin Remollino, makabayang manunulat at makata. Hindi ko alam, bagamat may ilang pagkakataong nagkasama kami sa pulong o aktibidad, hindi kami personal na naipakilala sa isa’t isa. Pero kilala ko siya, syempre, dahil nakikita ko ang pangalan niya sa mga tula at sanaysay na umiikot sa mga sirkulong aktibista. Tapos nakikita ko siya – matangkad, mahaba ang buhok, parang laging may gustong sabihin – sa maraming pagkakataon. Syempre pa, mataba siya noon. Nitong huli’y pumayat siya nang napakabilis. At dahil hindi naman ako taong mapanghusga, naisip ko lang na siguro’y nagdodroga siya. Iyun pala, iba na.

(1) Hindi kami personal na magkakilala ni Alexander Martin Remollino, makabayang manunulat at makata. Hindi ko alam, bagamat may ilang pagkakataong nagkasama kami sa pulong o aktibidad, hindi kami personal na naipakilala sa isa’t isa. Pero kilala ko siya, syempre, dahil nakikita ko ang pangalan niya sa mga tula at sanaysay na umiikot sa mga sirkulong aktibista. Tapos nakikita ko siya – matangkad, mahaba ang buhok, parang laging may gustong sabihin – sa maraming pagkakataon. Syempre pa, mataba siya noon. Nitong huli’y pumayat siya nang napakabilis. At dahil hindi naman ako taong mapanghusga, naisip ko lang na siguro’y nagdodroga siya. Iyun pala, iba na.

(2) Itinatangi ng mga aktibista ang mga makata nila. Sa mga pormal na pagtitipon at kahit sa mga rali, bihirang walang pagsalitaing makata o basahing tula. Sa mga usap-usapan, pulong, pag-aaral at parangal, may mga taludtod na laging nababanggit:

“Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal”
Awakened, the masses are Messiah
“Ang pagiging babae ay pamumuhay sa panahon ng digma”
“Hindi ito kabaliwan, kundi katapusan ng kabaliwan”
”Ang gerilya ay tulad ng makata”
“Sa iyong katauhan, maliwanag ang tala ng rebolusyon”

Bayan kasi tayong mahilig sa mga kanta at himig ng mga salita. Mga mananalig kasi tayong naniniwalang nakakapagbago at nakakapagpatatag ng kalooban ang salita ng Diyos. Kapit-bahay kasi tayong mahilig sa kwento-kwento at balita. Kilusan kasi tayong ibayong nagpapahalaga sa linya sa iba’t ibang usapin at sa paghawi sa panlilinlang ng mga naghahari. At ang mga makata, sila ang ating mga mang-aawit, mangangaral, tagapagbalita, edukador at lider-masa – silang sa atin ang kung ano tayo sa bayan. Katulad ng ibang likhang sining na angkop sa mga lugar ng mahihirap, walang gaanong instrumento ang kailangan sa pagtula – tulad ng ginagawa ng mga aktibista.

(3) Noong 1966, tinanong si Hen. Vo Nguyen Giap ng Vietnam tungkol sa “mga thesis na Amerikano” na nagsasabing maipapanalo ng US ang gera sa Timog Vietnam sa pagparalisa sa isang pier at pagwasak sa potensyal ng ekonomiya ng Hilaga. Ang sagot niya: “Hindi mga ‘thesis’ ang kulang sa estratehiyang Amerikano… Ito lang ang wastong thesis: gerang agresyon ang gerang inilulunsad ngayon ng gobyerno ng US sa Timog Vietnam, gera ng neokolonyal na agresyon. Nagsusulong ang mga mamamayan sa Timog Vietnam ng lehitimong depensa para tiyakin ang mga karapatang pambansa nila… Makatarungan ang aming digma ng pagpapalaya. Magtatagumpay kami.”

(4) Mula sa malayo, mukhang masipag na makata, manunulat at aktibista si Alex. Kahit ang mga nakasama niya sa gawain, ganito rin ang sinasabi. Masayang katrabaho rin daw. Sa paksa at nilalaman ng kanyang mga sulatin, malinaw ang pagsisikap niyang masapul at mailahad ang pinakamatalas na pagsusuri. Sa porma at himig ng mga ito, malinaw ang pagsisikap niyang mang-antig at magpakilos ng kapwa at kasama. Hindi ko man personal na nakilala si Alex, alam kong ganitong klase siya ng aktibista. Ang tahimik niyang presensya, at ng maraming iba pa, ay nagbibigay-katiyakan na patuloy ang pagpupunyagi ng mga kasama, magkakilala man o hindi, para sa paglaya ng bayan.

(5) Nagulat siya sa balita. Nasa bahay na siya nang mabasa niya ang text, sinuong ang malakas na ulan ng gabing iyun. Galing ito sa kaibigang nasa poetry reading na fund-raising activity para sa pagpapagamot sa makata. Galing din siya sa doon, may inabot sa isang kaibigan at ipinaabot sa isa pa. Hindi siya pumasok dahil tila masikip ang lugar at wala naman siyang pandonasyon. Sa labas, dinig na dinig ang boses ng mga bumabasa ng tula. Lumalakas na raw si Alex. Natawa pa siya: hot, kumbaga, ang pinagdausan ng aktibidad habang cool na cool ang katapat nitong sosyal na kapihan. Ano pa’t nangagsitahimik daw nang matagal ang maiingay noong inanunsyo ang pagpanaw…

06 Setyembre 2010