Pakikiisa, pakikisangkot


Rebyu ng dulang “My Name is Rachel Corrie”
Isinadula ng New Voice Company
Tampok si Monique Wilson
Dinirehe ni Rito Asilo
Music Museum, Setyembre 3-4, 2010

Monique Wilson, bilang Rachel Corrie (Mula sa FB page ng New Voice Company)
Monique Wilson, bilang Rachel Corrie (Mula sa FB page ng New Voice Company)

Rebyu ng dulang My Name is Rachel Corrie
Isinadula ng New Voice Company
Tampok si Monique Wilson
Dinirehe ni Rito Asilo
Music Museum, Setyembre 3-4, 2010

Magulo, madilim at masikip ang kuwarto ni Rachel. Paggising sa umaga, nakatingala sa kisame. Parang sinusukluban siya nito. Pinipigilang kumilos, hinaharangan ang paglipad. Gusto niyang lumipad. Kalagitnaan ng kanyang maikling buhay, nakawala rin si Rachel. Nakarating sa Rusya at nakita ang malawak na mundo. “Nagising din ako. Habambuhay nang gising,” sabi niya. Nagbago ang buhay niya, ang pananaw sa mundo at paglahok dito.

Sa kanyang ika-23 taon, nahimok si Rachel na tumungo sa bansang Palestine sa Gitnang Silangan, bilang bahagi ng isang “nonviolent, direct action group” na International Solidarity Movement (ISM) na naikiisa sa di-marahas na paglaban ng mga mamamayang Palestino laban sa okupasyon ng armadong puwersa ng Israel. Malayo sa kanyang tahanan ngunit taglay ang diwa ng pakikipagkapwa-tao at paghangad ng hustisya, naging kaibigan ni Rachel ang mga Palestino. Kabilang siya sa mga dayuhang humaharang sa mga bulldozer ng Israel Defense Forces (IDF) na nagdedemolis ng bahay ng mga Palestino.

“Minsan, kasabay kong maghapunan ang mga tao, at naisip kong may malaking makinang militar na pumapalibot sa amin, nagtatangkang patayin ang mga taong kasalo ko sa hapunan,” ani Rachel. Isang araw, sa pagharang sa bulldozer ng Israel na naglalayong wasakin ang isa sa bahay ng mga Palestino, sinapit ni Rachel ang kanyang kamatayan. Tulad ng kanyang kisame, sinukluban si Rachel ng makinang militar. Inipit, dinurog, kinaladkad.

Ako si Rachel

Sa imahe ng pagsuklob at pagsupil nagsimula at nagtapos ang dula (o mas angkop na tawaging monologo) na My Name is Rachel Corrie. Ibinatay sa mga sulatin, kabilang ang emails, journals at liham, ng Amerikanong aktibistang si Rachel Corrie mula sa Olympia, Washington, at hinabi para maging dula ng sikat na Ingles na aktor na si Alan Rickman at mamamahayag na si Katharine Viner noong 2005, tema ng dula ang paglaya sa isip at pagkatao ng isang bata, ang pagkamulat niya sa mundo at sa reyalidad nito, at ang paglahok niya at pag-alay ng buhay.

Hindi naman bago ang naratibong ito: Katunayan ito ang naratibo ng kabayanihan at pagkamartir. Batbat ang ating kasaysayan ng mga martir na nag-alay ng buhay para sa paninindigang mas malaki sa kanila, para sa kapakanang higit sa sarili nila. Batbat nito kahit ang rebolusyonaryong mga kilusan – nakaraan at kasalukuyan – sa bansa. Ang bago, marahil, ay ang pagbibigay-katawan ng isang kabataang babaing Amerikano sa naratibong ito. Isang 23-anyos na babaing Amerikano na tumahak sa landas ng pagkilala sa sarili at sa mundo. Isang kuwento na ayon kay Viner ay “di pangkaraniwan sa panahong ito.”

Sa panahon ng tumitinding konsyumerismo sa kabataang Amerikano, ng pagsamba sa relihiyon ng kapitalismo, paano nga naman nagiging karaniwan ang pagsasakripisyo sa sarili, ang pakikipagkapatiran sa mga mamamayan ng daigdig? Isang pambihirang kalidad ito sa isang Amerikano – kahit sa isang Pilipinong mula sa panggitnang uri.

Mas hahangaan pa ang karakter ni Rachel kung bibigyang pansin ang konteksto ng kinasangkutan niya. Walang kalaban-laban ang mga Palestino sa “ikaapat na pinakamalakas na puwersang militar sa mundo, na sinusuportahan ng tanging superpower (US).” Napahanga si Rachel sa mga Palestinong nagawa pang tanggapin siya sa kanilang mga tahanan sa kabila ng panganib sa kanilang buhay. “Dapat tayong ma-inspire ng mga mamamayang nagpapakitang kaya nilang maging mabait, matapang, mapagbigay, maganda at matatag sa kabila ng pinakamahihirap na kalagayan.”

