Mga dating bilanggong pulitikal, tinuligsa ang espesyal na pagtrato sa mayayamang bilanggo
Tinuligsa ng Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang pagbibigay ng ispesyal na prebilihiyo sa mga mayayamang bilanggo na nakakulong sa National Bilibid Prisons at sa Camp Bagong Diwa, Taguig City tulad ng nababalitang pagtrato sa mga suspek sa masaker sa Ampatuan at kay dating gobernador Antonio Leviste. Ayon kay Bonifacio Ilagan, […]

Tinuligsa ng Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang pagbibigay ng ispesyal na prebilihiyo sa mga mayayamang bilanggo na nakakulong sa National Bilibid Prisons at sa Camp Bagong Diwa, Taguig City tulad ng nababalitang pagtrato sa mga suspek sa masaker sa Ampatuan at kay dating gobernador Antonio Leviste.
Ayon kay Bonifacio Ilagan, pangalawang tagapangulo ng Selda, halimbawa umano ang mga kasong ito sa magkaka-ibang pagtratong ibinibigay sa mga bilanggo laluna sa mga mayayamang bilanggo kumpara sa kalagayan ng libu-libong nakakulong, kasama na ang 142 bilanggong pulitikal sa naturang mga piitan.
“Habang si Leviste at miyembro ng pamilya Ampatuan ay nagpapasarap sa VIP treatment, ang mga bilanggong pulitikal halimbawa sa Medium Security Compound ng NBP at sa Camp Bagong Diwa ay nasa isang selda kasama ang mga presong nahatulan o sumasailalim pa sa paglilitis dahil sa mga kasong kriminal,” ani Ilagan.
Binanggit ni Ilagan ang UN Body of Principles for the Protection of All Persons under any Form of Detention or Imprisonment at ang UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, na nag-oobliga sa mga estado na paghiwalayin ang mga bilanggong pulitikal mula sa iba pang mga bilanggo.
Ibinigay na halimbawa ni Ilagan ang kaso ni Rolando Pañamogan, isang aktibistang diumano’y kinasuhan at hinatulan ng bigong pagpatay at kasalukuyang nakakulong sa NBP.
Ayon kay Ilagan, isa umano si Pañamogan sa kailangan ng kagyat na pagpapalaya dahil sa matagal na umano siiyang may sakit na diabetes, goiter at congestive heart failure. Sa kasalukuyan, nakaratay si Pañamogan sa NBP Hospital dahil sa mababang presyur ng dugo dahilan na rin sa kumplikasyon ng diabetes. Diumano, hindi sapat ang pasilidad at medical personnel sa naturang ospital.
“Matapos ang mahabang pagkakakulong at ilegal na detensiyon, si Pañamogan at ang lahat ng 346 na bilanggong pulitikal ay karapat-dapat na palayain,” ani Ilagan.
Kinondena rin ni Ilagan ang patakaran ng gobyerno na pampulitikang panunupil laban sa mga taong may ibang pampulitikang paniniwala at ang pagsampa ng kasong kriminal laban sa mga bilanggong pulitkal.
“Ang pagsampa ng common crimes ay kumbinyenteng nagtatago sa pampulitikang dahilan ng mga kaso laban sa mga bilanggong pulitikal. Ganundin na itinatago nito ang sistematikong panunupil na ginagawa ng gobyerno laban sa mamamayan na mayroong ibang pampulitikang paniniwala, at nakakalusot ang gobyerno dito at dapat itong matigil,” sabi pa ni Ilagan.
Idinagdag pa ni Ilagan na matagal nang nakulong at nakaranas ng iba’t ibang inhustisya kasama na ang patung-patong na kasong kriminal.
“Ito ang dahilan sa paggiit namin sa kahilingan namin na kagyat silang palayain,” pagtatapos ni Ilagan.