Robot sa pagawaan sa loob ng asyenda


Sa isang pagawaang nakatirik sa loob ng Hacienda Luisita, binubusabos ang mga manggagawa. Ngunit handa silang lumaban. Handa rin silang makiisa sa pakikibaka ng mga magsasaka sa asyenda.

Gate ng pabrika ng International Wiring Systems (IWS), sa loob ng Luisita Industrial Park. (Ilang-Ilang Quijano)
Gate ng pabrika ng International Wiring Systems (IWS), sa loob ng Luisita Industrial Park. (Ilang-Ilang Quijano)

Kung masusunod ang kagustuhan ng pamilya Cojuangco na panatilihin ang kontrol sa Hacienda Luisita at palawakin ang industrial zone sa lupaing iyon, malamang na magsulputan pa roon ang mga kompanyang gaya ng International Wiring Systems (Phils.) Corp. o IWS.

Sa pabrika ng IWS sa loob ng 500-ektaryang Luisita Industrial Park (LIP), nakaladlad kapwa ang watawat ng Pilipinas at ng Japan—isang matapat na larawan ng tipo ng negosyong karaniwan sa tinatagurian ng gobyernong mga “sentro ng industriya” sa bansa. Nakatirik ang IWS sa lupaing isinailalim sa land use conversion noong administrasyong Ramos, lupaing bahagi pa rin ng mahigit 6,000 ektaryang binabawi ng mga manggagawang-bukid mula sa pamilya Cojuangco.

Mga watawat na nagwawagayway sa harap ng pabrika: Simbolo ng dayuhang interes na nangingibabaw? (Ilang-Ilang Quijano)
Mga watawat na nagwawagayway sa harap ng pabrika: Simbolo ng dayuhang interes na nangingibabaw? (Ilang-Ilang Quijano)

Noong 1990, naitayo ang IWS sa bisa ng isang joint venture sa mga kompanyang Hapon na Sumitomo Wiring Systems, Ltd. at Sakata Inx Corporation. Nag-e-espesyalisa ang IWS sa mga automatic wiring harness na ginagamit sa mga kotse. Ine-eksport ang kalakhan ng kanilang mga produkto sa Japan, US, Mexico, China, Vietnam, Russia, at iba pang bansa.

Isa itong huwarang kompanya sa mata ng gobyerno at ng negosyo. Pero para sa mga manggagawa ng IWS, huwaran ito ng pagsasamantala at ng pagpiga ng kanilang lakas-paggawa. Ang dinaranas nila sa loob ng pagawaan, tila walang pinagkaiba sa dinanas din ng ilan sa loob ng asyenda.

Dating manggagawang-bukid

Dating manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita Inc. (HLI) si Arnold Dizon, isa sa mga direktor ng IWS Workers Union (IWS-WU).  “Tinatrabaho mo pa lang, inuutang mo na eh,” aniya hinggil sa pagtatrabaho sa tubuhan. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon, namasukan siya sa IWS.

Ipinangako ng pamilya Cojuangco na lilikha ang LIP ng trabaho para sa mga manggagawang-bukid, na noo’y kumakaunti ang araw ng trabaho sa asyenda. Bahagi ito ng panghihikayat ng manedsment ng HLI sa kanila na bitawan ang laban sa lupa at yakapin sa halip ang Stock Distribution Option.

Mga manggagawa ng IWS. (Ilang-Ilang Quijano)
Mga manggagawa ng IWS. (Kontribusyon)

Hindi naman tumupad sa usapan ang mga kompanya sa loob ng LIP. “Ang usapan, priority yung mga nasa asyenda, pero hindi ganun yung nangyari. (Sa IWS), siguro mga 30 percent lang kaming galing talaga sa asyenda,” ani Dizon, taga-Brgy. Mapalacsiao.

Bentahe umano kapwa sa pamilya Cojuangco at manedsment ng IWS ang mas kakaunting bilang ng mga taga-asyenda sa pagawaan, para maiwasan ang pagtutulungan ng mga manggagawa at magsasaka sa paggiit sa kanilang lehitimong mga karapatan.

Ipinagmamalaki ng mga manggagawa ang kanilang unyon, na kasalukuyang binubuo ng 3, 142 na manggagawa. Anila, napanatili nila itong tunay na nagsisilbi sa interes ng mga manggagawa, at kaisa sa laban ng mga taga-Hacienda Luisita para sa lupa.

Naroon sila nang maganap ang masaker sa asyenda noong Nob. 16, 2004. Pagkatapos ng kanilang shift, dumiretso ang mga manggagawa sa piketlayn, nakasuot pa ng unipormeng asul. “Hindi lang iyon usapin ng mga manggagawang bukid, kundi usapin namin mismo. Kaya hindi pwedeng hindi kami sumuporta,” ani Dizon.

May ganti itong panghaharas mula sa militar na lumakas ang presensiya sa asyenda simula noong masaker. Kuwento ni Dizon, noong 2008 unang umaligid sa kanyang bahay ang mga lalaking kahina-hinala. Isang gabi, inimbitahan siya ng unipormado’t armadong mga sundalo na kausapin sa loob ng kanilang barracks. “Siyempre hindi ako sumama. Marami na noon ang dinukot at pinatay. ‘Yung iba nga sa amin, talagang binantaan,” aniya.

Lakas ng unyon

Marahil, pinanday ang sariling laban ng IWS-WU sa loob ng pagawaan ng ganitong sagupaan sa mga puwersang mas makapangyarihan sa kanila.

Kada dalawang taon, pumapasok ang unyon ng Collective Bargaining Agreement (CBA) kung saan iginigiit nila ang dagdag-sahod, mga benepisyo, regularisasyon ng mga kontraktuwal, at iba pang karapatan. Sa bawat pagkakataon, tinatangka rin ng manedsment na ipagkait ang mga karapatang ito.

Kuwento ni Dexter Datu, presidente ng IWS-WU, nagsimula ang kanilang pinakahuling CBA na may zero proposal ang manedsment. Wala ni isa sa kanilang mga hiling ang gustong ibigay ng kompanya. Ngunit nag-mobilisa ang mga ito, nagpiket sa loob mismo ng pagawaan.