Militarisasyon sa kampus

February 1, 2021

‘Itirik ang barikada!’ ang sigaw ng mga estudyante noong Diliman Commune ng 1971. Muling handa ang komunidad ng UP at iba pang inaatakeng kampus na ipaglaban ang kanilang kalayaang akademiko at karapatan.

Maaaring kasuhan ng paglabag sa Anti-Terrorism Law ang mga mag-aaral, guro at pamunuan ng University of the Philippines. Ito’y kung pagbabatayan lang ang mga akusasyon ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Giit kasi ni Parlade, napakaraming nagaganap na paglabag sa batas kontra-terorismo. Tumutulong umano ng ilang taga-UP sa mga “underground” na aktibidad gaya ng mga anibersaryo ng New People’s Army (NPA), ang armadong puwersa ng Communist Party of the Philippines (CPP) na itinuturing na terorista ng gobyernong Duterte.

Nagpapalaganap din umano ang mga taga-UP ng materyales sa propaganda na nanghihikayat sa mga tao na ibagsak ang gobyerno at maging paglilimbag ng materyales sa paggawa ng bomba.

“Nangyayari lahat ito sa mga kampus. Matagal na nilang ginagawa yan,” giit ni Parlade.

Pero hindi umano sila makapagsampa ng kaso laban sa mga taga-UP dahil kulang ang kanilang ebidensiya mula sa intelligence na mayroon sila.

“Hindi namin kayang gawin iyon. Kailangan pang dumaan sa tamang proseso,” ani Parlade.

Itinuturing niyang sagabal ang kasunduan sa pagitan ng UP at Department of National Defense (DND) nagbabawal sa pagpasok ng mga armadong puwersa ng gobyerno sa mga kampus nang walang koordinasyon sa pamunuan ng UP.

Matagal nang iginigiit ng mga tutol sa Anti-Terror Law na gagamitin lang ang batas para supilin ang mga kritiko ng pamahalaan.

Noong 2020, sunud-sunod ang mga protesta laban sa maling pagtugon ng gobyerno sa pandemya at laban sa pagpasa ng Anti-Terror Law ang idinaos sa loob ng mga kampus ng UP.

Bukod sa UP, naglabas din kamakailan ang NTF-Elcac ng listahan ng 37 iba pang paaralan na pinaparatangan nilang pugad ng rekrutment ng NPA kabilang ang Polytechnic University Of The Philippines, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, Far Eastern University at De La Salle University.

UP-DND Accord

Inanunsiyo ni DND Sec. Delfin Lorenzana noong Enero 15 na pinuputol na ng gobyerno ang kasunduan sa UP dahil umano marami nang mga mag-aaral ng UP ang sumasapi sa NPA.

Sa sulat ni Lorenzana kay Danilo Concepcion, Pangulo ng UP, sinabi nitong kailangang isawalang-bisa ang kasunduan para magampanan nila ang kanilang tungkulin na “protektahan ang ating mga kabataan mula sa rekrutment ng CPP/NPA.”

Pero para kay Concepcion, ang maka-isang panig na pagsasawalang bisa ng kasunduan ay “hindi kinakailangan at hindi nararapat”. Lalo lang umano nitong palalalain ang ugnayan ng UP at ng pamahalaan at maaring makagulo pa sa magkaisa nilang hangarin para sa kapayapaan, katarungan at kalayaan.

Tatlong dekada nang umiiral ang UP-DND Accord na pinirmahan noong 1989 nila Jose Abueva, dating pangulo ng UP at ni dating pangulo at noo’y kalihim ng DND Sec. Fidel Ramos.

Ayon kay Concepcion, hindi layunin ng kasunduan na takasan o pahinain ang batas kundi “protektahan ang klima ng academic freedom – na ginagarantiya ng konstitusyon”.

“Gusto naming panatilihin ang UP bilang ligtas na lugar para sa lahat ng paniniwala at demokratikong pamamahayag,” aniya.

Ilang araw lang matapos bawiin ng DND ang kasunduan sa UP, nagulat ang pamunuan ng Barangay UP Campus sa biglang pagpasok ng mga elemento ng 7th Civil Relations Group ng Armed Forces of the Philippines sa Pook Amorsolo, Pook Village B at Pook Arboretum para umano sa urban gardening.

Pinabulaanan ito ng Pamununang Barangay ng UP Campus. Hindi raw nakipagkoordina sa kanila ang AFP at walang proyektong pagtatanim ito sa loob ng UP.

