Pagpabor ng Korte Suprema sa Human Security Act, kinondena


Mahigpit na tinututulan ng mga grupong pangkarapatang pantao ang pagpabor ng Korte Suprema sa kontrobersiyal na Human Security Act.

Sinunog ng mga miyembro ng mga grupong pangkarapatang pantao tulad ng Desaparecidos at Karapatan ang simbolo ng Human Security Act (dating tinaguriang "Anti-Terrorism Law") na idineklarang legal ng Korte Suprema ngunit ayon sa mga aktibista'y maaaring magamit laban sa mga tumutuligsa sa gobyerno. (Macky Macaspac)
Sinunog ng mga miyembro ng mga grupong pangkarapatang pantao tulad ng Desaparecidos at Karapatan ang simbolo ng Human Security Act (dating tinaguriang "Anti-Terrorism Law") na idineklarang legal ng Korte Suprema ngunit ayon sa mga aktibista'y maaaring magamit laban sa mga tumutuligsa sa gobyerno. (Macky Macaspac)

Mahigpit na tinututulan ng mga grupong pangkarapatang pantao ang pagpabor ng Korte Suprema sa kontrobersiyal na Human Security Act.

Nagprotesta sa  harapan ng Korte Suprema ang Hustisya, grupo ng mga biktima ng karapatang pantao, para ihayag ang anila’y paglelegalisa sa maaaring mga paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng naturang batas.

Sinabi ni Evan Hernandez, tagatipon ng Hustiya, na hindi dapat ikatuwiran ng Korte Suprema na wala pang nakakasuhan na aktibista sa ilalim ng Human Security Act para sabihing legal ito.

“Kahit sa kawalan ng batas o legal na deklarasyon ang Korte Suprema na ang CPP (Communist Party of the Philippines) at NPA (New People’s Army) ay lokal na teroristang grupo,  marami sa aming mga mahal sa buhay ang binansagang miyembro ng CPP at NPA. At ito ang ginamit upang bigyang katwiran ang mga pamamaslang sa kanila, gayundin ang sapilitang pagkawala, pagtortyur, pagbaldado at pagbilanggo,” aniya.

Noong nakaraang linggo, ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na naglalayong ideklara ang batas na labag sa Saligang Batas.  Sa botong 14-0 pabor sa Human Security Act, sinabi ng mga hukom na walang legal na katayuan ang mga petisyoner upang kuwestiyunin ang nasabing batas dahil walang sinuman sa kanila ang nasasampahan ng kaso sa ilalim ng batas.

Kabilang sa mga petisyoner laban sa pagpapatupad ng  HSA, ang mga grupong Southern Hemisphere Engagement Network, Inc.,  Kilusang Mayor Uno, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan),  Karapatan, Integrated Bar of the Philippines at Bayan-Timog Katagalugan.

Ayon sa Hustisya, ang deklarasyon ng Korte Suprema na wala pa sa ngayong nakakasuhan ay pagsasawalang bahala sa makatotohanang ulat hinggil sa mga pagpaslang at sapilitang pagkawala ng mga aktibista, at maging mga ordinaryong indibidwal.  Ayon kay Evan Hernanedez convenor ng Hustisya,

Dismayado din ang mga pamilya ng mga biktima dahil sa halip na pumabor  umano sa kanila ang desisyon ng Korte Suprema , isinantabi umano ng desisyon ang mga kaanak at biktimang matagal nang naghahanap ng katarungan.

Martsa ng Free the Morong 43 Alliance patungong Department of Justice. (Macky Macaspac)
Martsa ng Free the 43 Health Workers Alliance patungong Department of Justice. (Macky Macaspac)

Paglaya ng Morong 43 muling iginiit

Matapos ang iprotesta ang Human Security Act, nagmartsa  ang mga ito patungong Department of Justice upang pasalamatan si Sek. Leila de Lima ng naturang departamento sa maagap na pagrebyu at paglabas niya ng rekomendasyon hinggil sa kaso ng Morong 43.

Morong 43 ang mga manggagawang pangkalusugang inaresto ng mga sundalo sa Morong, Rizal at dinitine sa akusasyong nagsasagawa raw sila ng pagsasanay sa paggawa ng bomba nooong Pebrero ngayong taon. Sa loob ng piitan, naiulat na tinortyur ang Morong 43.

In pursuance of Pres. Benigno Simeon Aquino III’s pronouncement yesterday  on the Morong 43 case, taking note of your review that the warrant and evidence held against them are a ‘fruit of poisonous tree’ and he is leaving the case to the courts, we would like to reiterate our just demands for the speedy release of the illegally detained health workers,”  ayon sa sulat na ibinigay ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, sa DOJ.

Ayon naman sa Free the 43 Health Workers Alliance, ang pagwawasto diumano sa mga kamakalian sa pag-aresto sa “Morong 43” ay dapat humantong sa  pag-urong  sa kaso at walang kundisyong pagpapalaya sa Morong 43.

“Ang tahasang pag-amin ng pangulo at bilang commander-in-chief ng hukbong sandatahan, sa iregularidad ay nagpapatunay na inosente ang Morong 43 at ang patuloy na pagkakabilanggo nila ay labag sa batas,” ani Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng alyansa.

Idinagdag pa niyang kung ang mga nag-aklas na mga sundalo ay binigyang amnestiya ng pangulo, wala umanong dahilan si Pangulong Aquino na hindi iatras ang kaso ng Morong 43.

Inilinaw naman ni Evelyn Montes, asawa ni Dr. Alexis Montes na kabilang sa Morong 43, na hindi sila himihingi ng amnestiya, “hindi amnestiya ang hinihingi namin, inamin na mismo ni Noynoy ang irregularities sa pag-aresto, bakit hindi niya ipag-utos na palayain ang Morong 43,” ani Montes.