Husgahan Natin

Pag-aapela nang wala sa panahon


Marami sa mga kaso ng manggagawa ang natatalo dahil sa teknikalidad. Ibig sabihin, maaaring may laban ang mga kasong ito ngunit dahil sa hindi pagsunod sa tamang proseso, ang mga kasong ito ay natatalo at tuluyan nang nawawalang-bisa.

Marami sa mga kaso ng manggagawa ang natatalo dahil sa teknikalidad. Ibig  sabihin, maaaring may laban ang mga kasong ito ngunit dahil sa hindi pagsunod sa tamang proseso, ang mga kasong ito ay natatalo at tuluyan nang nawawalang-bisa.

Isa sa mga teknikalidad na maging sanhi ng tuluyang pagkatalo ay ang hindi pagsunod sa patakaran ng pag-apela. Ang kasong “Elpidio Calipay vs. National Labor Relations Commission, et. al.” (G.R. No. 166411) na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Agosto 3, 2010  ay naglalarawan sa bagay na ito.

Manggagawa sina  Elpidio sa isang kompanya. Isang araw, tinanggal sila sa kanilang mga  trabaho. Nagsampa sila ng demandang illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter. Sinamahan nila  ito ng underpayment of wages, unfair labor practice, at iba pang money claims.

Sa kasamaang palad, hindi nakumbinsi ang Labor Arbiter. Mas pinaniwalaan niya ang kuwento ng kompanya na nag-AWOL (Absence Without Official Leave) itong sina  Elpidio kung kaya sila tinanggal. Binasura ng Labor Arbiter ang kaso nina Elpidio.

Ayon sa batas, may sampung araw mula sa pagkatanggap ng desisyon ng  kanilang abogado para mag-apela sina Elpidio sa National Labor Relations Commission (NLRC) . Ngunit sa kasamaang palad, imbes na gawin ang kanilang apela,  nag-withraw sa kaso ang abogado nina Elpidio. Dahil dito, naghanap ng ibang abogado sina Elpidio. Nagawa ang kanilang apela, ngunit lampas na ang sampung araw na iniutos ng batas.

Pagdating sa NLRC, talo pa rin ang kaso nina Elpidio. Isa sa mga dahilan ng NLRC ang hindi nila pag-apela ng kanilang kaso sa tamang oras. Pumunta sa Court of Appeals sina Elpidio ngunit sinang-ayunan ng husgadong ito ang NLRC. Napilitang iakyat nina Elpidio ang kaso sa Korte Suprema.

Nilinaw ng Korte Suprema na ang karapatang mag-apela ay isang karapatang hindi nanggaling sa Konstitusyon kundi ibinibigay ng karaniwang batas. Dahil dito, dapat  tuparin nang mahigpit ang anumang alituntunin na hinihingi ng batas tungkol sa bagay na ito. Hindi ito dapat maliitin lamang sa dahilang ito ay simpleng teknikalidad. Bagkus, dapat maging maingat sa pagsunod rito ang isang panig kung nais niyang pagbigyan ng hukuman ang kanyang apela. Isipin natin, sabi ng Korte Suprema, na ang alituntunin na hinihingi ng batas tungkol sa pag-aapela ay kailangan para sa maayos na pagtakbo ng hukuman. Ang pagsunod rito ay mahigpit na inaasahan ng husgado.

Sa kaso nina Elpidio, napansin ng Korte Suprema na ang pag-alis ng kanilang abogado ay dahil sa dahilang nais nina Elpidio na kumuha ng serbisyo ng iba. Kagustuhan nila ito. Sa katunayan, lumagda sina Elpidio na sinasang-ayunan nila ang pag-alis ng kanilang abogado. Kaya, kung hindi man nagawa sa tamang panahon ang apela nina Elpidio, walang maaaring sisihin dito kundi sila lamang. Hindi maaaring luwagan ang alituntunin ng batas dahil sa kapabayaan nina Elpidio.

Binasura ng Korte Suprema ang kaso nina Elpidio.