“Dumaan lang sila sa aming opisina dahil hindi sila pinapasok sa Jacinto Street Portal,” ani Zenaida Lectura, punong barangay ng UP Campus.

Ani Lectura, ang Urban Gardening Project sa mga pook sa kampus ay mga matagal nang proyekto sa ilalim ng “Joy of Urban Farming” Quezon City Mayor Joy Belmonte.

“Nakakagulat na ginamit ng AFP ang Barangay UP Campus para sa bigyang katwiran ang presensya nila sa aming barangay at para sa isyu ng pagbasura sa UP-DND Accord of 1989,” ani Lectura.

Dahil sa karanasan ng UP sa Martial Law, sinabi ni Concepcion na “dapat naming tutulan ang anumang porma o pagkakahawig sa militarisasyon ng aming mga kampus, na maaring magdulot ng epekto ng pagkatakot na nakasasama sa academic freedom.”

Red-tagging

Kasunod ng pagbasura sa UP-DND Accord, umigting din ang red-tagging at pagpapakalat ng “fake news” mula mismo sa AFP laban sa mga kilalang personalidad ng UP.

Naglabas ang AFP ng listahan ng 27 personalidad na pinaratangang mga estudyante ng UP na naging kasapi raw ng NPA. Kasama sa listahan ang ilang pribadong indibidwal at maging mga dating opisyal ng pamahalaan.

“Hindi ako kailanman naging bahagi ng NPA. Pero naging bahagi ako ng gobyerno ng 20 taon o higit pa. Kaya talagang nakakatawa kung hindi naman nakakalungkot itong listahan ng AFP,” ani Alexander Padilla, abogado at isa sa mga naisama sa listahan.

Dating punong negosyador ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines si Padilla. Dati rin siyang undersecretary ng Department of Health at naging punong ehekutibo ng PhilHealth.

“Kung ganitong klaseng impormasyon ang gagamitin nila sa military operations… Puwede tayong isalang sa military operation,” sabi ng mamamahayag sa ekonomiks at negosyo na si Roel Landingin na nasama sa listahan.

Napaamin ang AFP na may mali sa listahan. Pero hindi kuntento sa paghingi ng tawad ang mga nabiktima ng red-tagging ng AFP.

“Nag-uusap ang mga kasapi ng grupo (na nabanggit sa listahan) at tiyak, gusto naming managot ang mga nasa likod ng pabayang paglalabas ng listahan at sa malisyosong pagsama sa amin dito,” ani Raffy Aquino, abogado ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at kasama sa listahan ng AFP.

Ani Padilla, di lang AFP ang dapat managot , kundi pati si Lorenzana na sumunod lang sa utos ni Pangulong Duterte.

Dagdag niya, pakana lang ng administrasyong Duterte ang red-tagging para pagtakpan ang kakulangan sa pagtugon sa pandemya at para habulin ang mga nagpetisyon laban sa kanyang Anti-Terror Law.

“Ito ay pabaya. Ito ay mapanganib. Natatakot ako para sa mga nared-tag,” ani Padilla.

Kinondena rin ni Concepcion ang mga alegasyon ng AFP at sinabing nagsisilbi itong totong banta sa buhay ng mga mag-aaral, guro, empleyado at komunidad ng UP.

“Nagmumula ang bantang ito hindi lang sa militar at pulis, kundi maging sa mga bidyilante na gustong ilagay ang hustisya sa kanilang mga kamay,” aniya.

Pero para kay Elmer Mercado, mamamahayag ng Ang Pahayagang Malaya na kasama rin sa inilabas na listahan ng AFP, walang masama kung siya’y mabansagang “pula” kung ang ibig sabihin nito’y pagiging artikulante at kritikal.

“Kung ang ibig sabihin ng ‘pula’ ay pagiging artikulante sa iyong mga ideya, nagsusuri batay sa obhetibong realidad at pag-unawa sa katotohanan, at ipinapahayag mo ito sa abot ng makakaya at gumagawa ka ng aksyon tungkol dito, anong masama doon? Bakit ito minamasama ng napakaliit na grupo ng militar?” ani Mercado na dati ring naging undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Kung tumutulong tayong iangat ang mamamayan sa kahirapan, hindi ba iyon din po ang trabaho nila? Kung ginagawa naming at ginagawa din nila, ‘di ba dapat tawagin din natin sila na NPA?” pakutya niyang tanong.

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.