Pinoy Weekly

Karaban para sa Morong 43, hinarang sa Camp Bagong Diwa

Mga lobo, pagkain, panalangin, pagbati. Ito sana ang bitbit ng mahigit 200 katao na naglayong bumisita sa tinguriang “Morong 43″ na nakapiit pa rin sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Bilang paggunita sa siyam na buwang pagkakapiit ng Morong 43, nagkaraban sila mula Quezon City. May permit mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga bibisita para magdaos ng pagtitipon para sa detinidong 43 kasama ang mga bisita. Pero sa tarangkahan pa lamang, hinarang na ng mga pulis ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (NCRPO) ang karaban. Anila, tanging bisita sa kulungan sa loob ng kampo ang permit; hindi saklaw nito ang pagpasok ng mga tagasuporta sa kampo.

Mga tagasuporta ng Morong 43, sa harap ng Camp Bagong Diwa. (Macky Macaspac)

Mga tagasuporta ng Morong 43, sa harap ng Camp Bagong Diwa. (Macky Macaspac)

Sa gitna ng pakikipagnegosasyon, bumulwak ang galit ng mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43. Hinarang ang daanan ng mga sasakyan papasok at palabas ng kampo. May ilan ding kaanak na naluha sa tila pagmamalupit na naman ng mga awtoridad sa kanilang matagal nang pinagkaitan umano ng hustisya. Pinagtutulak sila ng mga pulis, para muling makaraan ang mga sasakyan. Sa negosasyon, napagkasunduang papasukin ang 25 tagasuporta muna.

Free, free, free the 43!” sigaw ng mga kaanak. Dahil pinigilang makapasok, nanalangin ang mga relihiyoso, umawit ang mga grupong pangkultura, at nagtalumpati ang mga lider at kaanak sa harap ng tarangkahan.

Kabilang ang Pinoy Weekly sa nakapasok at nakasaksi sa mainit na pagtanggap ng Morong 43 sa mga bisita. Sa kulungan ng mga babaing detinido, nagtanghal ang mga babaing miyembro ng Morong 43. Umawit at sumayaw sa binigkas na tula ni Joi Barrios. Nanginginig ang boses, tumula si Jane Balleta, manggagawang pangkalusugan na miyembro ng Morong 43 at apo ng dakilang lider-manggagawa na si Crispin Beltran, hinggil sa kalayaan at paglaban sa kabila ng pagkakapiit.

“Nakita namin kayo sa telebisyon,” nakangiting bati ng isang babaing detinido. Sinubaybayan kasi nila ang balita noong umagang iyon, at napanood ang pagharang ng mga pulis sa karaban.

Sa piitan ng kalalakihan, isa-isang nagpakilala ang mga lalaking miyembro ng Morong 43. Ayon kay Aldrin Garcia, isa sa mga detinido, nananatiling mataas ang morale nila sa kabila ng hirap na dinaranas nila sa piitan. “Kung noong nasa Camp Capinpin kami, di namin isinuko ang pakikipaglaban, dito pa kaya,” ani Aldrin.

Matapos ilegal diumanong dinukot sa Morong, Rizal noong Pebrero 6, 2010 sa bintang na miyembro raw sila ng New People’s Army, ikinulong at diumano’y tinortyur sila ng militar sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal. Noong Mayo, sa utos ng korte, inilipat ang 43 sa Camp Bagong Diwa.

“Pinasasalamatan namin ang mga suporta ng ninyo sa labas,” ani Aldrin. Labinlimang minuto lamang ang binigay sa amin para bumisita sa mga lalaking Morong 43 at ihatid ang munting handa para sa kanila. “Sana sa susunod, magkita-kita na tayo sa labas,” pagwawakas niya.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=10496

Posted by on Nov 7 2010. Filed under Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Karaban para sa Morong 43, hinarang sa Camp Bagong Diwa”

  1. Ang illegal na pagkakulong ng morong 43 ay isang malaking dagok naman sa hanay ng pulisya at militar at higit sa lahat sa nakaraan at kasalukuyang administrasyon ng bansa.Kung sino man ang mga tao na nagpapahayag at gumawa ng pagtulong sa mga kapos palad nating kababayan ay sya pa ang tinuturing kriminal. Ganun naba ang imahen sa bansang Pilipinas? BAliktad Goverment? Kung mananatili itong pangyayari na walang hakbeng na ginagawa ang tinataguriang P-Noy ng Bansa na hangarin ang pagkakaroon ng Pagbabago sa baluktot na DAan, Ngayon Din Umpisahan na nya. At pakawalan na niya ang Morong 43 at sampu pa ang mga inosenteng biktima na hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas ng mga berdugo.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes