Ika-37 anibersaryo ng masaker sa Mendiola, ginunita
Hinikayat ni Ronnie Manalo, secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na makiisa ang lahat sa laban ng mga magsasaka at iba pang usapin ng bayan.
Repormang agraryo at kapayapaan. Ito ang naging tampok na mga panawagan sa paggunita ng ika-37 na anibersaryo Mendiola Massacre nitong Ene. 22, 2024 sa isang multi-sektoral forum sa University of the Philippines Diliman sa Quezon City.
Sa forum na “Kamtin ang Kapayapaan, Tunay na Reporma sa Lupa Ipaglaban,” binigyang diin ang programang agraryo at pagpapaunlad sa kanayunan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reform (Caser) ng National Democratic Front of the Philippines bilang mahahalagang sangkap sa usapang pangkapayapaan.
“Ang paglaban natin para sa tunay na reporma sa lupa ay mahalagang salalayan ng pambansang industriyalisasyon at hakbang para sa tunay at pangmatagalan na kapayapaan,” ani Rafael Mariano, chairperson emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Idinikit naman ang panawagang ito sa mga salaysay ng mga magsasaka at manggagawang bukid hinggil sa kanilang mga daing, lalo na sa kawalan ng lupang sakahan.
Ayon kay Jenny Capa, isang magsasaka sa Norzagaray, Bulacan, at miyembro ng Sandigan ng mga Magsasaka sa San Mateo (Sama-Sama), nananatiling suliraranin ang panggigipit ng mga armadong goon na nagpapalayas sa kanila.
“Ang lupa namin ay hindi daw saklaw ng agrarian reform kaya ang aming mga bahay ang dinemolis nang walang court order,” sabi ni Capa. Giit pa niya, kasabwat ang kanilang alkalde dahil siya umano ang lumagda ng demolition order.
“Pinuntahan din kami ng higit 20 na mga [goon] na armado at inaaraw-araw at puwersahan kaming pinaalis at pinalabas sa aming mga bahay,” dagdag ni Capa.
Maliban kay Capa, nagbahagi rin ang ibang mga kalahok na pesante sa forum ng kanilang mga suliranin at mga isyu na binitbit din ng mga magsasakang nagwelga sa Mendiola noong 1987.
Hinikayat naman ni Ronnie Manalo, secretary general ng KMP, na makiisa ang lahat sa laban ng mga magsasaka at iba pang usapin ng bayan. Kasama na rito ang pagtutol sa Charter change na isinusulong ng ilang mga kongresista at pagsuporta sa usapang pangkapayapaan upang matapos na ang marahas na pakikipaglaban para sa lupa.
Ani Manalo, magpapatuloy ang labanan hangga’t walang maayos na reporma sa lupa.
Noong Ene. 22, 1987, nagmartsa ang libo-libong magsasaka patungo sana sa Malacañang upang makipagdiyalogo kay dating Pangulong Corazon Aquino hinggil sa reporma sa lupa at maayos na pagpapasahod.
Ngunit nang dumating ito sa Mendiola sa Maynila, hinarang ang mga magsasaka ng pulisya at nagpuwesto ng barikada.
Sumiklab ang tensiyon na nauwi sa pamamaril, pagsabog, at marahas na dispersal. Nasa 13 magsasakang walang laban ang pinatay sa walang habas na pamamaril ng pulisya.
Isang malagim na kabanata sa kilusang magsasaka ang Mendiola Massacre. Wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga pamilya ng mga biktima hanggang ngayon.