Panawagang palayain ang Morong 43 lumalakas

Si Judilyn Oliveros (kaliwa) at ang kanyang anak, at si Mecy Castro na kamakaila'y nanganak. Kapwa sila nasa hospital arrest sa Philippine General Hospital bilang nagpapasusong mga ina. (Kontribusyon)
Tatlong dating kalihim ng Department of Health (DOH) ang kabilang sa mahigit isandaang katao na lumagda sa isang bukas na liham na nananawagan ng kagyat na pagpapalaya sa mga mangagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43.
Nakasaad sa kanilang liham ang pagkilala sa kahalagahan ng gawain ng Morong 43, partikular sa kanilang serbisyo sa mga komunidad na salat o kulang ang serbisyong pangkalusugan. Binigyang-diin din ng liham na ang pag-aresto diumano sa Morong 43 ay naglagay sa panganib ng propesyon ng mga nasa gawaing pangkalusugan ganundin sa mga boluntir nila sa mga komunidad lalo na ang mga nasa malalayong lugar ng bansa.
Lumagda ang tatlong dating mga kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), ito ay sina dating Sek. Esperanza Cabral, Alberto Romualdez at Jaime Galvez Tan. Kasama din sa lumagda ang iba’t ibang lider ng mga organisasyong pangkalusugan sa loob at labas ng bansa.
“Para sa mga nasa propesyong kalusugan na nagnanais maglingkod sa kanayunan, ang insidente ay nakakakilabot. Hindi lamang materyal na kaalwanan ang isusuko ng isang piniling maglingkod sa mahihirap, maging buhay ay posible ding ibigay,” ayon sa liham.
“Nakikiisa kami sa mga lokal at pandaigdigang mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor sa panawagang itigil ang panunupil sa Morong 43, at ipagpatuloy ang pakikibaka para sa karapatan ng mga mamamayan sa kalusugan.”
Hinikayat din nila si Pangulong Aquino na maging totoo sa pangako nitong tunay na pagbabago, sa pamamagitan ng pagpapalaya sa Morong 43.
Malugod namang tinanggap ng Free the Morong 43 Alliance ay lumalawak na suporta upang kagyat na mapalaya ang mga bilanggong pulitikal. Ayon kay Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng grupo, “ Ipinapakita ng kaso ng Morong 43 na ito ay isang kolektibong isyu ng sektor pangkalusugan, at ang pag-atake sa sinumang miyembro nito ay pag-atake sa buong komunidad pangkalusugan,” aniya.
Kasama rin sa mga sa doktor na lumagda sina Dr. Teresita Irigo-Barcelo ng Philippine Nurses Association; Dr. Leah Paquiz ng Ang Nars; Dr. Alberto Roxas, dekano ng UP College of Medicine; Dr. Fernando Sanchez, executive director ng Association of Philippine Medical Colleges; at Dr. Reynaldo Lesaca, chair emeritus ng Health Alliance for Democracy na isang medical consultant sa National Kidney Transplant Institute.
Ikalawang nanay sa Morong 43, nanganak na
Maliban kay Judilyn Oliveros na nanganak noong Agosto, isa pang detinedong pulitikal na kasama sa Morong 43 ang nanganak kamakailan. Ayon sa grupong Free 43 Health Workers Alliance, nanganak sa Philippine General Hospital sa pamamagitan ng ceasarian section si Mercy Castro.
Sinabi ni Dr. Julie Caguiat na masaya ang grupo dahil sa kabila ng panunupil at panggigipit sa Morong 43, matiwasay na ipinanganak ni Castro ang isang sanggol na babae. Umaasa din ang mga manggagawang pangkalusugan na maiiwasan ni Castro ang bantang paghihiwalay nila ng kanyang anak.
Ayon pa sa grupo, dumaan umano sa isang maselang pagbubuntis si Castro dahil may sakit siya na hika. Diumano, dalawang beses ipinagkait na mga awtoridad ng piitan ang prenatal checkup niya habang nasa Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
“Matibay ang panawagan naming kagyat na palayain si Mercy Castro, hindi lang sa dahilang humanitarian bagkus sa dahilang matagal nang inhustisya sa kanya at sa buong Morong 43.” Ani Caguiat.
Sinabi pa ng grupo na nagbabalak sila ng legal na mga hakbang upang kagyat na mapalaya si Castro at makarekober ito at maalagaan ang kanyang bagong silang na sanggol.
“Inaasahan namin sa administrasyong Aquino at sa korte na bibigyang pagkilala ang katotohanan na kailangan ni Mercy Castro na makarekober at maalagan ang kanyang anak, tulad ni Judilyn Oliveros at kahit sa sinumang mga ina,” pahayag ng grupo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=10383













