Balik-Tanaw

Dugo at luha sa lupa ng Hacienda Luisita


Pitong magsasaka ang namatay sa pamamaril at hanggang ngayo’y nananatiling walang hustisya para sa mga biktima ng karumal-dumal na masaker.

Karahasan ang naging tugon ng pinagsanib na puwersa ng pulis at militar sa mga manggagawa, magsasaka at mamamayan na nagsagawa ng welgang bayan noong Nobyembre 16, 2004 sa Hacienda Luisita sa Tarlac.

Matagal nang sigaw ng mga maggagawa’t magbubukid sa asyenda ang pamamahagi sa 6,453 ektaryang lupa na kinamkam ng pamilyang Cojuangco-Aquino matapos itong mabili sa pamamagitan ng pautang mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas noong 1957.

Sa pangunguna United Luisita Workers Union (UWLU) at Central Azucarera de Tarlac Union (Catlu), nagwelga ng mga manggagawa’t magsasaka upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho at nakabubuhay na sahod.

Kabilang sa pinaglalaban nila ang lupang dapat ay noon pang taong 1967 naibalik sa mga magsasaka ayon sa kasunduan sa pautang. Ngunit pananamantala at panggigipit ang isinukli ng angkan ng panginoong maylupa. 

Pikit mata ang estado sa tunay na sitwasyon sa kanayunan habang patuloy namang minamata ng mga panginoong maylupa ang mga oportunidad para sa pansariling interes at monopolyong kontrol sa lupa.

Samantala, binuwag ng mga dispersal team ng Philippine National Police at ng 69th at 703rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang barikada ng mga welgista sa gate one ng Central Azucarera de Tarlac sa pamamagitang pambobomba ng tubig at paghagis ng tear gas.

Sa kabila ng armadong presensiya, hindi nagpasindak ang hanay ng mga manggagawa at manggagawang bukid. Bumalik silang handa, bitbit ang bato at tirador bilang kanilang dipensa kung sakali muli silang gagamitan ng dahas ng puwersa ng estado.

Tinangkang buwagin ng mga armoured personnel carrier (APC) ang barikada sa harap ng gate one ngunit makailang beses umatras at umabante ang mga ito dahil sa matinding pambabato ng mga welgista. Ngunit pagsapit ng 3:51 ng hapon, tumindi ang pandarahas ng mga pulisya at militar.

Walang habas na pinaulanan ng bala ang mga walang kalaban-laban manggagawa’t magsasaka habang tumatakbo palayo. Iniwang duguan at sugatang ang tinatayang 121 katao kabilang ang mga bata habang 133 ang dinakip.

Pitong magsasaka ang namatay sa pamamaril na sina Jesus Laza, Jhune David, Jhavie Basilio, Juancho Sanchez, Jaime Pastidio, Adriano Caballero Jr. at Jessie Valdez at hanggang ngayo’y nananatiling walang hustisya para sa mga biktima ng karumal-dumal na masaker.

Dalawang dekada na ang nakalipas mula nang naganap ang malagim na masaker sa Hacienda Luisita, subalit hanggang ngayo’y nananatiling nakalubog ang mga paa ng uring magsasaka sa lupang hindi nila pagmamay-ari. 

Mananatiling sariwa ang sugat ng kahapon kung patuloy na iiral ang pyudal at malapyudal na sistema at patuloy na pinagsamantalahan sa anyo ng hindi makataong pasahod ang masang magbubukid.