Sama-samang sining ng alagad ng midya


Isang dibuho ng mga alagad ng midya, simboliko ng pagigiit ng kanilang karapatan at kagalingan sa gitna ng karahasan sa kanilang hanay.

Una, ang pula.

Ito ang kulay na unang nagbigay buhay sa binuong mural ng mga mamamahayag kasama ang Concerned Artists of the Philippines bandang alas sais y media ng umaga noong Nobyembre 23, 2019, isang dekada makalipas ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao.

Sa simula, alangan ang mga mamamahayag iwan ang kanilang puwesto. Epekto marahil ng paninirahin sa likod ng lente o kasanayan ng kamay humawak ng mikroponong nakatutok sa iba. Ngunit sa araw na iyon, simula nang mangyari ang malagim na pagpatay sa 58 katao (32 dito peryodista) sa Ampatuan, Maguindanao, laging napupunta ang pokus sa mga mamamahayag, sa kanilang danas, at ngayon, sa kanilang sining.

Hindi unang beses lilikha ng sining ang mga mamamahayag bilang pagtugon at patuloy na paghingi ng hustisya para sa Ampatuan masaker. Hindi na nga mabilang ang mga litrato, dokumentaryo, at likhang kuwento na tumatalakay sa masaker. Magaling kasi makapagpaalala ang sining. Kumupas man ang pula ng dugo na dumanak sa Ampatuan, sa patuloy na paglikha ng mga kwento at ng sining nagkakaroon ng pamamalagi ang pula ng paglaban.

“Mahalagang ipagpatuloy ang galit,” ika nga ni Fernando Sepe Jr., tagapamahala ng Photojournalists’ Center of the Philippines.

Sunod ang lilim.

Banayad naman ang itsura ng mga mamamahayag habang patuloy na nagpipinta. Sa piling ng isa’t isa at sa saliw ng kuwentuhan, unti-unting nabuo ang mural. Ipinatong na sa pula ang lilim na magpapakitang may lalim ang imahe. Hindi lang ito basta pintura sa tela, at ang inaalalang pagkamatay, hindi lang numero sa talaan.

Taun-taong napapabalitang isa na naman sa pinakanakamamatay na bansa para sa mga mamamahayag ang Pilipinas. Ilang presidente na rin ang nangako ng pagbabago, ng dagdag na proteksiyon, ng higit na pagkilala sa karapatan mamahayag, makaalam, at makialam.

“Pilit nating ipinaglalaban na demokrasya tayo, pero ang gobyerno walang bahala,” giit ni Nonoy Espina, tagapangulo ng National Union of Journalists of the Philippines. Ang bagal ng pag-usad ng kaso at kawalan ng hustisya ang nagsisilbing lilim at proteksyon ang iba pang nagtangka sa buhay ng mga mamamahayag, at ang iba pang may balak nito.

Kung ang maramihang pagpatay na ginawa habang tirik ang araw ay hindi matugunan, paano na lang ang paisa-isang pag-atake sa dilim?

Pagkatapos, liwanag.

Sa kabila ng ganitong danas, patuloy ang mga mamamahayag sa pagkilos, sa paglikha, sa pagpinta. Bahagi ng mural ang imahe ng mga alagad ng midya kasama ang iba pang sektor. Marahil, mayroong lakas na nakukuha mula sa mga taong dating tinututukan lamang ng kamera at mikropono.

Mayroong lakas sa sama-samang paglikha ng bagong realidad.

Maliwanag at medyo maalinsangan na noong natapos ang mural. Ngunit sa nailatag na plano, unang hakbang pa lamang iyon. Tuloy pa ang mahabang martsa para sa hustisya.