Zineulat

Push Button to Eject Teacher!


Tatlong magkakapatid na ang dumaan sa mga klase ko. Natatandaan ko ang mukha ng aking mga estudyante, pero hindi ko na memoryado ang lahat ng kanilang mga pangalan, hindi tulad nung mga unang taon ng pagtuturo ko. Minsan nga, nang nakatambay kami sa Maginhawa sa Teachers Village, may lumapit sa akin na dati kong estudyante. Tanda ko ang mukha niya, at ang unang letra lamang ng kaniyang pangalan. Pag nakikita ko ang mga dati kong estudyante na nagtatrabaho na, lagi ko silang binibiro na dapat magpatoma o magpakain sila.

Tatlong magkakapatid na ang dumaan sa mga klase ko. Natatandaan ko ang mukha ng aking mga estudyante, pero hindi ko na memoryado ang lahat ng kanilang mga pangalan, hindi tulad nung mga unang taon ng pagtuturo ko. Minsan nga, nang nakatambay kami sa Maginhawa sa Teachers Village, may lumapit sa akin na dati kong estudyante. Tanda ko ang mukha niya, at ang unang letra lamang ng kaniyang pangalan. Pag nakikita ko ang mga dati kong estudyante na nagtatrabaho na, lagi ko silang binibiro na dapat magpatoma o magpakain sila.

Humanga at/o nainlab na rin ako sa ilang estudyante ko, pero walang sexual harassment na naganap at magaganap! Pramis! Nakipag-inuman na rin ako sa mga estudyante at kapwa guro. Naging tropa ang mga estudyante. Nung mga unang taon ng pagtuturo namin ng mga kabarkada kong titser, marami kaming kabulastugan, pangarap, pantasya. Marami kaming tinakbuhan at hinarap. Tumatalilis kami ng takbo para iwasan ang mga ayaw naming makita. Tumatakas kami para hindi mabigyan ng dagdag na trabaho. Nagyosi sa loob ng klasrum. Uminom ng ilang bote ng beer bago magturo sa klase para senglot-senglot ang pakiwari. Pumasok sa klase nang may matinding hangover. Nakipagbakbakan sa mga tiwaling pamamalakad ng mga administrador ng pamantasan.

Noong unang semestre ko ng pagtuturo sa UP Los Banos (UPLB), sinabihan ako ng isang estudyante ko na hindi raw niya makita ang koneksyon ng pinag-uugnay kong mga bagay. Ipinaliwanag ko nang ipinaliwanag, pero hindi ko siya nakumbinsi. Siguro binibilang ko noon ang mga hakbang ng mga paa ko pagkatapos ng klase, habang naglalakad palayo ng klasrum na iyon. Basta nakayuko ako o kaya ay nakatanaw sa malayo, nalalampasan ang mga punong kayrami-rami sa kampus ng UPLB at ang mga higanteng kalabaw sa Car Park (Carabao Park), at natatapakan marahil ang anino ng mga nakakasalubong o nakakasabay. Kung maliwanag ang araw ng hapong iyon, malamang kumikintab ang mga talukap ko. Ang hirap humarap sa klase kapag biglang nakaltag ang tiwala mo sa sarili. Paglaon, naging magkaibigan rin kami ng estudyante kong iyon. Pinahiram pa nga niya ako ng damit nang minsang makitulog ako sa bahay nila ng ate niya. Kapatid pala siya ng kaibigan at kapwa ko guro sa UPLB.

Minsan naman, di ko na matandaan kung anong semestre, basta sa UP Diliman na ako nagtuturo, nakatanggap ako ng mensahe mula sa isang estudyante pagkatapos ng semestre. Sabi niya’y salamat raw sa mga natutunan niya sa klase, huwag lang raw ang pagiging aktibista. Nakomentohan na rin ako na masyado raw akong tibak sa klase, masyadong ideolohikal at radikal. Sa mga sarbey sa UP, kapag may tanong na “Have you had an activist for a teacher?” ay malimit na naisasagot ang pangalan ko. Wala naman akong problema rito. Tutal ganun naman talaga ako, kaya bakit ako mahihiya o maaasar. Sa totoo lang, simpleng kasiyahan ko iyon. Nahihigit nito ang aking mga labi para magpasungaw ng ngiti.

Napag-uusapan namin ng ilang kaibigang guro kung ano ang pakiramdam kapag nasasabihan kang “Okay yang si ser. Masaya sa klase!” Iisipin mo, kinukuha ka ba na titser dahil may matututunan mula sa yo o dahil ang bali-balita sa grapevine ay masaya sa klase, nanonood ng pelikula, laging nagjo-joke, kahit na maraming pinapabasa. Nangangarap at nagtitiwala na lang kami na sana’y may tumagos na kahit na karampot na mapagpalayang mga konsepto sa kanila. Ngayon, kung sasagutin ko yan ay tipong sisihin na lang natin ang kulturang popular at ang sistemang neoliberal. Pero sige pa rin nang sige, bagama’t minsan ay nakakaltag.

Masuwerte ako kung tutuusin kumpara sa libo-libong kapwa ko guro sa pampublikong sektor, sa mga probinsiya at liblib na pook at paaralan, sa mahihirap na paaralan, na ang mga libro’y kakaunti kaya hindi nababasa ng lahat. Sa UP kasi, kahit papaano, may ilusyon ng akademikong kalayaan — na kahit aktibistang guro ka ay puwede kang magsalita. Pero siyempre, kunwa-kunwarian lang yun. Masabi lang na may mga aktibista sa akademiya. Siguro sabihin na lang nating constant struggle pa rin yan! Minsan, nagbigay kami ng seminar sa mga guro sa Masbate, Masbate. Nang tanungin sila ng guro at makatang si Joi Barrios kung ano ang ginagawa nila kapag may umaabsent na estudyante o may hindi nakakagawa ng takdang aralin, may ilang sumagot na pinapalo at pinaparusahan. Sabi ni Joi, tipong, pero tinatanong ba natin ang ating mga estudyante kung bakit sila absent o kung bakit hindi nakagawa ng assignment? Malalaman namin sa seminar na iyon na maraming estudyante ang lumiliban sa klase o hindi nakasasabay sa usad ng pag-aaral sapagkat nagtatrabaho sa bukid, nagtitinda, walang makain, walang pera. Kaya dapat bang sila ang paluin at parusahan? O yung gobyerno at pinuno nito?

Kung babalikan ang graffiti sa mga desk at/o armchair ng elementary, high school at college, mapapansin na popular ang “Push button to eject teacher!” na maraming bersiyon at baryasyon tulad ng “Push button to ERECT teacher!” Parang batayang antagonismo na ang titser-estudyante. Na sumbungero ang titser, pahirap, terorista. Minsan pa nga, o madalas pa nga, totoo naman, na alingawngaw ng neoliberal at pasistang sistema ang ating mga guro. Pero hindi lahat. At hindi natin sila buong-buong masisisi. Kasama rin sila sa mga kailangan nating palayain at gawing liberatibo at mapagpalaya.

Kahit na i-push button to eject teacher pa ako ng sistemang ito, tulad nang ginagawa kay Sarah Raymundo, ipu-push button to erect administrator ko sila, hahahaha! Saka isa pa, hindi ako mahilig magpalaki ng puwet sa upuan.

Mykel Andrada. October 7, 2010. 12:43pm. Revised 3:08pm, October 9, 2010. Iba, QC.