Higit pa rito, nakita ni Rachel ang katuwiran sa paglaban, kahit sa armadong paglaban, sa mga pagkakataong walang opsiyon ang mga mamamayan. Sa sulat sa kanyang ina, sabi ni Rachel: “Kung masasakal ang buhay at kabuhayan ng sinuman sa atin, mamumuhay kasama ang mga bata sa isang sumisikip na lugar kung saan alam natin, dahil sa karanasan, na anumang oras, darating ang mga sundalo at tangke at bulldozer para wasakin ang mga greenhouse…palagay mo, di natin susubukang gumamit ng anumang marahas na paraan para protektahan kung ano man ang pira-pirasong natitira sa atin?”

Rachel Corrie (1979-2003)
Rachel Corrie (1979-2003)

Rachel at Monique: Paralelismo

Sa kabila ng pamilyaridad natin sa naratibo ng kabayanihan, kakaiba at kahanga-hanga ang My Name is Rachel Corrie. Kaalinsabay ng mismong kuwento ni Rachel ang naratibo rin ng isang aktres at artistang si Monique Wilson: Mistulang lumaki sa teatro, sumikat sa pagganap sa Miss Saigon, ngunit sa pagtakbo ng panaho’y makikitaan ng unti-unting pagyakap sa “seryoso,” makabuluhan at (sabihin na nating) pulitikal na mga tema sa kanyang mga isinasadula. Si Wilson at ang kanyang New Voice Company ang nagdala sa bansa ng The Vagina Monologues, isang pagtatanghal na papuri sa dangal at paglaban ng kababaihan sa harap ng pagsasamantala, diskriminasyon, at karahasan.

Ngunit sa pagdiriwang ng kanyang ika-30 taon sa pagtatanghal, tunay na kakaiba ang tinahak ni Wilson. Lantarang pulitikal ang dula, at pumapanig sa isang pananaw at paninindigan ukol sa sigalot sa Palestine. Buti na lang, wala sa Mindanao ang Palestine; hindi mararanasan ni Wilson ang naranasan ng mga mandudula’t arista sa New York sa US, Toronto sa Canada, at iba pang lugar, nang di rito payagan ang pagpapalabas ng dula dahil sa “mapanghati at kontra-Hudyong” tema nito.

Kahit pa. Kahanga-hanga ang tapang ni Wilson na isadula ang My Name is Rachel Corrie. Ginamit niya ang buong 30-taong karanasan niya sa teatro sa pagganap sa tanging karakter ng dula na si Rachel. Katangi-tangi ang Amerikanong accent ni Wilson, ngunit mas bukodtangi ang saklaw ng emosyong ipinakita ng artista bilang Rachel Corrie: ang ligaya ng pagkabata, ang self-consciousness ng pagiging aspiring na manunulat at intelektuwal, ang excitement sa pagtungtong sa bagong lupain, ang ngitngit sa pagkasaksi sa karahasan, ang takot sa kahihinatnan ng kanyang paglalakbay.

Saksi sa pagkamulat

Marahil, para sa maraming odyens, mahirap umupo sa mahigit isang oras ng monologo. Laluna’t kalahati nito’y monologo ng pagkamulat ng isang tinedyer sa mundo. Pero marahil dahil niyakap ni Wilson ang buong pagkatao ng persona – sa mga panayam, sinabi ng aktres ang matagal na niyang interes ang pulitika sa Gitnang Silangan – naging kaaliw-aliw ang pakikinig. Hindi siyempre nakasama na talagang mahusay na manunulat – espontanyo, katawa-tawa, personal – si Rachel Corrie.

Paminsan-minsang sinasabayan ng mga imahe ang monologo ni Rachel. Ngunit natapos ang monologo sa isang audio recording ng isang eyewitness sa malagim na sinapit ni Rachel noong Marso 16, 2003. Walang imahe, marahil, ang aangkop. Sa isip ng manonood, malinaw ang imahe ng pagkadurog ng katawan ni Rachel. Bilang dénouement, ipinalabas ang bidyo ng limang-taong gulang na Rachel, sa isang klase, marahil, nagtatalumpati hinggil sa dalisay niyang pagmamahal sa kapwa, hinggil sa hangarin niyang “matapos ang kagutuman sa taong 2000.”

Kakaiba ngang indibidwal si Rachel Corrie. Sa pamagat ng dula, maipapamalas na ang intensiyon ng mga mandudula na itangi si Rachel bilang bayani. Pero sa kabilang banda, pangkaraniwan siya. Karaniwang middle class, karaniwang kabataang Amerikano, karaniwang taong kumawala mula sa pagkasuklob ng kanyang kisame, ng kanyang tahanan, ng kanyang pamilya, ng kanyang bansa, upang makiisa at makisangkot.


Bidyo ng limang-taong gulang na si Rachel Corrie, ipinalabas sa dulo ng dula/monologong My Name is Rachel Corrie