Istorya ng Linggo

Magsasakang Pilipino, may dahilang mag-alsa


Nagtagpo sa Kamaynilaan ang mahigit 3,000 magsasaka na naglakbay mula sa iba’t ibang rehiyon para muling hilingin sa bagong rehimen ang luma nang hiling: Tunay na reporma sa lupa, hindi mapanlinlang na ekstensiyon ng CARP. Hustisya sa mga inapi’t inabuso, hindi pagpapanggap at pagpapabango ng bangong pangulo.

Ito ang unang “Lakbayan” sa ilalim ni Pang. Benigno Aquino III. Mula sila sa Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, Cagayan Valley, Ilocos, Bikol, at Negros. Sa loob ng apat na araw, naglakbay ang mga magsasaka—sumakay at naglakad nang milya-milya, mula sa kanilang mga bukirin tungo sa paanan ng Malakanyang. Walang bago sa kanilang sentrong panawagan: tunay na reporma sa lupa. Ang nagbago lamang, ang pangulong nabigong, muli, na ipatupad ito.

“Senor Haciendero” at “Peasant Enemy Number One” ang ilan sa naging mga katawagan nila kay Aquino sa Lakbayan. Umano’y dahil hindi tinatangka ng pangulo na ipamahagi sa mga magsasaka ang Hacienda Luisita ng sariling pamilya. Umano’y dahil patuloy na ipinapatupad nito ang mga polisiyang nagdudulot ng ibayong kawalang-lupa, pagsasamantala sa lakas-paggawa, pagpapalayas, at marahas na panunupil sa mga magsasaka. Umano’y dahil sinasandigan nito ang “huwad” na pinalawig na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), na pabor sa mga panginoong maylupa kaysa mga magsasaka.

Effigy ni Pang. Benigno Aquino III, sinunog ng mga magsasaka sa paanan ng Mendiola.
Effigy ni Pang. Benigno Aquino III, sinunog ng mga magsasaka sa paanan ng Mendiola.

Aktitud ni Aquino

“Ang naging aktitud ni Aquino sa isyu ng Hacienda Luisita ay naging modelo ng iba pang mga panginoong maylupa sa Timog Katagalugan para ipagkait ang repormang agraryo at mangamkam ng lupa,” sabi ni Nestor Villanueva, tagapagsalita ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) at lider na naka-base sa 7,100 ektaryang Hacienda Yulo sa Calamba, Laguna.

Tinukoy ni Villanueva na nananatiling kontrolado ng pamilyang Ayala-Zobel—na sumuporta sa kampanya noon ni Aquino—ang pinakamamalaking lupain sa rehiyon gaya ng 10,000 ektaryang Hacienda Zobel (Calatagan, Batangas), 8,650 ektaryang Hacienda Looc at 10,000 ektaryang tubuhan ni Don Pedro Roxas (Nasugbu, Batangas).

Kadugo naman ni Pangulong Aquino ang panginoong maylupang nangamkam sa katutubong lupain ng mga Dumagat sa Laiban, Rizal. Proyekto ng San Miguel Corporation, na pag-aari ng tiyuhin ng pangulo na si Eduardo “Danding” Cojuangco, ang pagtatayo ng Laiban Dam na sasakop sa 28,000 ektarya. Siyam na barangay ng mga Dumagat – o kabahayan at kabuhayan ng aabot sa 10,000 pamilya – ang nakaambang “palubugin” sa pagtayo ng naturang dam,

Tinututulan ng mga katutubong Dumagat ang pagtayo ng naturang dam. Kung kaya lumahok sila sa Lakbayan. “Ang ipinaglalaban namin yung karapatan sa lupa, sariling pagpapasya, at lupain ng mga ninuo sa aming lugar, ayon kay Benny Pipino, 50-anyos Dumagat sa Rizal na sumama sa Lakbayan. “Hindi kami papayag na palubugin ang aming lupaing ninuno.

Siyempre, kalahok din sa Lakbayan ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita, ang lupaing inaangkin ng pamilyang Cojuangco’t Aquino sa Tarlac. May malapit na ugnay ang asyendang ito sa pangulo: Dati na siyang nagsilbing hepe ng security ng asukarera’t nagsilbing tagapagsalita pa nga ng Hacienda Luisita Inc. noong panahon ng masaker sa mga nagwelgang manggagawang bukid noong 2004.

“Kahit na may bagyo na nakasentro (malapit sa lugar namin), kahit na mahirap ang aming dinaanang paglalakbay – ang target namin ay ipamukha sa pangulo na…wala sa kanyang patakaran ang mga magsasaka, at wala sa kanyang plano ang ipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita,” sabi naman ni Roger Mesa, 51 anyos na mula Luisita.

Paliwanag ng militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU): “Ang Lakbayan ang pinakamalinaw na pruweba na walang totoong pagbabagong ipinatupad si Aquino. Isa na naman itong pruweba na ang ilang siglo nang problema ng bansa hinggil sa lupa ay hindi pa nareresolba, at na kailangan ng pagbabagong mas totoo at kumprehensibo.”

Sumuporta ang mga manggagawa ng KMU sa Lakbayan, nakimartsa sa mga magsasaka sa iba’t ibang lugar na kanilang dinaanan, kabilang ang huling martsa patungong Mendiola.